WALANG ibang naglalatag ng mga batayan na malayo pang malutas ang coronavirus disease – 219 (Covid – 19) sa ating bansa, kundi mismong ang administrasyong Duterte.
Sa halip na makita ng mamamayan na mayroong malinaw na direksyon hanggang matapos ang Covid – 19 at mga kaakibat na masamang epekto nito sa ekonomiya ng Pilipinas, sa kabuuan, at sa mamamayan, sa partikular, hilong – talilong ang mamamayan dahil sa magulong desisyon at aksiyon ng mga opisyal ng pamahalaan.
Masama ang epekto nito sa buhay ng mga pangkaraniwang tao dahil sapul na sapul ang kanilang pangangailangan sa araw-araw.
Sa ganitong kalagayan, nariyan naman ang Kongreso upang kumilos at magpasa ng panukalang batas na makatutulong sa ekonomiya ng ating bansa at ng mamamayang Pilipino tulad ng pagpasa nila sa Bayanihan to Heal as One Act (Bayanihan Act 1) at Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan Act 2).
Sa kasalukuyan, nakasalang sa mababang kapulungan ng Kongreso ang panukalang Bayanihan to Rise as One Act (Bayanihan Act 3).
Siyempre, dadaan ito sa Appropriations Committee ng mababang kapulungan na pinamumunuan ni Representative Eric Go Yap.
Tiniyak ni Yap na aaprubahan ng Appropriations Committee ang Bayanihan 3 Bill na naglalaman ng P370 bilyong “economic stimulus”.
Ang orihinal na halaga nito ay P420 bilyon.
Ibig sabihin, hindi magiging kontrabida ang naturang komite, lalo na si Yap sa panukalang Bayanihan 3.
Ayon kay House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda, posibleng ngayong linggo, o sa susunod na linggo, ipapasa ang panukalang Bayanihan 3 sa pinagsamang pagdinig ng Committee on Appropriations at House Committee on Economic Affairs.
Idiniin ni Yap, gagawin ng kasama niya sa komite ang lahat ng kanilang makakaya upang maaprubahan ang Bayanihan 3 Bill.
Aniya, kailangang-kailangan ng mga Pilipino ang ayuda, lalo na ng mga naapektuhan nang husto ng pandemya ng Covid – 19.
Matapos talakayin, busisiin sa komite ng appropriations at economic affairs, siguradong handa na ang Bayanihan 3 Bill upang isalang at aprubahan ito sa plenaryo sa muling pagbabalik-sesyon ng mga kongresista sa Mayo 17, paliwanag ni Salceda.
Noong Biyernes, nagpulong ang ilang lider ng Kamara de Representantes hinggil sa aksyon ng mga kongresista sa masamang epekto ng Covid – 19.
Sa pangunguna ni Speaker Lord Allan Jay Velasco, tinalakay ang pagkukunan ng pondo ng mungkahing Bayanihan 3.
Isa sa mga pagkukunan ng P370 bilyon ay ang tinaguriang mga “obese” na government owned and controlled corporations (GOCCs).
Ang iba ay posibleng kuhain sa iba pang panukalang batas na naglalayong palakihin ang masisingil ng pamahalaan na buwis.
The post Bayanihan 3 bill nararapat ipasa para sa manggagawa — Rep. Yap appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: