Facebook

‘Asan ang pangulo?

TUWING nagiging ‘invisible’ si Pangulong Duterte, umuulan sa social media ang tanong, ‘Asan Ang Pangulo.’

Kamakailan, kumalat ang balitang na-stroke si Presidente Rodrigo Roa Duterte, at may pahaging na dapat na raw isalin muna ang kapangyarihan kay VP Leni Robredo.

Sinagot ito ng kumalat na video na nagja-jogging at nakasakay sa motorsiklo si PRRD hatinggabi sa kalyeng malapit sa kanyang official residence sa Malacanang.

Nang wala pa ang COVID-19 vaccine, maangas ang mga kantiyaw na #DutertePalpak na unang ipinoste ng isang empleyado sa opis ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Martin Andanar – na ewan sa kawalan ng magandang paliwanag, biglang “nagpositibo sa veerus.”

Dalawang linggong nawala si PRRD – na sinadya raw niyang mag-ECQ sa Davao City – para hindi maistorbo sa pagbusisi at pag-aaral sa mga kontrata, programa ng gobyerno at sa mga batas na inokeyan ng bicam committee ng Kongreso.

Nagkataon na maiingay ang mga ‘makabayang Pilipino’ na kinakantyawang tuta ng China si PRRD dahil hindi kumikibo sa nakahambalang na ilang daang barkong pangisdang Chinese sa Julian Felipe Reef.

Warning nina retired SC Associate Justice Antonio Carpio at retired Foreign Affairs Sec. Albert Del Rosario, hindi raw barkong pangisda ‘yun kungdi militia vessels na kargado ng attack missiles ng People’s Liberation Army.

Inapuyan pa ang tensiyon sa Julian Felipe Reef nang ireport ng ABS-CBN na ang yate raw nila ay hinabol ng militia vessel ng PLA sa dagat malapit sa Palawan.

Kungdi raw ito ‘invasion,’ kung hindi lantarang pag-aagaw ng teritoryo ng Pilipinas ang pagtataboy ng PLA militia sa mga mangingisdang Pinoy, e ano raw ba ito.

Pero ang mas nakapagtataka, mas malapit sa Vietnam, Indonesia at sa Malaysia at Brunei ang Julian Felipe at iba pang isla sa West Philippine Sea (WPS), pero ni piyok walang naririnig mula sa mga pinuno at embahada nila.
***
1978 nagtayo ng instalasyong militar ang Vietnam sa Julian Felipe Reef na naging dahilan ng bakbakan nila ng China, ayon sa saliksik natin sa Google at 1998, apat (4) na garrison ang itinayo sa nasabing bahura.

Inokupa rin ng China noong 1988 ang ilang lutang na bahura sa Julian Felipe pero ang Pilipinas nito lang 2008 idineklarang ‘teritoryo’ ito na matagal nang nasa ‘possession ng China at Vietnam.

May peaceful co-existence ang Vietnam at China at kung tutuparin ni Department of National Defense (DND) Sec. Delfin Lorenzana ang pang-uudyok nina Carpio at Del Rosario na magpadala ng barko de giyera, baka hindi China ang makasagupa natin kungdi ang naval fleet ng Vietnam.

Ayaw ni PRRD na mapasubo tayo sa giyerang hindi natin makakayang mapanalunan, kahit pa tumulong ang US.

Tinalo ng Vietnam ang US sa mahigit na 30 taong giyera ng pananakop nito sa pamumuno ni Ho Chi Minh.

Salamat sa jurassic military hardware na courtesy ng US na mga sandatang pinaglumaan nila sa giyera sa Vietnam, Iran at Iraq.

Kaya tama ang posisyon ni PRRD na daanin na lang sa maginoong usapan – sa isang “privately dealing” ang pang-iinis ng China sa WPS.

Nang urutin ng mga kritiko ni Duterte ang mga detalye ng pribadong usapan, tumanggi ang Malakanyang na isiwalat ang diplomasiyang ginagawa ng Pangulo para malutas nang mapayapa ang sigalot sa Julian Felipe at iba pang islang nasa Kalayaan o WPS.

Okay lang na hayaan muna natin ang ginagawa ng Presidente na ayusin ang problema sa pribadong pamamaraan.

Kung iaanunsiyo ni PRRD, asahang lulutang ang mga kokontra at kritiko, lalo na ngayong umiinit ang pasikatan, pasiklaban ng mga politiko at partidong politikal kaugnay ng umiinit at parating na 2022 presidential and local elections.

Umasa na lamang tayo na magagawa ni PRRD na maplantsa ang gusot ng relasyong Philippine-China at ‘wag na muna – sa ngayon – na patangay sa pambubuyo ng US sa hangad nitong manatiling ‘World Policeman.’

Na pinapalagan ng China.

***

Babawasan na kaya ang pagkiling ng bansa sa China at muling palalakasin ang pagkakaibigan natin sa America.

Nararamdaman na ba ng Pangulo na ang “tensiyon” sa WPS ay posibleng pagmulan ng giyera ng dalawang bansa at dahil may Mutual Defense Treaty tayo sa US, ito na ang panahon na pumanig sa lakas militar ng America.

Na-realize na ba ng gobyernong ito na banta sa ating bansa ang China na walang pakundangan sa pagkamkam ng WPS?

Natauhan o nagising na ba ang Pangulong Duterte?

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.

The post ‘Asan ang pangulo? appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
‘Asan ang pangulo? ‘Asan ang pangulo? Reviewed by misfitgympal on Abril 24, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.