KINWESTYON ngayon ng isang civil society group na Quezon Rise movement kung nasaan na ang bakunang Sputnik V na Russian-made at inanunsyo ni Quezon Governor Danilo “Danny” Suarez na nakakuha na ang kanyang lalawigan?
“Hindi lang ang kapabayaan ni Gov. Suarez na dahilan ng 2.9% vaccination rate sa aming lalawigan kundi nagawa rin niyang magsinungaling at itago sa mga taga-Quezon kung nasaan ang sinasabi niyang Sputnik V vaccine,” pahayag ni Ed Santos, spokesperson ng Quezon Rise movement.
Sa online press briefing ng National Press Club of the Philippines (NPC) nitong Biyernes, ipinahayag ni Suarez na mismong si Health Secretary Francisco Duque III ang kanyang kinausap sa telepono upang humingi ng Sputnik V COVID-19 vaccine.
Hindi naman binanggit ni Suarez kung ilang Sputnik Gamaleya ang diumano’y hawak na ng lalawigan ng Quezon at kung may kakayahan o pasilidad para umayon sa storage requirement ang Sputnik V vaccine.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hindi lahat ng Local Government Units (LGUs) sa bansa ang mabibiyayaan ng Sputnik V vaccines na gawa ng Gamaleya Research Institute ng bansang Russia dahil sa storage requirement nito.
Sinabi pa ni Vergeire kinakailangang naka-store sa madilim na lugar na may temperatura na hindi tataas sa 18 degrees Celsius. Ito aniya ang importanteng requirement kung saan ang ibang LGUs ay hindi ito matutugunan.
“Pagdating ng Sputnik V, mayroon lang pong assigned LGUs because they have the capability to store ‘yung said vaccines… Kaya hindi natin maibigay sa lahat ng ating regions,” sabi pa ni Vergeire sa press briefing.
Sa nasabing NPC Online briefing, binanggit ni Suarez ang kanilang datos na nasa 9,842 ang confirmed cases ng COVID-19 sa kanilang lalawigan at mahigit 400 na ang namatay. Mahigit 14,000 pa lamang ang nabakunahan sa mahigit 2 milyong residente ng probinsya ng Quezon. Sa datos naman ng DOH, pinakakulelat ang Quezon sa mga nakakuha ng bakuna.
Sinabi rin ni Suarez hindi pa nakukuha ang panukalang P1 bilyon pisong pondo ng lalawigan dahil pinapa-aprubahan pa sa Development Bank of the Philippines (DBP).
Samantala, ayon naman kay Philippine vaccine czar Carlito Galvez Jr., inaasahan pa lamang nila ang pagdating ng 20,000 doses ng Sputnik Gamaleya bago matapos ang buwan ng Abril. Nagtapos ang kasunduan ng gobyerno ng Pilipinas sa Gamaleya nito lamang April 15, 2021.
The post Sputnik V vaccine, hanap na ng mga taga-Quezon appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: