KAHANGA-HANGA ang mga katangian ni P/Col. Angela Rejano, isa siya sa iilan lamang na babaing opisyal ng Philippine National Police (PNP)na nabigyan ng pagkakataon na nakahawak ng sensitibong posisyon. Hindi biro ang tulad niya na pinagkatiwalaan na maging hepe ng kapulisan ng isang premyadong siyudad tulad ng Malabon. Gayunman sa kabila ng mga katangiang ito ay may agam-agam na hindi ito magtatagal sa kanyang puwesto bilang police chief ng naturang siyudad.
Naipamalas ni Col. Rejano ang tatag ng kanyang paninindigan sa pamumuno sa kapulisan ng Lungsod ng Malabon, ngunit ang katatagan din ng paninindigang ito ang nagpabagsak sa kanya bilang Malabon City Police Chief. Kaya tama nga ang ating pagtataya, nasibak nga ang lady cop.
Ayon sa atin police insider bagama’t may matatag na paninindigan ang lady cop, ay hindi naman nito nakuha ang kooperasyon at simpatya ng mga Malabonian. Ang resulta, dumami ang malalaking krimen na di nalulutas, kabi-kabila ang operasyon ng gawaing labag sa batas sa kanyang hurisdiksyon pagkat pambihira o kaya ay walang mga mapagmalasakit na residente ng siyudad na boluntaryong nagbibigay ng impormasyon sa pulisya tungo sa ikalulutas ng krimen.
Naging batik din sa pamununo at liderato ni Rejano bilang Malabon City Cop, ang tila anay na operasyon sa kanyang hurisdiksyon ng isang gambling lord na tumutugon sa pangalang Mariong Bokbok. Si Bokbok ay residente ng Brgy. Catmon kung saan may safehouse itong ginagamit sa pagpapatakbo ng jueteng.
Bukod sa Brgy. Catmon ay may malalakas din itong mga rebisahan ng nasabing iligal na pasugal na kilala ding EZ 2 bookies o jueteng sa Brgy. Baritan, Longos at sa halos lahat na 21 na barangay ng siyudad ng Malabon.
Liban sa Malabon City ay nag-ooperate din ng jueteng si Mariong Bokbok sa Calaoocan City at CAMANAVA area kung saan iniuulat ng ating police insider na nagtatago ito sa kanyang rebisahan ng malakihang bulto ng shabu at mga matataas na kalibre ng di- lisensyadong baril.
Bukod kay Mariong Bokbok, ang iba pang mga gambling operator na kumikilos sa hurisdiksyon ni NCRPO Director, P/Major General Vicente Danao Jr. ay sina Aguas, alias Jane Koh, Gadingan, Tita, Tepang, Kap Onse, Kap Robles, Atan, Mako, Penong, Lucy, Boy Edmund, Kap Bryan, Dela Peña at iba pang iligalista na hinihinala ding mga big time na drug pusher.
Bakit nga ba simula nang maluklok na NCRPO Chief si Danao Jr., ay tila singaw na nagsulputan sa 16 na siyudad at isang bayan sa Metro-Manila ang mga nabanggit nating ilegalista?
Si alias Tita ay operator ng STL cum jueteng sa Calamba City at iba pang mga siyudad at bayan sa Laguna nang nakaupo pa lamang na PNP Region 4-A director si Heneral Danao Jr., ngunit “ tila pagkit at mightly bond” itong napadikit sa pundiyo ng heneral nang malipat ito para pamunuan ang pulisya sa kalakhang Maynila? Tatalakayin din natin ang hinggil dito, abangan po lamang…
Nang hirangin naman bilang Malabon City Police Chief si Rejano, liban sa kampanya kontra-droga at kriminalidad, ay isa din sa iniaatang ditong tungkulin ay ang paglansag sa organisadong operasyon ng iligal na sugal na tulad ng inooperate ni Mariong Bokbok.
Ngunit nabigo si Rejano, katunayan hanggang sa headquarters ng Malabon City Police, City Hall at Bulwagan ng Katarungan ay may mga kubrador na nangongolekta din ng taya sa pajueteng ni Mariong Bokbok.
Naging parang ligal na tuloy ang operasyon ng iligal na gawain ni Mariong Bokbok at tila malakas na sampal naman ito sa mukha ni Rejano.
Kaya mistulang ang pangalang Bokbok ang naging nemesis at mahigpit na kalaban ni Rejano- at nagapi naman siya ng iligalistang ito, nasibak sa kanyang puwesto nito lamang ilang araw ang nakararaan, bumagsak ang matikas na lady cop.
Ang sinapit ni Rejano ay maari ding maging kapalaran ng pumalit dito na si P/Col. Joel Villanueva. Si Villanueva ay hinugot ng PNP hierarchy mula sa Quezon City Police District para ilipat at pamunuan ang demoralisadong hanay ng pulisya ng Malabon City.
Pinalitan ni Villanueva si Rejano, kaya nabuhay ang pag-asa ng mga Malabonian na magkakaroon sila ng de kalidad, malinis at matapat na serbisyo ng pulisya.
Hindi lamang basta matapat na paninindigan ang kailangan ng mga Malabonian, kundi mabilisan at agarang aksyon laban sa organisadong grupo ng mga kriminal, sangkot sa kalakalan ng droga, mamamatay tao, magnanakaw at higit sa lahat ang kaaway ng lipunang iligal na pasugal at pajueteng ni Mariong Bokbok.
Batay sa mga text messages at tawag sa atin ng mga relihiyoso at concerned citizen ng Malabon, pagkaupo pa lamang ni Rejano ay ipinarating na ng mga ito ang kanilang reklamo laban sa perwisyong pasugal ni Mariong Bokbok, ngunit tila naging bingi, bulag at pipi ang lady colonel sa kanilang karaingan.
Kaya ang suhestiyon natin kay Colonel Villanueva, kung nais nitong tumagal sa kanyang puwesto at magtiwala ng buong puso ang mga mamamayan ng siyudad ng Malabon ay kailangan nitong makipag-ugnayan sa mga residente ng siyudad, agaran nitong ipaaresto ang mga empleyado, kabo, kubrador at mga kasabwat ni Mariong Bokbok sa juetang operation nito.
Sa pamamagitan ng ating pitak, ito rin ang ating naging unsolicited advice noon sa hinalinhan ni Col. Villanueva na si Col. Rejano, arestuhin, paposasan si Mariong Bokbok, kumpiskahin din ang mga nakatagong di lisensyadong baril at droga nito na nakaimbak sa kanyang mga rebisahan ng jueteng sa mga barangay Catmon, Longos, Baritan at iba pang mga safehouse sa Malabon City.
Mahigpit na kaaway ng mga taong sangkot sa kalakalan ng droga at iligal na pasugal si Malabon City Mayor Antolin “Lenlen” Oreta III, kaya makaasa si Villanueva na kaagapay nito ang lokal na pamahalaang lungsod ng Malabon sa kampanya laban sa anumang uri ng kriminalidad, lalo pa nga sa numero uno na kaaway ng lipunang si Mariong Bokbok.
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com
The post Malabon lady cop, sibak! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: