MISTULANG mga hari kung umasal at gumalaw ang mga pulis at barangay sa panahong ito ng pandemya na lubhang ikinababahala ng marami nating mamamayan.
Ibang-iba nga naman ang nagiging ugali ng mga ito kung ikukumpara sa dating normal na panahon na kung saan hindi mo halos hindi sila napapansin.
Sa panahon ng pandemya, lumabas na ang tunay na ugali ng mga ito. Umangas, yumabong at muling pinairal ang kapangyarihan lalo na sa paggamit ng kanilang wang-wang ng walang katuturan na lalong nagdudulot ng tensiyon sa mamamayan.
Sila na rin ang hari ng lansangan na sa halip na nagpapatupad ng batas ay sila pa ang unang sumusuway partikular na sa trapiko.
Ilang halimbawa ng batas trapikong kadalasang sinu-suway nila ang ang counter-flow, beating the red light at ang walang kamatayang paggamit ng wang-wang na walang ibang dulot kundi ingay at pangamba.
Maging sa pagtupad sa mga health protocol ay hipokrito ang dating ng mga ito partikular na sa pagpapatupad ng physical distancing nito sa mga residente na mistulang mga alipin kung sigawan at diktahan ang mga ito.
Pero huwag ka, minsan ay pumasyal kayo sa mga presintong nasasakupan ng Manila Police District (MPD) at dito niyo makikita kung paano mag-kumpulan sila na halos magkapalit-palit na ng mukha. Nakatambay lang sa labas, kuwentuhan, pakarahan ng walang katuturan.
Kung may hari ay meron ding mga super-hari tulad ng pina-pamalas ng mga station commander na bawal puntahan, kausapin o masilayan man lang ng araw.
Ito siguro binabantayan ng kanilang mga pulis na naka-tambay sa labas ng presinto kung kaya’t bawal pumasok o dumalaw ang maski na sino, sa labas lang ng presinto mo iiwanan ang mga pagkain ng mga preso na di natin tiyak kung makakarating o hindi.
Bawal mangatwiran at magtanong sa kinauukulan ang maski na sino dahil malamang na mabulyawan ka lang o makulong ka pa kung mamalasin.
Tinalo pa nila sa higpit ng patakaran ang Manila City Hall na kung saan labas-masok ang mga taong may transaksyon o sadyasa anumang tanggapan at departamento.
Maging ang tanggapan ni Yorme Isko Moreno ay bukas sa sinuman taong nais siyang kausapin, tanungin o maski na punahin kung kaya nga ito ay city hall. Wala kang ibang dapat na gawin kundi sumunmod sa mga health protocol partikular na ang pag-susuot ng face mask at face shield.
Bukod-tanging ang kapulisan lang ang may istilong kaka-iba mas lalo na ang mga station commander na nag-bababa ng polisiyang tila baluktot. Serve and protect daw ang pangunahin nilang tungkulin.. ng sarili siguro nilang kapakanan.
Talaga sigurong feeling hari ang mga ito dahil guwardiyado-sarado sila ng kanilang mga pulis na di-susi at daig ang bampira sa pag-sipsip he he he
Malamang na bawal din dapuan ng langaw ang mga ito, bawal mahanginan at bawal din na maarawan. Baka naman mamanas kayo at magkulay eroplano sa sobrang proteksiyon niyo sa sarili.
Mabuti pang di-hamak ang inyong District Director na si Gen. Leo Francisco na maski paminsan-minsan ay bumababa at luma-labas ng kanyang kuwarto upang makihalubilo.
Bukas din naman ang kanyang tanggapan at pwedeng pumasok ang sinum,an na may sadya o pakay sa kanya provided na may suot silang face mask at face shield.
Iyan ang tunay na ehemplo, flexible, down to earth at talagang tinu-tupad and kanyang bokasyon…TO SERVE AND PROTECT na di gaya ng iba diyan he he he
KUNG GANON ANG MGA PULIS,
GANON DIN ANG BARANGAY…
Kung nag-aasal hari ang mga pulis, ganon din ang mga kawani ng barangay na feeling like a king din lalo na sa kanilang mga desisyon at disposisyon sa kanilang nasasakupan.
Mukha yatang spoiled na spoiled sa mga kinauukulan ang ating mga barangay kung kaya’t ganon na lamang ang lakas ng loob sa pagpa-patupad ng kung ano-anong polisiya sa kanilang barangay.
O baka naman binigyan na talaga sila ng basbas upang gumawa ng sarili nilang batas sa kani-kanilang barangay na hindi na kailangan pang kumonsulta o humingi ng approval sa kanilang superyor.
Kung ganon nga ay hindi na tayo dapat magulat at mag-taka kung hari nilang turingin ang kanilang sarili na hindi pwedeng salungatin at kuwestiyunin ng sinuman.
Makikita niyo naman ang pruweba ng mga ito mula sa chairman, mga kagawad hanggang sa kanilang mga tanod. Dominante nila ang kanilang AOR na hindi pwedeng sitahin.
Mantakin niyong ganon na lamang magpasara ng mga kalye, eskinita at iba pang pwedeng daanan ng tao. Ang desisyong ito ay walang konsultasyon o abiso man lang sa kanilang mga constituents.
Good as lock-down din ang situwasyon at kalagayan ng kanilang nasasakupan na basta na lang kinurdunan at binarikadahan upang walang makapasok o makalabas ng walang authorization galing sa kanila, mabigat po, di ba?
Ang masaklap pa dito ay hindi mo malaman ang rason at dahilan kung bakit basta-basta na lang isasarado ang mga kalye. Wala naman sigurong problema kung dedeklara nila ang kanilang motibo at intensiyon.
Ano man lang na sabihin maraming residente ang positibo sa covid19 kung kaya’t kailangan protektahan ang kalusugan ng lahat hindi lang ng kanilang barangay.
Hindi tuloy natin malaman kung trip lang o gaya-gaya lang ang mga ito na nakikisabay lang sa usong sayaw o kanta. May posibilidad din naman na meron silang sariling interes.
Wala naman problema kung ano man ang kanilang interes. Ang malungkot dito ay ang marami nating kababayan na nagsa-sakripisyo at kung saan-saan pang kalye umiikot para maka-daan lang.
Huwag sana kayong pansarili at nawa’y isipin niyo ang kapakanan ng marami. HIRAP NA MGA TAO, PINA-HIHIRAPAN NIYO PA.
Mukhang pabor na pabor sa inyo ang lock-down, bakit kaya? Malaki siguro kinikita niyo sa inyong gimik at pakana ano, he he he
Okay lang samantalahin niyo na ang situwasyon dahil araw niyo ngayon pero isipin niyo rin na hindi forever iyan. May hangganan din ang mga araw niyo at baka dapit-hapon niyo na ang sumunod na obligado niyong tanggapin at harapin.
The post Pulis at barangay, nagmi-mistulang mga hari sa panahong ito… appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: