ANG mga lalabag sa ‘strict lockdowns’ na simulang ipatutupad ngayon Huwebes sa tatlong barangay sa Maynila na kung saan nakapagtala ng mataas na kaso ng COVID-19 ay huhuhilihin at dadalhin sa quarantine facility kung saan mananatili sila sa loob ng 14 araw.
Ito ang matinding babala ni Manila Mayor Isko Moreno na nagsabi rin na ang mga barangay na makakapagrehistro ng 10 o higit pang kaso ng COVID ay agad na ila-lockdown. Tanging ang mga authorized persons outside of residence (APOR) ang papayagang makalabas.
“Lahat ng lalabas na hindi kasali sa pinapayagan, ilalagay po namin kayo sa quarantine facility ng 14 days kasi you are exposing others to danger. So, wag kayo lalabas. Kaya nga inagahan ko na ang abiso to give you the chance to buy food,” ayon kay Moreno.
Tiniyak naman ng alkalde na magpapadala ng ayudang pagkain ang pamahalaang lungsod na sapat sa haba ng panahon na itatagal ng lockdown.
“Those who will violate will face the consequences… instead na tatlong araw lang kayo dapat contained, you will be submitted to 14 days quarantine in our quarantine facility,” giit ni Moreno.
Binigyang diin din ni Moreno na seryosong ipatutupad ang lockdown nang ianunsyo niya ang mga barangay na isasailalim dito base sa impormasyon na binigay ni Manila Barangay Bureau director Romy Bagay na kinilala ang mga sumusunod na barangay : Barangay 351 sa likod ng San Lazaro, Tayuman na nagrehistro ng 12 COVID cases; Barangay 725 sa Malate na may 14 cases; at bahagi ng Barangay 699 sa M. Adriatico partikular sa Bayview Mansion Building at Hop Inn Hotel sa Malate na may 17 cases.
Ang lockdown sa nasabing mga lugar ay magsisimula ng 12 a.m., March 11 (Thursday) hanggang 11:59 p.m. ng March 14 (Sunday).
Nauna rito ay inatasan ni Moreno si Bagay na magpatupad ng ‘automatic lockdown’ sa lugar kung saan mayroong pagtaas ng kaso COVID kaugnay na rin ng biglang pagtaas ng dami ng mga dinapuan ng impeksyon.
Binigyang diin ni Moreno na hindi siya magdadalawang isip na i-lockdown kahit mga high-rise buildings kung kinakailangan basta mapigil lamang ang impeksyon at gayundin ang pagkalat nito sa pamayanan.
‘Yung barangays with ten or more infections, isasara natin pansamantala ‘yung buong barangay or building. Kaya ingatan ninyo ang impeksyon sa inyong barangay dahil wala kaming magagawa kundi protektahan ang katabi n’yong barangay o community kapag kayo ay nagpabaya sa inyong iskinita, kalye o boulevard,” sabi ni Moreno.
Ayon pa kay Moreno, hangga’t maaari, ang konsentrasyon ng lockdowns ay doon lamang sa mga lugar kung saan marami ang kaso ng COVID-19, ibig sabihin kung ikaw ay may disiplina sa sarili ikaw ay maliligtas at hahayaan magtuloy ang gawin at trabaho sa pang-araw araw.
Inatasan ng alkalde si Bagay na kausapin ang lahat ng mga opisyal ng barangay upang maayos na maipatupad ang lockdowns, kasabay din ng paghingi niya ng pang-unawa sa lahat na maapektuhan pati ang kanilang hanapbuhay.
Ang pamahalaang lungsod ay may obligasyon na protektahan ang kanyang nasasakupan pag dating sa usapin ng kalusugan lalo na ngayon na ang buong bansa ay nasa state of health emergency. (ANDI GARCIA)
The post Violators ng lockdown sa 3 barangay, ika-quarantine ng 14 days — Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: