SARKASTIKO na natatawa ang nakasimangot na mukha ni Presidente Rodrigo Roa Duterte sa karikatura na ang 4 na libong pisong ayuda na ibinigay sa LGU ay kinupitan at naging 4 na de-latang sardinas na may tatak Ligo nang sumakamay sa pobreng si Juan!
Yumayaman daw si Kupitan, lugmok naman sa hirap si padyak driver na si Ambo.
Para sa serbisyo publiko, eto po ang mga gabay at alituntunin, sa pamimigay ng ayuda kung saan kasama sa magbibigay ng financial assistance ang nasyunal na pamahalaan sa pamamagitan ng mga LGUs.
Kasama sa NCR + ang Cavite, Laguna, Bulacan at Rizal na inutusan ni Pres. Duterte na bigyan ng ayudang P4K bawat pamilya.
Intindihin, bawat pamilya ay 4k ang dapat na tanggaping pera.
Lead agency sa pamimigay-ayuda ay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD, hindi department of selection and wrong distribution?), katuwang ang concerned LGUs na magbibigay ng validated list ng mga benepisyaryo ng ayuda (Social Amelioration Program o SAP).
Kasama rin ng DWSD at ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang Department of National Defense (DND) na aalalay sa local government units (LGUs) para siguruhin na lahat ay mabibigyan ng SAP, ayon sa mga probisyon ng Joint Memorandum Circular (JMC) 1, Series of 2021.
***
Bakit ang mga lokal na pamahalaan (LGUs) ang inuutusan mamahagi ng SAP, ayon sa JMC 1?
Kasi, kilala ng mga lokal na opisyal kung sino-sino ang mga tao o residente sa nasasakupan nila, katuwang ang mga opisyal ng barangay.
Teka, cash po at hindi “in-kind” tulad ng de-lata, bigas, etc na katumbas ng 4K ang iaayuda sa bawat pamilya.
Dapat may nakahanda nang mode at means of distribution sa isang Executive Order na ipalalabas ng governor, mayor o ng kapitan, bago gawin ang pamimigay ng ayudang SAP.
Batay sa memo ng Department of Budget and Management (DBM), mayroong 22.9 milyong residente o mamamayan sa NCR+ (National Capital Region, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal) na mga qualified financial assistance beneficiaries.
Ayon pa sa Joint Memorandum Circular No. 1, series of 2021, dapat unahing bigyan ng ayuda ng mga LGUs ay ang sumusunod:
1. Mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP) sa ilalim ng Bayanihan 1 at mga karagdagang benepisyaryo ng emergency subsidy ng Bayanihan 2;
2. Mga SAP waitlisted beneficiaries;
3. Kabilang sa mas apektado at nangangailangang sektor na dapat bigyan ng perang ayuda ay mga (a) taong may mabababang kita na namumuhay mag-isa (b) persons with disabilities (PWD), mga solo parents, at iba pa.
4. Iba pang mga indibidwal na matutukoy ng LGUs na matinding tinamaan ng masamang epekto ng ECQ, ito ay kung may matitira pang pondo.
(Sa Imus City, sinabi ni Mayor Emmanuel L. Maliksi na kapag kinapos ang pondong mula sa gobyerno, nag-apruba na ang Sangguniang Panlungsod ng pondo para sa mga di-residente na napilitang manirahan muna dahil sa naipit at nagipit at nawalan ng trabaho dahil sa pandemyang COVID-19).
5. Kasama sa bibigyan ng ayudang pera ay ang mga nasa listahan ng mga benepisyaryo ng SAP, pati ang mga 4Ps beneficiaries.
6. Ang listahan ay magsisilbing reference ng LGUs sa pagtukoy ng mga makatatanggap ng financial assistance.
Gayunman, nasa diskresyon pa rin daw ng LGUs kung sinu-sino ang bibigyang-prayoridad para sa financial assistance.
***
Maliwanag ang utos ni PRRD: ayon sa inilabas na Local Budget Circular ng DBM, Php 1,000 kada indibidwal at hindi hihigit sa Php 4,000 ang maaaring matanggap ng isang pamilya.
Ibig sabihin, kung sobra sa apat ang miyembro ng isang pamilya, Php 4,000 lamang ang matatanggap at hindi na ito pwedeng dagdagan pa.
Para makita ng publiko kung sino-sino at saan-saan ang tatanggap ng financial assistance, dapat na mag-post (pwedeng sa official website o sa social media, tarpaulin, o billboard o anunsiyo sa city/municipal/barangay hall) ang LGU ng listahan ng mga naaprubahang benepisyaryo.
Pwedeng gumawa ng iba pang paraan: magbahay-bahay o gumamit ng apps ang LGU upang makatitiyak na ang lahat ng kwalipikadong benepisyaryo ang makatatanggap ng tulong-pinansyal dahil kabahagi ang buong komunidad sa pag-validate nito.
***
Teka, basahing mabuti ng local chief executives kung pinapayagan ang pamamahagi ng ayuda nang “in kind” sa halip na in cash.
Ang pondong mula sa DBM ay gagamitin lamang na ayuda sa panahon ng ECQ at hindi maaaring gastusin o ipondo o ilipat sa ibang programa, proyekto,at aktibidad ng LGU.
Graft ito, mga LGU executives.
Hindi maiiwasan ang reklamo, problema at paano ito maaksiyon ng LGUs?
Dapat ang concerned LGUs ay may sariling Grievance and Appeals Committee para mabilis na maaksiyon at matugunan ang mga reklamo, hinaing at hinihinging tulong ng apektadong residente sa kanilang nasasakupan.
Dapat may ganito ring komite ang mga barangay.
At mahalaga, maglagay ng hotline at mga taong mag-aasikaso sa mga reklamo 24/7.
Maliwanag po ba, mga kabayan?
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.
The post 4 na libong piso, naging de-latang ligo! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: