Facebook

Mag-utol na smuggler, nabili ang Bulacan!

TAONG 2020, umusok ang kampanya laban sa smuggling ng pekeng imported na sigarilyong Two Moon, Blue Star, Fort, Union at DnB na pinalilitaw ng mga kontrabandista na nanggaling sa bansang Thailand.

Hindi lamang malakihang kantidad ng kontrabando ang nasamsam na ebidensya ng mga awtoridad, kundi may nadakip pang hindi kukulangin sa 100 Chinese national at di mabatid na bilang na Pinoy na hinihinalang sangkot sa smuggling activities.

Literal na uminit talaga ang kampanya laban sa cigarette smuggling sa mga lalawigang nasasakupan ni PNP Region 3 director P/BG Valeriano De Leon.

Liban sa pagkakumpiska ng mga smuggled na sigarilyo na umaabot sa bilyong piso ang halaga ay may mga nasampahan pa ng asuntong umabot sa hukuman. Nasaan na kaya ang mga naarestong Instik?

Kahit pa nga nakaharap ang ating bansa sa lupit ng pandemya ay bumabaha pa rin ang mga kontrabandong sigarilyo sa lalawigang nasasakupan ni Gen. De Leon lalo na sa mga lalawigan ng Nueva Ecija at Bulacan.

Gayunman may ulat na nakarating sa SIKRETA na hindi lamang sa dalawang probinsyang ito palasak ang cigarette smuggling. Hinihinalang ang mga kontrabando ay pinadadaan mula sa Mindanao at ibinabagsak sa mga baybaying dagat ng mga probinsya ng Region 3 lalo na sa malawak na coastal area tulad ng Zambales, Aurora at Bataan.

Ang itinuturong utak ng cigarette smuggling ay ang magkapatid na tumutugon sa pangalang Mulong at Raffy.

Iniiimbak muna nina Mulong at Raffy ang mga naipupuslit na sigarilyo sa mga bodega sa Nueva Ecija at Tarlac at mula doon ay dumadaloy ang smuggling sa mga lalawigan ng Pampanga at Bulacan.

Palibhasa napakalapit na sa Metro-Manila ay nakasentro ang smuggling ring ng magkapatid sa mga probinsya ng Bulacan at Nueva Ecija.

Kaya nang pinag-ibayo ang anti- smuggled cigarette drive ay inakala natin na masusupil na ang bawal na negosyong ito na magpapabagsak sa local tobacco at cigarette industry sa Pilipinas.

Akala lang pala natin, pagkat maging ang magaling ngunit kontrobersyal na WPD Police official na nahirang na Bulacan PNP Provincial Director, P/Col. Lawrence Cajipe ay nakilahok na rin sa operasyon ng kontra-cigarrette smuggling.

Pati na ang mga nababahalang sektor ng lokal na industriya ng tabako at sigarilyo tulad ng Philip Morris Philippines Manufacturing, Inc.,Fortune Tobacco Corporation, at Japan Tobacco Industry (JTI) ay nakipagtulungan na din sa mga ahente ng pamahalaan laban sa mga sangkot sa cigarette smuggling.

Ngunit hindi pala dapat nating balewalain ang kamandag ng mag-utol na Mulong at Raffy pagkat biglang napalamig ng mga ito ang init ng kampanya ng cigarette smuggling sa Region 3 o Central Luzon area.

May ulat ang ating police insider na matapos na magulo ang tabakuhan ng cigarette smuggling na kinasasangkutan din ng ilang mga walanghiyang negosyanteng Intsik ay ginamit na ng sindikato ang magkapatid na Mulong at Raffy. Sa tulong ng mga padrinong pulitiko hanggang Malakanyang ay nagkaroon ang mga smuggler ng malalim na koneksyon sa PNP, NBI, CIDG, BIR at iba pang law enforcing arm ng gobyerno.

Kaya naman naging parang ligal na rin ngayon ang delivery ng mga smuggled na Two Moon, Ligon, Blue Star, Fort, Union, DnB at iba pang sigarilyo na hindi ibinabayad ng angkop na buwis sa pamahalaan. Sentro ng operasyon ngayon ay Bulacan, Nueva Ecija at iba pang probinsya na nasasakupan ng PNP Region 3 Office.

Sa pangunahing merkado sa siyudad ng Malolos, Meycauayan at San Jose Del Monte at maging sa 21 mga munisipalidad ng probinsya ng Bulacan ay bagsak presyo na ang mga nabanggit na smuggled cigarette at ito ay dahil sa magkapatid na Mulong at Raffy.

Alam nating galit na galit si Pangulong Rodrigo R. Duterte laban sa mga smuggler pagkat pinapatay ng mga ito ang ating lokal na negosyo. Itinuturing itong economic sabotage sa ating bansa.

Ngunit paano kung totoong marami ngang opisyales ng PNP at ng provincial at local official sa Bulacan, Nueva Ecija at iba pang lalawigan sa Region 3 ang nabili na nga ng magkapatid na Mulong at Raffy?

Kaya dapat na ipaaresto na agad ni Gen. de Leon kina Bulacan PD Cajipe at sa iba pa nitong PNP Provincial Director sa Central Luzon sina Mulong at Raffy. Abangan ang modus operandi nina Mulong at Raffy…

***

Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com

The post Mag-utol na smuggler, nabili ang Bulacan! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Mag-utol na smuggler, nabili ang Bulacan! Mag-utol na smuggler, nabili ang Bulacan! Reviewed by misfitgympal on Abril 26, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.