HINDI natin tatalakayin sa pitak na ito ang mga basurang nasa ibabaw ng karagatan gaya ng mga barko ng Intsik na nagkalat sa iba’t ibang bahura natin.
Ang paksa natin ay tutukoy sa mga basurang napunta sa kaila-ilaliman ng ating karagatan, ang ikatlo sa pinaka-malalim na bahagi ng karagatan sa buong mundo – ang ‘Emden Deep’ na tinatawag, na matatagpuan 34,100 talampakan o 10,400 na metrong lalim sa pusod ng karagatan na kung tawagin ay ‘Philippine Trench’.
Dito naikwento kamakailan ni Dr. Deo Florence L. Onda, isang microbial oceanographer na Associate Professor at Deputy Director for Research of the Marine Science Institute (MSI) ng University of the Philippines, Diliman, na gumawa ng kasaysayan bilang kauna-unahang Filipino at isa sa unang dalawang nilalang na nakapunta sa Emden Deep, at kanyang ikinagulat ang mga nasaksihan sa paglusong nila sa pinaka-malalim na parteng iyon ng karagatan.
Naganap ang kakaibang karanasan ni Dr. Onda noong March 23, kasama ang Amerikanong ‘undersea explorer’ na si Victor Vescovo sakay ng DSSV Pressure Drop, na natatanging sasakyang dagat sa mundo na ginawa upang kayanin ang pagsisid sakay ang tao sa pinaka-malalim na lugar sa karagatan.
Sa tinatawag na ‘Emden Deep Expedition’ na pinangunahan at ginastusan ng pribadong kumpanyang Caldan Oceanic, namalas ni Dr. Onda ang kakaibang kapaligiran sa ilalim ng karagatan na matatagpuan pa sa ating bansa.
Sari-sari at mga kakaibang laman-dagat ang kanyang nakita habang sila ay pumapailalim sa Emden Deep. Ngunit gumulat kay Dr. Onda ang isang bagay na una ay inakala niyang isang uri ng ‘jelly fish’, ngunit nang kanila itong lapitan, laking gulat ng duktor, na ito pala ay isang plastic.
Paliwanag ni Dr. Onda, kaya siya nagulat bukod sa agiging unang taong nakarating sa pusod ng karagatan ay kanila nang napag-aralan na ang plastic ay di kayang magtagal sa kaila-ilaliman ng dagat, dahil ang pressure sa bahaging ito ng karagatan ay kaya nang sirain ang plastic.
Bukod doon, iba’t bang mga bagay pa, na gamit ng tao ang mga tumambad sa kanila, gaya ng mga damt na luray-luray, bote ng tubig na plastic at maging isang teddy bear pa nga daw.
Iisa lang ang ibig sabihin nito, ayon kay Dr. Onda. Ang tao ay walang pakundangan sa pagtatapon ng basura. Biruin niyo nga naman, nakarating na sa pinaka-malalim na parte ng karagatan na para sa mga dalubhasa ay di kakayanin ang pressure at agaran itong masisira. Siguro, ito ay likas-yamang katangian ng parteng iyon ng karagatan upang protektahan ang sarili nilang kapaligiran.
Ngunit sa panahon ngayon, ang mga plastic o bagay na likha ng tao ay di na kayang tunawin agad-agad, at nagiging sanhi pa ng panganib di lang sa kasalukuyan kundi sa mga darating na panahon.
Kaya nga nakikiusap si Dr. Onda, na kung maaari ay bawas-bawasan natin ang paggamit ng plastic at mga bagay na nakakasira ng ating mundo. Alam ng doktor na ito na di kayang gawin ng tao ang biglang hinto sa paggamit ng plastic o mga bagay na di recyclable.
Kelan pa kaya tayo matututo? Aantayin pa ba nating isuka ng karagatan ang mga itinapon nating mga bagay sa karagatan? Nangyari na ito sa Japan na kilalang gumagalang sa kapaligiran, nang tamaan sila ng Tsunami matapos ang malakas na lindol. Di ba pagtaas at nang umapaw ang karagatan, sangkaterbang basura rin ang tumambad sa kanila na ibinalik ng karagatan.
The post Basura nauna pa sa tao sa pinakamalalim na parte ng karagatan appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: