MAY batayan sa international law kung bakit malayang nakapaglayag sa South China Sea ang mga barkong pandigma ng Estados Unidos at mga kaalyadong bansa. Dahilan: Hindi pag-aari ng China ang South China Sea. Hindi kinilala ng United Nations Conference on the Law of the Seas (UNCLOS) ang pag-angkin – at pagkamkam – ng China sa malawak na karagatan.
Unang nilusob ng mga pulo-pulutong na sasakyang pandagat ng China ang ating exclusive economic zone (EEZ) sa West Philippine Sea. Nangyari ito noong 2012 nang palibutan ng 100 sasakyang pandagat ng China ang Panatag Shoal sa WPS. Nagkaroon ng backchannel negotiation sa pamumuno noon ni Sonny Trillanes, isang senador. Umurong ang puwersang Intsik sa sigalot, ngunit ito ang nagbigay dahilan upang gumawa ng kakaibang hakbang ang Filipinas.
Isinakdal ng Filipinas noong 2013 ang China sa Permanent Arbitration Commission ng UNCLOS na nasa The Hague sa Netherlands. Nagkaroon ng paglilitis sa Commission na nagsisilbing hukuman sa mga sigalot tungkol sa karagatan. Noong ika-12 ng Hulyo, 2016, o wala pang isang buwan matapos umupo ni Rodrigo Duterte, bumaba ang hatol. Nanalo ang Filipinas; hindi kinilala ng Commission na pag-aari ng China ang South China Sea.
May mga mahahalagang punto ang desisyon ng Commission noon 2016. Hindi kinilala ng Commission na may karapatan pangkasaysayan (historic rights) ang China upang angkinin ang halos kabuuan ng South China Sea. Ito ang karagatan na napapalibutan ng Vietnam, Malaysia, Filipinas, Brunei, Indonesia, China Taiwan, at Thailand. Walang matibay na nangyari sa nakalipas upang masabi na pag-aari ng China ang karagatan. Maliban sa mga naglipanang piratang Intsik sa mga nagdaang panahon, hindi nagkaroon ng kontrol ang China sa malawak na karagatan.
Pinabulaanan ng desisyon ang teoryang Nine-Dash Line na batayan upang angkinin ng China ang South China Sea. Noong 2009, isinumite ng China sa United Nations ang mapa ng nine-dash line upang kamkamin ang mga isla at karagatan na nakapalibot sa mapa. Hindi ibinigay ng China ang mga coordinate ng mapa. Hindi malinaw kung saan ang mga hangganan ng mapa.
Ginagamit ng China ang teoryang Nine-Dash Line sa pagkamkam ang 90 porsyento ng South China Sea. Ito ang batayan ng China upang itaboy ang mga mangingisdang Filipino sa mga mayayamang karagatan na nakaugalian nilang puntahan sa mga nakalipas na panahon. May mga pagkakataon na pinalayas ang mga mangingisdang Filipino. Bahagi ng South China Sea ang West Philippine Sea at ito ang bahagi na nasa kanlurang baybayin ng bansa.
Malinaw ang hatol ng Permanent Arbitration Commission; ito ang hatol na pinanghahawakan ng Estados Unidos at mga kaalyadong bansa. Walang magawa ang China sapagkat malinaw na hindi nila pag-aari ang South China Sea. Hindi tinatanggap ng global community ang kanilang iginigiit na pag-aari ng China ang malawak na karagatan. Dahil bahagi ng international law ang hatol, hindi masasabing may nilabag ang Estados Unidos at mga kaalyado na may paglabag sa batas.
Mahalaga panatilihing bukas ang South China Sea dahil dito dumadaan ang lampas $5 trilyon halaga ng mga kalakal mula sa mga bansa sa Asya at Amerika at mga nasyon sa Gitnang Silangan (Middle East), South Asia, at Southeast Asia. Kapag isinara ang South China Sea, mistulang itinigil ang daloy ng pandaigdigang kalakalan sa mga nabanggit na bansa. Sa totoo, apektado ang world economy.
***
HINDI binibili ni Sonny Trillanes ang paniwalang maysakit si Rodrigo Duterte kaya nawawala sa eksena. Sa ganang kanya, pinaglalaruan ni Duterte ang sambayanan kasama ang matapat na alalay na si Bong Go. Nawawala at biglang lalabas na mistulang mga bayani, ani Trillanes. Niloloko ang bayan sa pagpapalabas ng mga tsismis tungkol sa bansa, aniya. Gusto niya na siya palagi ang pinag-uusapan.
Hindi natin dapat pinapatulan ang kanilang panloloko sa panahon ng krisis, ani Trillanes. “Napakatamad na; wala pang malasakit!” aniya.
***
NAPAPANAHON linawin ng Estados Unidos ang kanilang foreign policy sa Filipinas. Bagaman malinaw ang komitment ng Amerika na dadalo ang kanilang puwersa kung sakaling umatake ang puwersang Intsik at tuluyang kamkamin ang ating teritoryo, may ilang aspeto sa relasyon ng dalawang bansa na kailangan maging mas malinaw. Kasama sa mga usapin ang pananatili ng demokrasya sa Filipinas.
Nilinaw ng Estados Unidos na hindi ito tatalikod sa Mutual Defense Treaty ng dalawang bansa. Siniguro nila ang pananatili ng kanilang puwersa sa South China Sea upang pigilin ang China na palawakin ang kanilang teritoryo. Sa aming pakiwari, kailangan malaman natin ang kanilang damdamin tungkol sa pananatili ng demokrasya sa bansa. Pumapayag ba ang Estados Unidos na si Bong Go o Sara Duterte, o si Bongbong Marcos na galing sa isang angkan na isinumpa ng buong mundo, ang uugit sa 2022?
Alam natin na matabang ang gobyerno ni Joe Biden kay Duterte. Hindi kaaya-aya ang imahe ni Duterte kay Biden at gobyerno. Mapanuwag at mapaniil at nakikita iyo sa pananatili sa kulungan ni Leila de Lima, isang senadora. Maiging madiinan hanggang saan ang komitment nila sa demokrasya dahil naglalabasan ang mga pulitikong kampi sa China.
Magandang mamasyal si State Secretary Antony Blinken sa Filipinas at bisitahin si Bise Presidente Leni Robredo na kumakatawan sa puwersa ng demokrasya sa Filipinas. Hindi kailangan puntahan at kausapin si Duterte na kilala sa labis na pagkiling sa China.
***
MAY social media account kami kung saan inilabas namin ang mga opinyon at iba’t-ibang kaisipan sa mga nangyayari sa mundo. Walang problema, ngunit may mga netizen na inuutusan kami kung ano ang ilalabas. Narito ang sanaysay na ito bilang tugon sa kanilang mapangahas na utos.
Tumatanggap ang inyong lingkod ng maraming private message (PMs) mula sa kani-kaninong netizen. Hindi bababa sa 50 PMs ang natatanggap ko araw-araw. Hindi pa kasama ang mga hate mail na galing sa mga digoon, o mga taong kulang-kulang ang pag-iisip. Dal-dali ko naibabasura ang mga hate mail. Wala akong problema sa kanila.
Karamihan ng mga aking natanggap ay mga video o mga ulat at tampok na lathalain ng iba’t-ibang media organization sa buong mundo. May mga jokes, editorial cartoon, meme, at caricature. May mga tip tungkol sa kawalanghiyaan at kagaguhan ng mga opisyales ng gobyerno. Marami ang mga larawan.
Ako ang nagpapasya kung alin at ano ang aking magiging repost. Walang nagdidikta sa akin kung alin ang lalabas sa aking wall. Pinangangatawanan ko ang alinman repost sa aking wall. Hindi ako basta pinagsasabihan ng sinong nilalang kung alin ang gagamitin. Marami na akong ipinahiya na gustong magsabi kung alin ang gusto nila sa wall ko.
Maraming patibong sa social media. Ito ang dahilan kung bakit hindi ko masyadong pinapansin iyong mga netizen na gusto nilang ikalat ko ang mga propaganda nila. Bahala sila sa buhay nila. May sarili silang wall. Doon sila magpakalat at ipaskel ang gusto nila. Hindi ko gusto ang may mga kalatas na “spread this info.” Mistulang nag-utos sa alila.
Kamakailan, may mga ilang netizen na nagpadala sa akin ng propaganda ng mga digoon, o DDS, o iyong mga taong kulang-kulang ang pag-iisip. Halos lahat ay fake news. May humihiling na gumawa ako ng sagot. May ipinahiya na ako dahil hindi ko trabaho ang sumagot sa kanilang fake news. Sa totoo, hindi ko sila pinapansin. Non-existent sila sa akin.
Sinabihan ko siya na gumagawa ako ng sarili kong post. Bahala ang mga DDS, o digoon, na sumagot sa anumang inilalathala ko. Akin ang offensive. Sila ang reactive. Hindi ako reactive sa labanan kontra fake news. Mabuti at natauhan ang ipinahiya kong netizen. Akala niya basta-basta akong kumakagat at susunod sa nais niya. Hindi ako hilo. Hindi ko basta pinasisikat ang mga digoon, o DDS sa maikli.Hindi nila ako kasangkapan.
The post Batayan kontra China appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: