LIMANG hinihinalang kasapi ng “private armed group” kabilang ang isang kagawad ang naaresto nang manutok ng baril sa mga pulis na kasama ng Task Force Quarry na humabol sa isang trak na pag-aari ni dating Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo makaraang tumakas sa checkpoint sa Barangay Bogtong, Sabado ng gabi.
Kinilala ang mga dinakip na sina Al Tripulca Del Castillo, 39 anyos, kagawad ng Brgy. Peñafrancia, Daraga; Rowen Guiriba Apuli, 30, ng Brgy. Cabangan, Camalig; Allan Toloma Gante, 30, ng Guevarra Subdivision, Brgy. 18, Cabangan; Aldin Miranda Maquiñana, 43; at Rommel Cedeño Ordiz, 21; kapwa residente ng Brgy.1, Pio Duran ng nasabing lungsod.
Sa ulat, 10:10 ng gabi, pinara ng mga kasapi ng Task Force Quarry sa pangunguna ni Roy Basco sa checkpoint ang isang puting 10-wheeler dump truck (U2 R160) na may malaking markings sa windshield na “Baldo” pero dumating ang isang green SUV na Expedition at bumaba si dating Mayor Baldo na unang kinasuhan at itinuturong utak sa pagpatay kay dating Ako Bicol Party-list Cong. Rodel Batocabe noong Disyembre 2018.
Lumapit umano sa checkpoint si Baldo at nagsabing: “Walang PENRO ‘yan, abante na driver”. Kaya mabilis na tumakas ang trak pero hinabol ng mga kasapi ng TF Quarry at mga pulis hanggang sa pumarada ang sasakyan sa harap ng Apulivv’s compound sa Doña Josefa St., Brgy.18, Cabangan.
Ilang lalaking nakatambay sa harap ng bahay ni dating City Councilor Roderick Apuli, bayaw ni Baldo, ang nilapitan ng mga pulis para sana tanungin kung nasaan ang driver ng trak pero bigla bumunot ng baril ang mga ito, tinutukan ang mga operatiba.
Gayunman, naging maagap ang mga pulis at nadis-armahan lahat ng suspek.
Nakuha mula sa mga suspek ang isang Ingram M11 caliber 9mm, isang MP 45 pistol, stainless Smith and Wesson Springfield, isang Armscor caliber .45, isang made in Turkey na Girsan .45 automatic, magazines at mga bala.
The post 5 ‘private armies’ ng ex-mayor nanutok ng baril sa mga pulis, arestado appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: