Facebook

BOC ba ang nagpalusot ng 30 milyong kilo ng smuggled pork noong 2020?

NABUNYAG sa imbestigasyon ng Senado nitong Martes, Abril 13, hinggil korapsyon sa importasyon ng baboy na halos 30 milyong kilo ng karneng baboy ang naipasok sa bansa noong 2020.

Nabisto ang milyun-milyong kilo ng karne na iligal na ipinuslit sa Pilipinas dahil magkatunggali ang bilang ng mga inangkat na baboy na nakasulat sa rekord ng Bureau of Customs (BOC) at sa rekord ng Bureau of Animal Industry (BAI).

Nabatid sa pagdinig sa Senado ang nakalagay sa talaan ng BOC ay mahigit 225 milyon ang kabuuang kilo ng mga naipasok sa bansa na karne ng baboy noong 2020.

Sa talaaan ng BAI, mahigit 256 milyong kilo ng baboy naman ang inangkat ng Pilipinas.

Napakalinaw na magkaiba at magkasalungat ang rekord ng dalawang ahensiya, samantalang isang produkto lang naman ang usapin.

Pokaragat na ‘yan!

Ang BOC ang ahensiyang nakatoka sa importasyon ng mga produktong galing sa iba’t ibang bansa, kabilang na ang baboy.

Ang BOC na nasa ilalim ng Department of Finance (DOF) ang isa sa mga ahensiya ng pamahalaan na nagbibigay ng pera sa pambansang pamahalaan.

Pagsisiyasat naman ng mga baboy, manok at iba pang karne na ititinda sa palengke ang tungkulin ng BAI.

Kung 30 milyong kilo ng baboy ang iligal na napuslit, ilang milyong taripa ang nawala sa pamahalaan?

Ilang milyon ang nawala sa pera ng pamahalaan noong 2020 sa usapin pa lang ng importasyon ng baboy?

Sigurado akong napakalaki.

Tama po ba BOC Commissioner Rey Leonardo Guererro?

BOC ba ang nakagawa ng krimen patungkol sa pagpasok ng halos 30 milyong kilo ng baboy noong 2020?

Huwag nating kalimutang lahat na hindi maliit na krimen ang ismagling.

Lalo pa’t nawalan ng milyun-milyong taripa ang pamahalaan mula sa pag-angkat ng baboy noong 2020, taong kailangang-kailangan ng pera ng administrasyon para ipang-ayuda sa mga kababayan nating nawalan ng kita dulot ng pagsasara ng napakalaking bahagi ng ekonomiya.

Huwag din nating kalimutan na bagsak na bagsak ang ekonomiya noong 2020.

Ang sabi ng National Economic and Development Authority (NEDA), negatibong higit 9% ang gross domestic product (GDP) ng Pilipinas noong 2020.

Siyempre, hindi lang noong 2020 naganap ang ismagling dito sa Pilipinas dahil hindi naman noong 2020 naibento ang krimeng ito sa ating bansa.

Matagal nang nangyayari ‘yan.

Matagal nang namamayagpag ang ismagling sa Pilipinas!

Tiyak akong mangyayari pa rin ‘yan ngayong 2021 hanggang sa mga susunod na taon.

Kaya, asahang milyun-milyon ang mawawalang pera sa pamahalaan sa ismagling pa lang ng baboy.

Kaya, huwag tayong magugulat kung patuloy ang pagyaman ng mga negosyanteng ismagling ng baboy kumikita.

Siyempre, walang dapat ipagtaka kung milyunaryung-milyonaryo na ang ilang korap na opisyal ng BOC dahil sa ismagling pa lang ng baboy ay limpak-limpak nang salapi ang pumapasok sa kanilang mga bank account.

The post BOC ba ang nagpalusot ng 30 milyong kilo ng smuggled pork noong 2020? appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
BOC ba ang nagpalusot ng 30 milyong kilo ng smuggled pork noong 2020? BOC ba ang nagpalusot ng 30 milyong kilo ng smuggled pork noong 2020? Reviewed by misfitgympal on Abril 15, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.