PINURI ni Senator Christopher “Bong” Go, chair ng Senate Committee on Health, ang bayanihan efforts ng healthcare workers sa Visayas na nagnanais ma-deploy sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
Ang inisyatiba na pangungunahan ni Go ay layong matulungan ang mga personnel sa mga ospitals at iba pang health facilities sa ‘NCR Plus’ area sa gitna ng patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases.
Sinabi ni Go na hiniling niya kay Presidential Assistant to the Visayas Secretary Michael Lloyd Dino na tipunin ang lahat ng health workers mula sa Visayas na nagnanais umasiste sa health situation sa NCR plus areas.
“Magpapadala po ng nurses at iba pang medical personnel ang Visayas sa NCR Plus upang tumulong sa mga ospital na nangangailangan ng karagdagang frontliners dahil sa mabilis na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lugar,” ayon kay Go.
Suportado rin nina Health Secretary Francisco Duque III at National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez, Jr. ang inisyatiba at sila ay nakahandang tumulong sa proseso ng health workers na nais ma-deploy.
“Patunay lamang po ito na sa kabila ng pandemya, malakas pa rin ang diwa ng bayanihan sa bansa. Mas mabilis natin malalampasan ang suliraning ito kung tayo mismong mga Pilipino ay magtutulungan,” sabi ni Go.
Sa tulong ng OPAV, hiniling ni Go ang assistance ng Department of Health Regional Offices, local government units, Malasakit Center hospitals, at ng Project Balik Buhay (PBB) member-private hospitals para maimplementa ang inisyatiba.
Ang PBB ay Cebu-based private sector-led organization na ang layunin ay makatulong sa public sector na malabanan ang COVID-19 sa Visayas sa pakikigkaisa rin ng business sectors at private hospitals.
Ito ay strategic public-private partnership para mapalakas ang COVID-19 response. Ang mga miyembro ng PBB ay kinabibilangan ng mga may-ari ng private hospitals at mga negosyo sa Cebu at iba’t ibang chambers of commerce and industry.
Sa ilalim ng PBB, ang OPAV ang in-charge sa pagde-deploy ng nurses na handang tumulong sa mga critical areas. Sinabi ni OPAV Secretary Dino, tatagal ng 4 hanggang 5 araw ang paghahanda ng deployment.
Ang mga recipient hospitals ang sasagot sa accommodation, food at transportation ng frontliners sa Metro Manila, habang ang OPAV at DOH Regional Center for Health Development ang sasagot sa kanilang transfer sa “any point in Visayas to NCR”.
Tiniyak din ng DOH na ito ang sasagot sa karagdagang 20% premium ng basic salary sa emergency hiring base sa Bayanihan 2 funds.
“Patuloy tayong magtulungan at magbayanihan para hindi bumagsak ang ating healthcare system. Mag-ingat palagi,” ayon kay Go. (PFT Team)
The post Bong Go: Mga nurse sa Visayas gusto tulungan ang medical frontlines sa ‘NCR Plus’ appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: