Facebook

“Hindi nabibili ng pera ang COVID bed” – Isko

“KAHIT bilyonaryo o multi-millionaire, nasa ward natin. Kung ano ang dinadanas ng mahirap, gayundin ang middle class o mayaman o sobra ang yaman. Pantay-pantay, pare-pareho. Ano ibig sabihin? Hindi nabibili ng pera ang COVID-bed.”

Ito ang seryosong pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno kung saan hinihikayat niya ang lahat ng mga gumaling sa COVID-19 na ibahagi ang kanilang karanasan lalo na ang hirap ng kanilang pinagdaanan sa pakikipaglaban sa sakit, sa mas nakararaming tao.

Ayon sa alkalde, ito ay upang matanim sa isipan ng bawat isa na totoo ang COVID-19 at hindi ito dapat na ipinagwawalang bahala.

Sinabi ni Moreno na ang napakabigat na bahagi ng kanyang regular live broadcast ay kapag inaanunsyo na niya ang bilang ng mga nasasawi sa lungsod, lalo na’t hindi ito basta numero lang kundi totoong buhay ang mga nasa likod ng bilang na ito.

“Parang nasanay na lang tayo pero hindi tayo dapat masanay. Sa likod ng mga numero ng pumapanaw, may mga pamilya na nalulugmok, nangungulila, nalulungkot,” sabi ng alkalde.

“Panawagan ko sa mga gumaling na sa COVID-19, i-share ninyo ang inyong karanasan para maiwasan ang halos araw-araw na me namamatay, nung minsan umabot pa ng 23,” dagdag pa niya.

Ayon sa alkalde ay labis siyang nasasaktan sa tuwing makakatanggap ng ulat araw-araw tungkol sa mga bagong active cases at mga namamatay.

Ito rin ang dahilan kung bakit hindi siya napapagod nang paulit-ulit na panawagan sa bawat isa na manatiling ligtas at palagiang sumunod sa minimum health protocols.

“Those who experienced getting infected, share your experience emotionally, psychologically and physically para maging takdang aral sa ating mga mahal sa buhay, kakilala at kaibigan na napakahirap,” ayon kay Moreno.

Ibinahagi rin ni Moreno na madalas siyang nakakatanggap ng balita na may ganitong tao na nahihirapan ng makahinga at kailangang-kailangan na dalhin sa ospital sa dis-oras ng gabi. (ANDI GARCIA)

The post “Hindi nabibili ng pera ang COVID bed” – Isko appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
“Hindi nabibili ng pera ang COVID bed” – Isko “Hindi nabibili ng pera ang COVID bed” – Isko Reviewed by misfitgympal on Abril 21, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.