Facebook

Community pantries, dahilan ng pagpapasalamat ng tao sa Diyos

INSPIRASYON SA BUHAY: “…`Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili’…” (Si Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas na Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo, sa Mateo 22:39, Ang Tanging Daan Bibliya).

***

SA HARAP NG MGA BATIKOS, NAGSULPUTAN ANG MAS MARAMING PANG COMMUNITY PANTRIES SA BANSA: Sa kabila ng mga alingasngas na idinulot ng ilang maaanghang na komentaryong nanggaling sa mga matataas na opisyales ng gobyernong Duterte, nagpakita naman ng katatagan ang maraming mga Pilipino sa kanilang layuning makatulong sa mga mahihirap na nangangailangan ng pagkain at inumin, sa harap ng gutom at hirap na dinaranas ng marami nating mga kababayan bunga ng patuloy na pananalasa ng covid 19 virus sa pilipinas.

Sa tila nagkakaisang pagkilos na nagpapakita ng busilak at matuwid na kalooban ng mga pilipinong bagamat di naman mayaman ay may puso namang inuuna at ikinararangal ang pagdamay sa mga kapwang kapos at salat sa buhay na walang ibang tulong na maasahan, naglabasan pa ang maraming community pantries, di na lamang sa Metro Manila, kundi sa maraming bayan sa bansa, kasama na ang mga community pantries ng iba’t ibang mga himpilan ng pulisya na nag-umpisa na ding mamigay ng mga pagkain sa mga naka-quarantine pa rin hanggang ngayon.

Ayon sa mga organizers, hindi na nila iintindihin ang anumang sasabihin pa ng mga taong kumukontra sa paglalagay ng community pantries. Matatandaang nagpahayag ang Armed Forces of the Philippines o AFP na hindi magandang gagamitin ang mga community pantries para sa propaganda ng mga makakaliwang grupo.

Ayon sa AFP, hindi problema sa militar ang layuning makatulong ng mga organizers, dahil ang AFP din ay kumikilos din upang tumulong sa mga nangangailangan sa mga lalawigan at bayan. Ang isyu lamang, dagdag pa ng afp, ay ang lantarang paggamit ng community pantries upang sirain o batikusin ang gobyerno sa harap ng lalong paglala ng Covid 19 virus sa bansa.

***

KAPULISAN SA METRO MANILA, NAGTAYO NA DIN NG COMMUNITY PANTRIES BILANG TULONG SA KANILANG MGA NASASAKUPAN: Sa kabila ng pahayag na ito ng AFP, naglitawan naman agad ang mga ulat na may mga himpilan ng pulisya na nagtatag na din naman ng kanilang community pantries. Ang isa sa mga himpilan ng pulisya na gumagawa na din nito ay ang Eastern Police District, o ang pamunuan ng mga pulis na nakatalaga sa eastern metro manila, gaya ng pasig city, pateros, at marikina city.

Ayon sa mga ulat, tinawag ng pamunuan ng eastern police district ang kanilang community pantry bilang “epd pamamarisan pantry” na kaniyang itinayo sa harap mismo ng headquarters ng epd sa caruncho avenue, sa pasig city.

Maaaring makakuha mula dito ang mga kababayan nating nangangailangan ng bigas, de lata, instant noodles, face masks, face shields, at bibliya. Bahagi din ng ipinamimigay dito ay ang pnp journal, o isang publication ng pnp na nagpapaliwanang ng mga proyekto nito para sa kapayapaan.

Samantala, doon naman sa paz police community precinct sa paco, manila, namigay naman ng libreng almusal ang mga pulis ng manila police district sa mga residente ng paco na patuloy na sumasailalim sa quarantine o lockdown restrictions dahil pa rin sa malubhang pananalasa sa nasabing lugar ng covid 19.

***

COMMUNITY PANTRIES, SUSI NG PAGPAPASALAMAT NG TAO SA DIYOS: Lugaw at tinapay ang ipinamigay ng mga kasapi ng Paz Police Community Precinct. Sa ulat mula sa presintong ito, marami diumano ang mga kapus-palad sa kanilang nasasakupan na lalong dumadaing ng hirap dahil sa mga pagbabawal sa paglabas ng bahay. Nilayon ng mga pulis ang pagbibigay ng libreng almusal sa halos 500 residente sa Paz, Paco, Manila. Agad namang nagpasalamat ang mga taga Paco sa ikinilos ng mga pulis sa kanilang lugar.

Ayon sa mga netizens na nakipag-usap dito sa Kakampi Mo Ang Batas, anuman ang layunin o sinuman ang mga tao o grupo na nasa likod ng iba’t ibang mga community pantries sa ngayon, marapat lamang na hayaan na lamang muna ang mga ito sa pamamahagi ng libreng pagkain o iba pang pangangailangan ng mga mahihirap na pilipino.

Sabi ng mga netizens, lalo lamang magkakaroon ng black eye ang gobyerno pag pinigilan nito, sa kahit anupamang dahilan, ang pamimigay ng mga libreng pagkain at inumin sa ating mga kababayan gamit ang sistema ng community pantries. Marapat ngang tulungan ang mga nagtatatag ng ng mga ito, dagdag pa ng mga netizens, upang mas marami ang matulungang mga tao.

Ang iisipin ng mga nakakatanggap ng tulong sa ngayon mula sa community pantries ay iisa lamang: kung may mga tao na patuloy na nakakatanggap ng biyaya at, dahil diyan, ay nagbabahagi ng mga grasyang kanilang tinatanggap, sila mang mga nakatanggap ng tulong ay kikilos din upang mapabuti ang kanilang buhay sa marangal na paraan. Magpapasalamat din sila sa Diyos na Siyang pinagmumulan ng lahat ng pagpapala.

***

REAKSIYON? TANONG? Tawag 0947 553 4855. Email batasmauricio@yahoo.com.

The post Community pantries, dahilan ng pagpapasalamat ng tao sa Diyos appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Community pantries, dahilan ng pagpapasalamat ng tao sa Diyos Community pantries, dahilan ng pagpapasalamat ng tao sa Diyos Reviewed by misfitgympal on Abril 21, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.