HINDI bago ang pagnanais ni Totoy Kulambo na maging dakila sa mata ng mga mamamayang Pilipino. Sa pagtakbo nito sa panguluhan noong 2016, ipinahiwatig niya na gustong maging dakila kaya gagawin ang lahat kahit sa kanyang kamatayan upang gampanan ang trabahong inatas sa kanya ng mamamayan ng siya’y inihalal bilang pangulo ng bansa. Ang lahat ng sinabi nito’y literal na itinaga sa bato na sumira sa balaraw na gamit ng Panday dahil huwad ang lahat ng binangit.
Ang tanging nais niyang paglingkuran ang mga tsekwa na tahasang kalaban ng bansa sa pag-angkin sa mga isla na deklaradong sa atin ayon sa UNCLOS. At ang mga binangit na pangako’y kabaligtaran sa katotohanan at ang kilos nitong nakakiling sa mga tsekwang pinanigan sa halip na si Mang Juan na taga Luzon, Visayas at Mindanao. Ang mga gawa nito’y tunay na para sa dayuhan mula sa pastillas modus, laban sa kalabang tulak ng droga, laban ng korapsyon sa ‘di kakampi, at paglabag sa mga karapatang pantao na ‘di batid ni Xi..
Sa mga nakaraang araw, tila binibihisan ng mga alagad ni Totoy Kulambo ang kanyang imahe upang ipakita sa balana na tunay na dakila ang kanilang among ubod ng tamad. Nariyan sa isang pagtitipon, na inihahalintulad ni Bongoloid kay Lapu-lapu ng Mactan ang among lagi nasa ilalim ng kulambo. At ang siste inilipat pa ang pinagmulan ng dakilang si Lapu-lapu sa isla ng Mindanao upang ipakita na dakila ang kanilang lahi, gayung sa kasalukuyang mga kaganapan, ito ang bagong makapili na ibinebenta ang bansa sa mga dayuhang intsek.
Kung buhay lang si Lapu-lapu tiyak na mapupugutan nito ng ulo sa pagtataksil at ang nagpupuyos sa galit dahil sa paghahalintulad nito sa kanya gayung pagtataksil sa bayan ang gawa ng inihahalintulad. Ang pagbibihis na ito’y isang paglapastangan sa kasaysayan ng bansa na binibigyan ng pagkilala ang mga dakila at hindi ang mga lilo’t taksil na walang mukhang maiharap sa taong bayan.
Ang pagsisikap na bihisan ang katauhan ni Totoy Kulambo’y simula pa lamang at makikita ni Mang Juan na sa mga darating na araw maraming mga dakilang tao sa kasaysayan ng bansa ang pilit na ilalapit sa katauhan ng taksil na si Totoy Kulambo. Tiyak na maririnig ang maraming pagtutol ng mga kapamilya ng mga dakilang tao dahil napakalayo ng gawa nito sa kanilang ninuno na nagbuwis sa buhay para sa bayan.
Sa kanila, marangal na matulad ang mga kasalukuyang mga tao kung tuwiran itong nagbubuwis ng buhay o tuwirang ginagamit ang oras sa kagalingan ng lahat ng Pilipino. Subalit tila iba ang gawa ni TK na inuuna ang sarili bago ang bayan. Kaya’t nakakatiyak na hindi magiging masaya ang mga kalahi ng mga dakilang tao ng kasaysayan sa paghahalintulad kay TK sa kanilang dakilang ninuno.
Sa Mayo 1 ang araw ng mga manggagawa, inaasahan na magbibigay ng mensahe si Totoy Kulambo sa mga lider manggagawa ng bansa. Ito ang tuwirang pakikipag-ugnay ni TK sa mga obrero at sa taong bayan upang magpakita ng pakikiisa sa mga ito. Subalit batid ng mga obrero na tanging palabas lamang ito at walang laman dahil sa nangyaring sa loob ng puno ng Balite sa Malacanan na pagveto at tuwirang pagbasura sa Security of Tenure (SOT) bill at tuwirang pagbebenta sa kanilang pinaglalaban bilang obrero, ito’y isang pangako na napako noon pang 2016, at hindi kailan man malilimutan, ‘di lang ng mga obrero maging ng balana na umaasa sa katatagan ng hanap buhay ng kanilang amang si Mang Juan.
Sa pinanggigilang usapin ng mga isla sa WPS na napasakamay ng mga Tsekwa gayung sa atin ang mga ito. Hindi matanggap ng mga kapatid ni Mang Juan na mga pamalakaya na itinataboy sila ng dayuhan sa kanyang kinalakihang karagatan. Wala silang mahuling isda sa halip sila ang nais hulihin ng mga Tsekwang dating inabutan ng kanilang huli.
Ibang-iba na ngayon ang kaayusan sa dagat na kanilang kinalakihan. Sa pagyukod ni Totoy Kulambo sa mga tsekwa, kahit magsuot ito ng pinakamagarang damit, hindi maitatago nito sa mga pamalakaya ang karakas dahil ang kaliskis nito’y kahalintulad ng mga bilasang isda sa pamilihan. At ano mang pagbibihis ang gawin upang gumanda ang tingin ng bayan kay Totoy Kulambo’y walang saysay dahil batid ni Mang Juan na ito’y isang huwad na pinuno na ‘di dapat dakilain .
Sa mga araw na darating, asahan na paiigtingin ang pagbabagong bihis sa katauhan ni TK upang lansihin muli si Mang Juan na ito’y para sa kagalingan ng bansa. At ang tanging pakay ang mapabuti ang kalagayan ng buhay ng bawat Pilipino. Subalit, ang kalagayan ng bansa ang gumigising sa bawat Pilipino na kabaligtaran ang mga ginagawa at ang mga pinagsasabi nito.
Ang kawalan ng hanapbuhay ni Mang Juan na umaasa ngayon sa paminggalan ng pamayanan dahil sa kahirapan. Sapat na ang kaalaman ni Mang Juan na wala 1% ng mga-anak nito ang nabakunahan kontra pandemya na bunga ng kawalan ng programang pangkalusugan ng pamahalaan. Batid ni Mang Juan na paabutin ang pagbabakuna sa katapusan ng taon o sa susunod na taon upang gamitin sa halalan na kanilang lalahukan. Basado ang ganitong kilos ng huwad na dakila upang mapanatili ang Inferior Davao Group (IDG) sa poder at patuloy ang hayahay na buhay.
Sa totoo lang, alam ng mga bata ni TK na suntok sa buwan ang ginagawa sa kanila, subalit sa ngalan ng salapi gagawin ang lahat mabihisan lamang. Subalit, hindi lingid sa malinaw na kaisipan ni Mang Juan kahit umabot sa panahon ng halalan ang huwad na dakila’y huwad sa katotohanan at ito’y pahirap sa bayan.
Maraming Salamat po!!!
The post Dakilang huwad appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: