MAAARING tumuloy-tuloy hanggang sa susunod na taon ang distance learning na ipinatutupad ng Department of Education (DepEd) dahil sa paggawa ng bakunang aangkop sa mga edad ng ating mga mag-aaral.
Dahil na rin sa kasalukuyan panahon, ang mga bakunang itinuturok sa mga tao sa buong mundo ay pang may mga edad lamang, 18 taong gulang pataas. At ayon din sa World Health Organization (WHO), samantalang ang mga bata ay di naman nahaharap na madapuan ng matinding COVID-19 virus, ang mga ito ay pwede pa ring makahawa lalo na sa mga may edad na at madaling dapuan ng sakit gaya ng kanilang mga guro, magulang at mga lolo’t lola kung sila ay papayagan ng makapunta sa kanilang mga paaralan.
Mayroon naman nang sinisimulang mga tinatawag na ‘clinical trial’ sa ibang bansa para sa mga bakunang aangkop sa mga kabataan at patuloy na pinag-aaralan kung ligtas ang mga ito na iturok sa mga may edad 18 pababa at maging ilang bese ba dapat sila turukan ng bakunang panglaban sa COVID-19.
Sigurado naman akong hanggat wala pa niyan, hindi pa rin papayag si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na buksan na ang mga eskwelahan para sa face-to-face learning. Yan ang unang-una niyang isina-isip at ipinag-utos na bawalan ang pag-labas ng mga kabataan para mag-aral upang di mahawaan ng virus na nakamamatay. Kaya gumawa ng paraan ang DepEd at sikaping makapagtuloy ng pag-aaral ang mga kabataan sa pamamagitan ng “distant learning.”
Paano ngayon yan? Itong taon nga ng 2021-2022 ay 23 milyong estudyante lamang ang nagawang makapag-enroll at makapag-aral, dahil sa takot ng ibang mga magulang sa virus at kawalan ng ‘access’ o koneksiyon sa teknolohiya gaya ng internet. Kumpara sa school year 2019-2020 na 27.7 milyong mag-aaral ang nakapasok sa mga pribado at pang-publikong paaralan, dahil wala pang pandemya. Paano na lang ang school year 2021-2022?
Kaya naman yan. Kung ang DepEd, ngayon palang ay hinahanap na ang mga estudyanteng di nakapag-enroll sa anumang kadahilanan, at hikayatin itong mag-aral na muli kahit sa pamamagitan ng distant learning, upang di naman masayang ang kanilang mga panahon.
Siyempre dapat palakasin at pagandahin pa ng DepEd ang mga kaparaanan nitong magturo sa pamamagitan ng distant learning via on-line at sa tinatawag na ‘modular’ na paraan o kaya’y sa pamamagitan ng TV at radyong pagtuturo.
Sa ganitong paraan mababawasan ang mga di mag-aaral o alanganin magpa-enroll. Pwede pa nga kalabitin ng DepEd ang mga lokal nitong sangay maging pati mga barangay na, sa paghahanap ng mga batang di nakapag-enroll o ayaw mag-enroll dahil sa walang kakayahang gumamit ng internet o ano pa mang kadahilanan.
Habang pinag-aaralan pa ang mga bakunang babagay sa mga edad nila, mas mabuting pag-aralan din natin kung paano mapabuti at maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral, nang di nasasayang ang panahon nating lahat.
Nasa DepEd na naman ang bola niyan para sa school year 2021-2022. Kasihan nawa tayo ng Maykapal.
The post Bakunang pang-bata mag-uudlot ng face-to-face classes appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: