
ARESTADO ang siyam na residente ng Barangay 649 sa Baseco, Maynila nang madiskubreng gumamit ng pekeng identification card upang makakuha ng ayuda.
Ayon kay Rose Pangan, officer-in-charge (OIC) ng Manila Department of Social Welfare Baseco Satellite Office, naghinala na sila nang hindi masagot ng isang nagpresenta ng pekeng ID kung ano ang kaniyang middle name at kaarawan.
Matapos ng pagsusuri, nadiskubre nilang peke rin ang dalang ID ng mga kasunod sa pila ng unang nagpresenta ng fake ID.
Ayon sa report, isang grupo ang nasa likod ng modus, na kapag nakuha ang ayudang nagkakahalagang P4,000, mapupunta ang P1,000 sa pumila habang P3,000 ang mapupunta sa grupo.
Depensa naman ng isa sa mga dinakip na pangalan ng pinsan ang nasa ipinakitang ID, inutusan lang siya ng kaniyang pinsan na kuhanin ang pera dahil sa probinsiya na ito nakatira.
Ayon naman sa isa pang naaresto, pinilit lang siya ng hindi pinangalanang grupo na pumila, at nagsisi siyang sumunod siya sa mga ito nang maaresto.
At pekeng ID ng Manila Royal House and Council of Elders ang ipinakita ng karamihan sa mga naaresto. Kaya ayon kay Sharifa Mastura, NCR Chairperson ng Sultan Kudarat Descendants Organization of the Philippines, hindi sila papayag na magpatuloy ang modus.
Ayon kay Police Lt. Roberto Medrano Jr., OIC ng Investigation Section ng Baseco Police, mahaharap ang mga dinakip sa kasong estafa at falsification of documents.(Jocelyn Domenden)
The post 9 kukuha ng ayuda sa Maynila, huli sa pekeng ID appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: