Facebook

Mga katangian o kwalipikasyong hinahanap natin sa susunod na pangulo ng Pilipinas

SANA nga ay may paaralan tayo na magtuturo sa sinomang nais maging Pangulo ng Pilipinas.

Kaya lang wala tayo ng ganoong course o master o doctorate degree tulad ng sa Law, Engineering, Education at iba pang mataas na kaalaman sa unibersidad.

Simple lang kasi ang requirement para maging kuwalipikado ang isang nais maging Presidente, ayon sa ating Saligang Batas: Natural born citizen o Filipino simula sa pagkapanganak, 40 taon pataas ang edad; marunong bumasa at sumulat, rehistradong botante at nakatira o namalagi sa bansa sa loob ng 10 taon, bago ang eleksiyon.

Mas mabigat nga ang kuwalipikasyong kailangan sa isang nais maging janitor kaysa maging Pangulo ng bansa.

Kailangan na bang itaas at itakda ang mas mataas na pamantayan o kwalipikasyon para sa Pangulo ng Pilipinas?

Kailangan ba na may mataas na karunungan o natapos na kurso o titulo sa unibersidad at mayroong mahabang karanasan sa public service ang isang nais maging Presidente?

Hindi ito lamang ang mga katangiang dapat na taglayin ng susunod nating Pangulo, ngayon na nalalapit na uli ang presidential election sa 2022.

Sa ating hamak na opinyon, naririto ang mas kailangang katangian na mayroon ang iboboto nating Presidente sa Mayo 9, 2022.

Una, bukod sa talino, dapat na maalam at dalubhasa siya sa maraming disiplina ng karunungan, pilosopiya at karismatiko sa mata ng taumbayan.

Dapat hawak ng Pangulo ang puso at pulso ng mamamayan; at laging nadarama niya, ang ugat at mabilis na nalalapatan ng mga paraan at aksiyon at solusyon ang mga problema at mga hirap na dinaranas ng bayan.

Sa harap ng pandemyang COVID-19 na patuloy na naglulugmok sa ating kabuhayan at ang patuloy na pagdami ng namamatay araw-araw, kailangan natin ng isang Pangulo na visionary.

Kailangan ng bayan ang isang Pinuno na may mga katangiang makita ang posibleng mangyayari sa hinaharap; dapat pro-active, buhay na buhay at hindi patay-patay sa pagkilos at pamumuno upang mailigtas sa peligro ang buhay ng taumbayan at ng buong bansa.

Dapat siya ay malikhain, isang inventor at hindi nakakulong lamang sa teorya kungdi praktikal at laging gising sa anomang bagong pangyayari sa mundo.

Hindi natin kailangan ang isang babae o lalaki na may matibay na paninindigan sa mga pangako at mga salita; at gagawin ang lahat, ng higit sa makakaya upang magawa ang mga bagay na sinalita sa bayan.

Hindi natin kailangan ng trapo at bagito.

Dapat matapang siya at alam kung paano pag-iisahin, hindi ang paghahati sa mamamayan, tungo sa isang rebolusyonaryong vision ng pagbabago sa lipunan at pamayanan.

Karakter, integridad at may mataas na pagpapahalaga sa kahalagahan ng kultura at tradisyon ang layunin ay itaas ang noo ng mga Pilipino sa buong mundo.

Anoman ang kanyang relihiyon, dapat sa susunod nating Presidente ay may mataimtim na pagtitiwala at katapatan sa Diyos, sa ating mamamayan at sa ating bansa.

Sa pagtalima sa tungkulin, una sa kanya ang paglalapat ng hustisya, ayon sa pataw ng batas at ng paggawad ng pantay, walang kinikilingang panig kungdi ang katotohanan at kabutihan.

Una sa Diyos, yumuyukod siya sa kapangyarihan ng taumbayan at ng kapakanan ng bansa.

Kalayaan, pagkapantay-pantay at katarungan sa tao at lipunan ang inuuna ng isang mahusay at maka-Diyos na Pangulo kaysa sa sarili, mga kapamilya, mga kaanak at mga kaibigan.

Isa pang katangian na dapat na mayroon ang isang Pangulo ay maging mapagkumbaba, mapagpatawad at maunawain sa tagumpay, gayunman, matapang at matatag ang pagkatao at kagalang-galang sa pagkatalo.

Tulad ng isang mahusay na alahero, marunong kumilatis ang Pangulo sa pagpili ng mga kasapi sa Gabinete – na dapat na bubuuin ng babae at lalaki na kilala sa kagalingan at talino, kaisa sa mataas na adhikain at matayog na paninindigan at di-mabubuwag na pagtitiwala at pananalig at pagmamahal sa Diyos, sa taumbayan at sa bansa.

Ang Pangulong ito ay may malakas na kakayahan at may maningning na personalidad at karisma upang itanghal ang Pilipinas sa larangan ng politika, ekonomya at diplomasya sa pamilya ng mga bansa sa daigdig.

At ang Pangulong ito ay dapat na handang itaya ang lahat ng anomang yaman, karangalan at maging ang sariling buhay na ipaglaban ang sobereniya at kalayaan ng Pilipinas.

Siya para sa atin ang tunay, dapat na maging Pangulo natin sa 2022.

The post Mga katangian o kwalipikasyong hinahanap natin sa susunod na pangulo ng Pilipinas appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Mga katangian o kwalipikasyong hinahanap natin sa susunod na pangulo ng Pilipinas Mga katangian o kwalipikasyong hinahanap natin sa susunod na pangulo ng Pilipinas Reviewed by misfitgympal on Abril 10, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.