NANAWAGAN si Senator Christopher “Bong” Go sa mga indibidwal o grupo na nagpapasimuno ng community pantry na huwag itong gamiting propaganda para siraan ang gobyerno sa pagsasabing nawawala ang tunay na esensiya nito na pagpapakita ng malasakit sa kapwa sa panahon ng krisis.
“‘Wag natin gawing propaganda ito panlaban sa gobyerno. Marami pong Pilipino na nagmamalasakit sa kanyang kapwa Pilipino na gusto talagang tumulong. Iba po ‘yung panahon ngayon,” ani Go.
“Hindi po ito panahon para magsisihan, magsiraan, o maglamangan pa. Panahon po ito ng pagtutulungan, pagmamalasakit, at pakikiisa sa bayanihan,” idinagdag ng senador.
Sinabi ni Go na kung hahaluan ng kulay pulitika ang isang inisyatiba, gaya ng community pantries, ay ninanakaw nito ang tunay na esensiya, ang malasakit at pagseserbisyo sa kapwa.
“Nawawala na po ‘yung essence ng pagtutulungan dahil nandyan na ‘yung pagsisiraan. Magtulungan lang po tayo… marami sa mga kababayan natin ang gustong tumulong,” ani Go.
“Ang importante dito ay huwag nating pahirapan ‘yung mga nais tumulong dahil pare-pareho naman tayong gusto lang ay makapagserbisyo sa ating kapwa Pilipino. Sino pa ba ang magtutulungan kundi tayo tayo rin lang mga kapwa Pilipino?,” dagdag niya.
Idiin ni Go na sa pakikipagtulungan ng taongbayan ay mananatili ang pamahalaan na gabayan ang bansa tungo sa pagbangon mula sa krisis upang matiyak na hindi maiiwan ang bawat Filipino, partikular ang mahihirap at vulnerable sectors.
“Tama po kayo sa mga nakalagay dun sa placard na nandon. Kumuha kayo ayon sa pangangailangan ninyo. Ibigay niyo din po ‘yung sobra ninyong mga pagkain. Maganda po ‘yun. Para po sa akin, wala pong masama sa ginagawa ng ating mga kababayan basta magtulungan lang po tayo,” ani Go.
“Bagama’t ginagawa ng gobyerno ang lahat upang mapagaan ang hirap na pinapasan ng ating mga kababayan, tandaan din natin na hindi ito laban ng gobyerno lamang. Laban ito ng buong sambayanang Pilipino at ng buong mundo,” aniya pa.
Kaugnay nito, sinabi ni Go na nakausap niya si DND Secretary Delfin Lorenzana at DILG Secretary Eduardo Año hinggil sa isyu ng community pantries.
Sinabi ni Go na hindi lang welcome at pinupuri nila ang nasabing efforts ng ating mga kababayan, bagkus ay hinihimok pa ang lahat ng kawani ng gobyerno, mga kasapi ng militar at pulisya na makilahok at suportahan ang community-driven initiatives na layong tulungan ang mga Filipino na nasa gitna ng pandemya.
“I am urging each of us working in the government to contribute to the community pantries in our respective neighborhoods in fulfillment of our duty to serve our people by all means possible,” sabi ni Go.
“Maging bukas tayo at huwag natin pahirapan ang mga nais tumulong. Kapag ang gobyerno ay may programa para sa tao, ineenganyo natin ang publiko na sumunod at makiisa. Kaya kapag ang publiko naman ang may sariling inisyatibo na makakabuti sa taumbayan, tungkulin din ng gobyerno na magbigay ng suporta, makilahok at paigtingin pa ito lalo para mas marami ang makabenepisyo,” anang senador. (PFT Team)
The post Community pantries, ‘wag gamiting propaganda vs gobyerno — Bong Go appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: