SUMISIKAT ngayon ang dalawang uri ng gamot na maaari daw gamiting pang-laban sa virus na COVID-19. Ito ay sa kabila ng pahayag ng Department of Health (DoH) at ng Food and Drug Administration (FDA) na bagamat ang mga gamot na ito ay rehistrado, hindi ito pang-gamot sa COVID-19.
Ang tinutukoy ko ay ang Lianhua Qingwen, na tradisyunal na gamot ng China at ang Ivermectin na sabi ng dalawang ahensiya natin ay gamot pang-hayop.
Pareho namang rehistrado ang dalawang ito. Ang Lianhua Qingwen ay narehistro at naaprubahan ng FDA noong August ng nakraang taon (2020) lamang, samantalang ang Ivermectin na gawa ng lokal na kumpanyang pharmaceutical na Lloyd Laboratories Inc. ay kasalukuyan palang prinoproseso ang rehistro dahil kaaapply pa lamang nito sa FDA nitong March 31.
Sabi ng FDA ang Ivermectin ay pinarerehistro, para lamang magamit sa mga hayop o ‘veterinary use only’ upang mawala ang mga ‘parasite’ o maliliit na mikrobyong namamahay sa loob at labas ng katawan ng mga hayop at maabatan ang pamumugad ng mga uod at bulate sa katawan ng mga hayop.
Ang Lianhua Qingwen naman daw ay Chinese herbal product na makakatulong mawala ang mga ‘heat-toxin’ sa baga o lungs, kabilang na ang mga sintomas ng lagnat, sipon at pananakit ng mga kalamnan ng mga tao. At ang paggamit o pag-inum nito ay kinakailangan ng rekomendasyon o resetang galing sa duktor.
Sa madaling sabi ang dalawang gamot na ito ay kailanman di sinabi ng FDA at DoH na makakagamot laban sa virus na COVID-19.
Ngunit marami na ang mga nagpapakalat at ang iba pa nga ay talagang iniindorso na ang mga ito na gamitin o inumin upang makalaban daw sa COVID-19.
Mismong si MMDA Chairman Benhur Abalos ay nagpost ng kanyang “testimonial” o patotoo na siya ay pinagaling ng Lianhua Qingwen. Samantalang si Congressman Mike Defensor ng Anakalusugan Partylist naman ay nangakong pangungunahan ang pamimigay ng Ivermectin sa mga nakapitan at nakikipaglaban sa COVID-19 at mga senior citizen ng Quezon City.
Pareho nilang dinaan ang kanilang mga anunsiyo sa social media na facebook at agad na kumalat, pinaniwalaan at ngayon ay parte na rin ng kalakalan para sa mga gustong kumita sa pagbebenta ng mga gamot na ito.
Ito ay sa kabila ng pahayag ng DoH at FDA natin na ang mga ito ay hindi pang-gamot sa COVID-19 virus. Pati ang World Health Organization (WHO), ang Eurepean Medicine Agency at ang United States FDA ay naglabas na ng babala ukol sa aggamit ng Ivermectin. Dahil ang international na may gawa nito na kumpanyang Merck ay mismo ng naghayag na walang ‘scientific basis’ na makakapagpakita na mabisa tong panlaban sa COVID-19.
Nakakagulo kung atin pong iisipin ang mga kumakalat na balita mimpormasyon sa dalawang gamot na ito. Dumadagdag ito sa ating pagiisip kung paano makakaiwas sa virus bukod sa pamamagitan ng mga health protocol at pagbabakuna.
Pangalawa, ang ordinaryong Filipino gaya ni Juan ay wala namang pambili rito at maaaring naka-abang na lamang sa kung anong paraan ang ibibigay sa kanya ng pamahalaan. Ang sigurado lamang ay hindi mabibigyan si Juan ng dalawang gamot na ito, dahil nga alam na ng pamahalaan na hindi angkop ang mga gamot na ito upang labanan ang COVID-19 base na rin sa pag-aaral at rekomendasyon ng DoH at ng ating FDA.
Pagbabakuna at labis na mga pag-iingat lamang ang tanging maibibigay ng Administrasyong Duterte sa nyo mga kababayan ko. Huwag magpadala sa mga nauuso, o mga iniindorsong gamot ng wala namang pruwebang pag-aaral at basehan. Ingat tayo mga kababayan ko.
The post Dalawang gamot, pwede nga bang lumaban sa Covid-19 appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: