Facebook

PRC examiners, isama sa vaccine priority list — Bong Go

UMAPELA si Senator Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na ang frontliners ng Professional Regulation Commission o kasama sa proctors at watchers sa darating na professional board exams, na ibilang sila sa essential sectors na ikinokonsiderang kabilang sa A4 priority group para sa COVID-19 vaccination.

“Maituturing dapat na essential workers ang mga miyembro ng PRC na nagsasagawa ng mga professional board exams. Kung protektado sila dahil sa bakuna, mas makakapagtrabaho sila nang maayos para hindi maantala ang mga kailangan ng ating mga kababayan para sa kanilang mga propesyon,” ipinunto ni Go.

Bilang chairman ng Senate Committee on Health and Demography, sinabi Go na tinalakay nila kamakailan nina Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, Jr. at Health Secretary Francisco Duque III ang concerns ng PRC ukol sa gaganaping professional board exams sa gitna ng community quarantine restrictions na ipinatutupad sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“Limitado po ang galaw natin ngayon upang mapigilan ang lalong pagkalat ng COVID-19. Ngunit kailangan rin natin ikonsidera ang mga pangangailangan sa propesyon ng ating mga kababayan na maaaring mawalan ng kabuhayan kung patuloy na maaantala ang mga operasyon ng PRC,” ani Go.

“Palagi po nating binabalanse lahat. Habang pinoprotektahan natin ang buhay ng bawat Pilipino, pinoproteksyunan rin natin ang kanilang kapakanan at kabuhayan,” dagdag niya.

Noong Marso, umabot sa 52 COVID-19 cases ang nakumpirma sa PRC central at regional offices. Isang miyembro ng Board of Medical Technology ang sinasabing namatay sa virus.

Isa ito sa mga dahilan kaya iniliban ng PRC ang nursing licensure examinations noong May 30-31 na isasagawa sa November 21 to 22.

At dahil sa panawagan ng nursing graduates para sa mas maagang pagdaraos ng exams, inirekomenda ng PRC COVID-19 Task Force ang pagbabakuna sa frontliners at personnel ng ahensiya gayundin sa mga kasapi ng Professional Regulatory Boards, volunteer proctors at watchers.

Suportao ni Go ang nasabing apela dahil sa mahalagang papel aniya ng PRC sa pagpoproseso at evaluation ng professionals, partikular ng nursing graduates na kinakailangan ngayon ng bansa.

“Kung mapoproteksyunan ng bakuna ang PRC examiners, proctors at iba pang personnel, maisasagawa natin agad ang board exams sa ligtas na paraan at mas madadagdagan natin ang mga healthcare professionals sa lalong madaling panahon,” ayon sa senador.

“Hirap na hirap na po ang ating mga doktor, nars, at iba pang health workers. Kailangan na talagang madagdagan sila. Marami po diyan na nagsitapos na ng pag-aaral at kinakailangan na lang pumasa ng board exam para maging ganap na health professional. Gawin na natin ang kailangan para matulungan sila at matulungan rin ang kapwa nilang health workers sa paglaban sa COVID-19,” ani pa ni Go. (PFT Team)

The post PRC examiners, isama sa vaccine priority list — Bong Go appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
PRC examiners, isama sa vaccine priority list — Bong Go PRC examiners, isama sa vaccine priority list — Bong Go Reviewed by misfitgympal on Abril 27, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.