“SA wakas, nabakunahan na”.
Tumanggap na rin ng kanyang bakuna si Manila Mayor Isko Moreno sa mismong araw ng Easter Sunday, isang buwan matapos ilatag ng pamahalaang lungsod ang vaccination program kung saan tinalo nito ang ibang lungsod at munisipalidad sa bansa pagdating sa coverage at dami ng mga naturukan ng bakuna kontra coronavirus.
Mismong si Vice Mayor Honey Lacuna na isa ring doktor ang nagturok ng Sinovac vaccine kay Moreno sa Osmena High School sa Tondo ganap na alas-8 ng umaga ng Linggo, April 4.
Sa kasalukuyan ang lungsod ay nakapagbakuna na ng 41,692 mga indibidwal mula alas-8:10 p.m. ng April 3, kung saan kabilang ang A1, A2 at A3 categories na pawang mga medical and health frontliners, senior citizens na may comorbidities at edad 18-58 na may comorbidities.
Pinasalamatan ni Moreno ang national government sa ilalim ng liderato ni President Rodrigo Duterte, Department of Health sa pamumuno ni Francisco Duque III at ang Inter-Agency Task Force (IATF) sa pagpayag nito na mabakunahan na ang mga alkalde dahil sa palagiang pangunguna ng mga ito sa laban kontra pandemya.
Dahil sa nakatanggap na ng bakuna, hindi na masyadong inaalala ni Moreno na mapabilang siya sa severe case ng COVID. Matatandaan na si Moreno ay natutulog sa kanyang tanggapan sa City Hall simula pa ng pandemya at na-swabbed na rin siya ng walong beses dahil sa walong beses na pagkaka-exposed sa kapwa opisyal at kawani na positibo sa COVID-19.
Ayon kay Moreno, ang mga alkalde na tulad niya ay hindi ‘Superman’ at ang pagkakabilad sa COVID-19 habang pinamumunuan ang lungsod upang mapagilan ang pagkalat ng virus sa araw-araw ay naglalagay sa kanila sa matinding peligro na makakuha ng virus na maari nilang ikamatay. Binanggit ni Moreno ang kaso ng ilang alkalde na nahawa ng dalawang ulit sa virus at namatay dahil dito.
Sa panig naman ni Lacuna ay sinabi nito na labis ang kanyang pagkatuwa dahil mayroon ng karagdagang proteksyon si Moreno laban sa coronavirus, dahil kailangang-kailangan ng lungsod at ng mamamayan nito ang liderato ng alkalde lalo na sa mapaghamong panahong kasalukuyan.
Bilang isang doktor, naunang nabakunahan si Lacuna kaysa kay Moreno dahil siya ang namumuno sa vaccination rollout ng lungsod kung saan ang kanyang pagkadalubhasa sa medical profession ay nagamit at ito ay makaraang pagkalooban siya ng alkalde ng supervisory power sa lahat ng health cluster ng lokal na pamahalaan.
Samantala ay pinaalalahanan ni Moreno ang lahat ng mga naturukan na ng bakuna na patuloy na isapraktika ang minimum health protocols lalo na ang pagsusuot ng face masks, madalas na paghuhugas ng kamay at social distancing dahil binigyang diin ng alkalde na hindi nagbibigay ng garantiya ng immunity ang bakuna mula sa coronavirus. (ANDI GARCIA)
The post “Sa wakas, nabakunahan na” — Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: