Facebook

Bong Go: Community pantry isagawa nang tahimik, walang propaganda

IGINIIT ni Senator Christopher “Bong” Go sa organizers ng community-based at private sector-driven initiatives gaya ng community pantries na magpokus sa ultimong layunin ng pagtulong sa mga nangangailangan alang-alang sa diwa ng bayanihan.

Kaugnay nito’y pinaalalahanan ng senador ang mga grupo na sinasamantala ang kunwari’y pagtulong sa kapwa upang maisulong lamang ang kanilang pampulitikang adyenda.

“Maganda na inisyatibo ang community pantry. Pwede naman ito gawin nang tahimik, wala nang propaganda. Huwag na po [sanang] sakyan ng kung anu-anong organisasyon. Maganda ang layunin nung una, nung pumasok na ang iba’t ibang grupo ay pinasukan na ng propaganda at doon nagkagulo,” ani Go.

“Maganda ang inisyatibo. Huwag niyo lang haluan ng pulitika o iba’t ibang grupo na [gagamitin ito bilang] propaganda para sa kanilang interes,” an babala ng senador.

Nanawagan din ang mambabatas sa pamahalaan na paigtingin pa ang pagsisikap na matulungan ang mga Filipino na nawalan ng trabaho at nagugutom dulot ng pandemya.

Matatandaang umapela si Go sa Executive branch na agad na ipamahagi ang ayuda mula sa Supplemental Amelioration Program para sa low-income residents sa National Capital Region Plus areas.

“Sa totoo lang, sobra-sobra ang pagkain sa iba. Tingnan niyo ang bakuran ninyo, ang mga cabinet ninyo. Minsan na-eexpire ang mga delata. Ibigay niyo na lang. Kung kulang ang pagkain ninyo, kumuha kayo sa community pantry,” anang senador.

“Wala pong kulay dapat. Walang pula, puti, dilaw, asul. Walang kulay pulitika. Walang pinipili [dapat ang pagtulong] lalo na sa panahon ngayon na kailangan ng ating kapwa Pilipino [ng tulong],” dagdag niya.

Hinimok din ni Go ang government workers, partikular ang mga nasa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na suportahan ang community pantries sa kani-kanilang area at tiyaking maayos itong naisasagawa.

“Hinikayat ko ang AFP at PNP na tumulong na rin. Mayro’n na rin silang community pantry. Nag-agree si Secretary Año at Lorenzana na tumulong [at magbigay ng] sobra nilang kagamitan. Maraming may kakayanan diyan na gusto magbigay,” sabi ni Go.

Ayon kay Go, pinoproteksyunan ng gobyerno ang karapatan ng bawat isa na magsagawa ng sariling inisyatibo para makatulong sa komunidad.

Pero dapat sanang intindihin na ginagampanan rin ng gobyerno ang kanyang tungkulin, ayon sa ating mga batas, na proteksyunan rin ang bawat tao mula sa kapahamakan dahil bawat buhay ng Pilipino ay importante sa labang ito.

“Huwag tayo magkanya-kanya. Lahat naman tayo nais makatulong. Kung magkakanya-kanya tayo, mas mailalagay sa peligro ang kapwa natin. Huwag natin sayangin ang magandang hangarin ng inyong mga inisyatibo dahil lamang sa pagkakaiba natin ng pananaw sa pulitika.”

“Hindi po ito panahon para magsisihan, magsiraan, o maglamangan pa. Panahon po ito ng pagtutulungan, pagmamalasakit, at pakikiisa sa bayanihan,” ang paalala niya. (PFT Team)

The post Bong Go: Community pantry isagawa nang tahimik, walang propaganda appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bong Go: Community pantry isagawa nang tahimik, walang propaganda Bong Go: Community pantry isagawa nang tahimik, walang propaganda Reviewed by misfitgympal on Abril 29, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.