Facebook

NAPAKA-KAPAL naman pala talaga ng apog ng mayor na nasa likod ng pagpapatakbo ng tupadahan sa bayan ng Taysan, Batangas, dinaig pa nito ang operator ng mga lisensyadong sabungan. Kahit noong Semana Santa na panahon ng pangingilin ay tuloy din ang pa-derby sa tupadahan nina Mayor.

Kahalintulad ng tupadahan ni Mayor na matatagpuan sa Brgy. Pinagbayanan sa munisipalidad ng Taysan ay ang kontrobersyal na operasyon ng Pit Master Live Sabong on Line ng gambling icon Atong Ang, na maging noong Huwebes Santo hanggang Sabado de Gloria ay mayroon ding pa-derby sa bayan naman ng Santa Cruz, Laguna.

Tulad ng e-sabong o electronic sabong online, ay araw-araw ang pa-derby sa Brgy. Pinagbayanan. Ang ipinagawang istrukturang pangtupadahan ay itinayo malapit sa Brgy. Tulos na siyang boundary ng munisipalidad ng Taysan at Rosario. Pinatatakbo ito ng isang alias Bedung simula alas 9:00 ng umaga hanggang gabi. Kasabay ng derby cum tupada ay ang operasyon ng sakla, color games at cara y cruz.

Sa kasalukuyan ay ipinagbabawal pa ng pamahalaan na makapag-operate ang mga lisensyadong sabungan sa mga lugar na nasa ilalim ng Enhanced at General Community Quarantine.

‘Kaya nga bagyo ang pagkakakilala kay Bedung dahil nga sa lakas ng impluwensya nito sa administrasyon ni Taysan Mayor Grande Gutierrez. Ipinangangalandakan pa ni alias Bedung na sila ang nagpondo sa kandidatura ni Gutierrez nang lumaban ito sa pagka-alkalde ng Taysan noong nakaraang May 2019 midterm election kaya naman nagwagi ito noon laban sa incumbent na alkalde ng Taysan.

Ngunit dahil sa mga kabulastugang pinaggagagawa ni Bedung ngayon ay malabo nang manalo pa sa kanyang re-election bid si Mayor Gutierrez sa darating na 2022 election.
Hindi naman tinutukoy na si Mayor Gutierrez ang kasosyo ni Bedung sa derby-tupadahan, nakapagtataka nga lang kung bakit napakatagal nang nag-ooperate ng iligal na pasabong at mga pasugalan doon ay hindi naman napapaaksyunan ng alkalde?

Tiwalang-tiwala pa si Bedung na hindi panghihimasukan ng Batangas PNP Provincial Police Office at ng lokal na pulisya ng Taysan ang kanyang araw-araw na paderby sa naturang tupadahan.

Nagpaparebisa si Bedung ng kanyang STL bookies sa Brgy. San Marcelino at Brgy. Pinagbayanan kasabay ng pagpaparebisa naman ng isang alias Zalding Konti ng kanyang pajueteng sa Brgy. Poblacion ng nasabi ring munisipalidad.

Hindi natin alam kung nakakarating ang impormasyon kay Mayor Gutierrez na hindi lamang ang pagiging jueteng operator sa Taysan ang pinapapelan ni alias Zalding Konti. Nagpapakilala din pala si alias Zalding Konti na “bagman” o kolektor ng suhol para sa tanggapan ng Municipal Mayor.

Sa dami ng iligal na pinagkakakitaan sa nasabing bayan ay baka nga paniwalaan ng mga kababayan ni Mayor Gutierrez na “bagman” o intelhencia kolektor nito si alias Zalding Konti?

Liban sa derby-tupadahan ni Bedung sa Brgy. Pinagbayanan at ang magkasabay na pa-jueteng nito at ni Zalding Konti sa may 16 na barangay sa naturang bayan, ay may iligal na koleksyon din doon sa “pass way permit”.

Lahat na cargo truck at dump truck na nagsisipasok sa Taysan para magkarga ng graba at panambak na hinuhukay sa ibat-ibang quarry at mining site na matatagpuan sa halos lahat na liblib na barangay ng Taysan, ay pinakokolektahan ng Php 650 “pass way permit “ kada isa.

Hindi kukulangin sa isang libong cargo at dump truck ang naglalabas-masok sa Taysan at lahat ng mga driver ay nakokolektahan ng bayad kuno “pass way permit”.

Hindi naman malaman kung saang bulsa ni Herodes napupunta ang milyones na salaping nakokolekta mula sa “pass way permit”. Ngunit kung totoong “bagman” nga si Alias Zalding Konti, malamang na malaki ang nakukurakot din nito mula sa “pass way permit”.

May ulat din sa SIKRETA na may ilegal na koleksyon din mula sa mga operator ng di lisensyadong quary at mining sites na pinaniniwalaang milyones din ang halaga. Tumataginting na tig Php 10,000 kada araw ang tara ng ilang DENR at police official mula sa license mining at quarry operator na dumadaan din sa kamay ni Zalding Konti.

Sa kasalukuyan ay may 11 nang mining at quarry site ang kontrobersyal na naisyuhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng Environmental Compliance Certificate (ECC) para maituloy ang noon ay napahintong mining at quarry operation sa nasabing bayan.

Mahigpit noong ipinagbawal ni DENR Sec. Roy Cimatu ang mining at quarry operation kasunod ng malalaking kalamidad sa bansa sanhi ng irresponsible mining at quarry operation, ngunit nakapagdududa na naisyuhan pa ng permit to operate ang nasabing mga mining at quarry site sa nasabing munisipalidad.

Liban kay alias Zalding Konti ay may mga nagsulputan din sa Taysan na iba pang mga personalidad na nagpapakilalang ding “intelhencia” kolektor mula sa ibat-ibang unit ng kapulisan.

Kabilang dito ang isang alias na Sgt. Garcia na nagpapakilalang intelhencia kolektor ng CIDG na lingguhang umoorbit sa derby-tupadahan ni Bedung at para din mangolekta ng “tara” sa sakla, color games at cara y Cruz.

Isa pang nagpapakilalang aktibong PNP enlisted personnel na alias Sgt. Chan ang nangongolekta ng protection money para sa mga tanggapan ng PNP Region 4-A Office, samantalang isang alias Sgt. Balasihan naman ang komokolekta ng “tara” o tong para sa opisina ng Batangas Provincial Police Office.

Paano pa nga titino ang ating lipunan kung ang mga iligal na gawain na tulad ng nag-ooperate sa bayan ng Taysan ay may nagbibigay ng proteksyon?

***

Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com

The post appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Reviewed by misfitgympal on Abril 12, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.