Facebook

Pati ang contact tracing c’zar na si Mayor Magalong, may Covid-19 na rin!

ISA sa pinakahuling opisyal ng pamahalaan na nagkaroon ng Covid-19 ay si Baguio City Mayor Benjamin “Benjie” Magalong na itinalaga rin ng Pangulong Rodrigo Duterte bilang Covid-19 contact tracing c’zar.

Kasabay ito ng kautusan ng IATF sa rekomendasyon na rin ng Pangulong Duterte na isama na sa listahan ng mga prayoridad na babakunahan ang mga local executives ng Metro Manila at mga lalawigang sakop ng extended ECQ gaya ng Laguna, Rizal, Cavite at Bulacan.

Una sa listahang nagpabakuna ay si Manila Mayor Isko Moreno kahapon ng umaga (Sunday) gamit ang bakunang Sinovac vaccine na galing ng bansang Tsina.

May ilan pang Metro Manila mayors ang susunod na rin kay Yorme Isko na magpapabakuna upang maengganyo ang kani-kanilang mga constituents na magpabakuna na rin.

Samantala, ang pagkakaroon naman ni Baguio City Mayor Benjie Magalong na Covid-19 ay masasabing ‘shock’ sa kanyang pamilya dahil kilala ang dating PNP general na isang malusog at physically fit na tao.

Madalas at regular itong nag-eehersisyo at may sapat na kaalaman upang maiwasang mahawa sa naturang sakit.

Sa pinakahuling desisyon ng IATF na isama na ang mga alkalde ng Metro Manila sa priority list na puwedeng bakunahan at mag-avail ng bakuna, inaasahan natin na malaki ang maitutulong nito sa pagbaba ng bilang ng mga nahahawahan ng corona viiirus.

Sa Maynila pa lamang, ayos kay Mayor Isko, umaabot na sa bilang na mahigit 42,000 ang nabakunahan na na nasa kategorya ng A1 at A3.

Inamin din ng alkalde na may mahigit isang libong doses na lang ng bakuna ang mayroon o natitira sa kanilang city health department pero sinigurado ni Moreno na bibili pa sila (City of Manila) ng karagdagan doses ng Sinovac at Astra Zeneca vaccine para sa mga Manilenos.

Puspusan din ang pagbabakuna sa lungsod ng Paranaque, Caloocan, Pasig, Pasay, Navotas,Mandaluyong at San Juan kung saan, karamihan sa mga unang binakunahan bukod sa mga frontliners ay ang mga may karamdaman o yaong may comorbidity at senior citizens.

Sa tingin natin sa karagdagang pitong araw na extention ng ECQ sa Metro Manila Plus mula kahapon hanggang sa Abril 5-12, makakatulong ito sa layong pagpapababa ng mga kaso ng hawahan sa virus.

Malaki rin ang epekto nito sa isyu ng shortage sa mga ospital natin.

Malinaw na nakatulong ang pagpapairal na mahigpit at pinaigting na lockdown at imposition ng pinahabang curfew hours bagamat marami ang nagrereklamo sa negatibong epekto nito sa ekonomiya at maliliit na negosyo.

Tila ekseherado umano ito ayon naman sa sektor ng mga manggagawa na apektado ng 6pm-5am curfew na nahihirapang sumakay sa mga pampublikong transportasyon sa kanilang pag-uwi.

Anu’t ano man, tila nahaharap na naman muli tayo sa panibagong pagsubok laban sa Covid-19 pandemic kung kaya’t hiling ng ating gobyerno na magkaisa ang lahat sa pagharap sa krisis na ito.

Hangga’t nananatiling napakaraming pasaway at matitigas ang ulo, mahihirapan tayong makaungos sa labang ito.

Hindi sapat ang ayudang sinipot na ng pamahalaan mula sa kabang-yaman ng bansa para sa 100 milyong Pilipino kung paulit-ulit na lamang tayong matatalo ng salot na ito.

***

PARA SA INYONG KOMENTO,REAKSYON AT SUHESTIYON,MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP NO.0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com

The post Pati ang contact tracing c’zar na si Mayor Magalong, may Covid-19 na rin! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Pati ang contact tracing c’zar na si Mayor Magalong, may Covid-19 na rin! Pati ang contact tracing c’zar na si Mayor Magalong, may Covid-19 na rin! Reviewed by misfitgympal on Abril 05, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.