BUONG pagmamalaking pinuri ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga opisyal, gayundin ang mga health frontliners na nasa likod nang matagumpay na operasyon ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) sa pangunguna ni Dr. Ted Martin, sa okasyon ng ika-23 taon ng pagkakatatag nito ngayong Abril 30.
Kasama ni Moreno sina Vice Mayor Honey Lacuna at Secretary to the Mayor Bernie Ang nang batiin si Martin dahil sa pagbibigay nito ng ‘top of the line’ services na higit pa sa serbisyo ng mga pribadong ospital.
Matatandaan na noong panahon niya sa dating Justice Abad Santos Mother and Child Hospital, kinilala ng Department of Health (DOH) ang institusyon bilang nangungunang ospital pagdating sa serbisyo kung kaya ginawaran ito ng kategoryang general hospital kaya nakilala na ito ngayon bilang Justice Abad Santos General Hospital. Ang nasabing ospital ay nasa ikatlong distrito ng Maynila.
Kapwa nangako sina Moreno at Lacuna na patuloy na maghahanap ng paraan upang masuportahan ng buong-buo ang mga pangangailangan ng GABMMC at lahat ng city-run hospitals upang makasabay sa panahon sa termino ng mga gamit, gamot at dami ng medical personnel.
Sa bahagi naman ni Ang, sinabi niya na na dahil sa paraan ng pamamalakad ni Martin ng GABMMC ay epektibo nitong naibalik ang tiwala ng publiko sa pampublikong ospital.
Ang GABMMC sa ilalim ng pamamahala ni Martin bilang direktor ay naglilingkod sa mataong lugar at unang distrito ng Maynila na lalong kilala bilang Tondo 1 at kung saan din patuloy na mataas ang bilang ng kaso ng COVID-19 simula pa ng pandemya.
Matatagpuan din sa nasabing ospital ang Siojo Dialysis Center, na kilala bilang pinakamalaking dialysis center sa Asia-Pacific at naglilingkod sa maraming pasyenteng dina-dialysis na sinusundo at hinahatid sa kanilang mga tahanan.
Sa panahon ng pandemya, sinabi ni Moreno na doble ang naging hamon kay Martin sa araw-araw dahil may mga dialysis patients ang tinamaan din ng COVID-19.
Maliban sa pag-aasikaso ng mga pasyenteng dina-dailysis na nagka-COVID, ang GBMMC ay mayroon na ring bagong CT scan machine na kayang tumukoy ng mga brain at lung conditions kabilang na ang COVID-related infections.
Habang ang halaga ng simpleng brain CT scan sa mga pribadong ospital ay nagkakahalaga ng mula P15,000 hanggang P25,000, inatasan ni Moreno si Martin na ibigay ang CT scan services nang libre at walang anumang babayaran.
Ang nasabing bagong CT scan machine ayon kay Moreno ay madaling makatukoy ng brain conditions tulad ng stroke, aneurysm, brain tumor, meningitis, encephalitis at COVID-related brain infections. Makakatulong din ito sa maagang pagtukoy ng heart attacks at liver cancer, stomach intestinal cancer at lahat ng uri ng bukol sa tiyan kasama na rin ang COVID lung condition, lung cancer, pulmonary embolism at clear picture ng COVID pneumonia (Ground Glass appearance).
“Makakaasa naman kayo na hanggang sa abot ng makakaya ng pamahalaang-lungsod ay magpapatuloy kami sa pagbibigay ng suporta sa inyong ospital,” paniniguro ni Moreno kay Martin at sa lahat ng kanyang kawani kasabay ng kanyang panawagan sa mga ito na pag-ingatan ang kanilang sarili. (ANDI GARCIA)
The post Opisyal at frontliners ng GABMMC, pinuri ni Isko sa ika-23 taong anibersaryo ng ospital appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: