NALALAPIT na naman ang ‘Labor Day’ at ngayon palang sari-saring petisyon na taasan o’ dagdagan naman sana ng pamahalaan ang arawang halaga ng sahod ng mga mangagawa bilang handog na rin sa kanilang Araw ng Manggagawa sa May 1 na darating.
Sa mismong rehiyon ng Pangulong Duterte sa Davao, inuungot na ng mga unyon ang matagal na nilang petisyon na isang daang (P100) pisong karagdagan sa kanilang pang-araw-araw na kinikita dahil raw sa kahirapan na lalong bumigat dahil sa pandemiya ng COVID-19.
Karamihan sa Davao Region ay mga manggagawang taga-tanim ng saging, kaya naman ating nabalitaan na ang United Pantaon Banana Workers Union (UPBWU) sa Sto. Thomas, Davao del Norte ay sumugod na rin sa Regional Tripartie Wages and Productivity Board (RTWPB) upang ihain na rin ang kanilang petisyon sa taas sahod, nitong nakaraang linggo lamang.
Ang huling pagtaas naman kasi sa kanilang pang-araw-araw na kinikita ay nangyari noon pang Pebrero ng taon 2019 ayon sa RTWPB at ibinigay maging sa mga manggagawang di sakop ng sektor ng agrikultura.
Matagal-tagal na rin pala. At kung mga manggagawa sa Davao ay umiiyak na at naninikluhod pa para lamang makuha ang hinihinging dagdag kita. Lalo na siguro ang mga naririto sa Metro Manila na karamihan ay nawalan pa ng trabahong pinagkakakitaan.
Pero hindi naman nagbubulagaan ang mga ahensiya ng pamahalaan na may responsibilidad dito at nakaka-siguro ako na sila ay gumagawa na ng hakbang at mungkahi na papaaprubahan kay Pangulong Duterte na siyang magsasabi ng mga magagandang biyaya para sa mga manggagawa bilang gantipala sa Araw ng mga Manggagawa.
Ang isang daang piso (P100) karagdagan ay malaking bagay na rin naman talaga. Lalo na sa mga may-ari ng negosyo. Mabigat din para sa kanila ito lalo na sa panahon ng pandemiya. Lalo na rin, na sa panahon ngayon ay patuloy na nagtataasan ang mga presyo ng bilihin at mga serbisyo.
Bumababa ng husto ang halaga ng ating piso dahil sa pandemiyang nagaganap na patuloy din nilalabanan ng Administrasyong Duterte. Siyempre, may mga manguurot sa sitwasyon na yan at pihadong ididiin at sisihin ang Pangulo.
Gaya nitong Kilusang Mayo Uno (KMU) na ngayon palang ay nagpapasingaw na, na ang pamahalaan daw sa kasalukuyan ay ang pinakamabagal na administrasyon sa pagbibigay ng karagdagang pasahod.
Alam niyo mga kababayan, dapat na tinitimbang ang isyu na yan. Dahil ang dulo niyan, ipapasa sa taong bayan ang gastos ng mga employer o’ may-ari ng mga negosyo sa dagdag sahod na iuutos ng pamahalaan. Ordinaryong Filipino ang babalikat niyan, na patuloy pa rin namumuhay sa kahirapan.
The post Araw ng manggagawa appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: