HINILING ng kabisera ng bansa sa Department of Health (DOH) na payagan ng umusad ang vaccination program ng lungsod sa susunod na kategorya upang higit na maging malawak ang sakop nito kabilang na ang mga opisyal ng barangay, tanod at maging ang mga ordinaryong manggagawa.
Ito ang inanunsyo ni Moreno sa kanyang live broadcast kaugnay ng pagpasa ng application at certification na handa na ang lundsod na umabante sa susunod na level matapos na matugunan ang minimun requirement ng mga indibidwal na nabakunahan sa ilalim ng A3 category ng mga taong nasa edad 18-59 at may comorbidities.
Ang tanggapan ng Manila Health Department (MHD) sa ilalim ng pamumuno ni Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan at siyang nangungunang tanggapan sa vaccination program sa ilalim ng superbisyon ni Vice Mayor Honey Lacuna na nangangasiwa ng health cluster ng lungsod, ang siyang nagpasa ng nasabing application at certification sa DOH.
Ipinaliwanag ni Moreno na nasakop na ng vaccination program ng lungsod ang may 110 percent na required number, kung saan nakapagbakuna na ng mahigit sa 21,000 katao, at higit na mataas sa 100 percent na nire-require na umaabot lamang sa 19,000.
Base sa datos ng DOH, sinabi ni Moreno na ang nasabing minimum na 19,000 katao ay isang porsyento lamang ng populasyon na 1.9 million na dapat bakunahan at nalagpasan na ito ng lungsod. Sa kaso ng A1 category, sinabi ni Moreno na nalagpasan na rin ng lungsod ang required number nang makapagtala ito ng 13,000 na indibidwal na nabakunahan.
Sa oras na payagan ang request, sinabi ni Moreno na puwede ng dumako ang pamahalaang lungsod sa A4, na siyang sunod na kategorya sa priority list na itinakda ng national government.
Ang lokal na pamahalaan ng Lungsos ng Maynila kung saan sina Moreno, Lacuna at Pangan ang siyang punong abala ay agresibo sa kanilang ginagawang pagbabakuna ng mga interesadong residente simula ng ilatag ng lungsod ang kanilang vaccination program noong unang linggo ng Marso.
Ang vaccination team sa pamumuno nina Lacuna at Pangan ay nagsagawa ng kanilang malawakang pagbabakuna mula sa kategorya ng A1 hanggang A3, na kinabibilangan ng mga medical and health frontliners, senior citizens at mga nasa edad 18-59 na may comorbidities kahit holidays at maging Holy Week hanggat mayroong available na bakuna.
Simula pa noong Arpril 4, ang kabuuang bilang ng nabakunahan sa Maynila ay 43,603. Sa mga nabakunahan sa ilalim ng A3 category noong Holy Week, 672 dito ay pawang mga pulis.
Sa oras na payagan ng DOH ang request na ginawa ni Pangan, sinabi ng alkalde na ang pamahalaang lungsod ay higit pang palalawakin ang pagbabakuna at babalik sa orihinal nitong plano na 18 sites na magpapaikso ng oras ng proseso at haba ng pila. Sa kasalukuyan ang bilang ng itinakdang lugar ay limitado base na rin ito sa total vaccine na available sa kasalukuyan.
Samantala ay nagbigay na rin ng second dose ang pamahalaang lungsod para sa mga nabakunahan noong March 4 at 5 sa Sta. Ana Hospital. (ANDI GARCIA)
The post Brgy. officials, tanod, ordinary workers, bakunahan na rin – Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: