NAPAG-IIWANAN ang Batangas ng mga karatig nitong lalawigan sa kampanya laban sa iligal na pasugalan na itinuturing ding sentro ng bentahan ng droga sa CALABARZON.
Ang kabiguang masugpo ang operasyon ng bawal na sugal sa Batangas ay isinisisi naman sa mahinang liderato ng mataas na opisyales ng kapulisan, kapabayaan, katamaran ng ilang police chief at ang posibleng pakikipagsabwatan ng ilan sa mga ito sa mga gambling operator na kalimitan pa ay mga high profile illegal drug financiers.
Bagamat talamak din sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Rizal at Quezon ang operasyon ng iligal na sugal ay makikita naman sa datus na nagsasagawa ang mga kapulisan doon ng raid sa mga gambling den tulad ng tupadahan at mga pasugalang inooperate ng pribadong indibidwal. Kumikilos naman pala sila!
Gayunman ang operasyon ng malalaking sindikato ng pasugalan tulad ng jueteng cum Perya ng Bayan (PnB) na pinatatakbo nina alias John Yap, Zalding Kombat, Kaloy Kolanding, Elwin, Menong Chito at Abion, na pinaghihinalaang front din ng bentahan ng shabu ay nananatiling nag-ooperate pa sa mga nasabing probinsya bago pumasok ang Semana Santa.
Batay naman sa datus sunod-sunod ang anti-gambling operation na inilunsad ng “lenten season” sa Cavite kung saan ay nakalambat ang Cavite PNP ng humigit-kumulang sa 100 sugarol, sa Rizal ay 50, Laguna ay 40 at Quezon ay 30.
Bagama’t ang mga suspek ay nadakip habang nagsisitaya sa sugal-lupa ay marami din naman ang naaresto sa mga organisadong tupadahan na nagpapatibay na hindi protektado ng kapulisan sa mga nabanggit na probinsya ang operasyon ng illigal cockpit.
Kabalintunaan naman ang kaganapan sa Batangas, pagkat ang mga tupadahan ay palasak lalo na yaong pinatatakbo ng maiimluwensyang personalidad ang ilan pa nga ay kilalang drug at gambling lords.
Sa bayan ng Taysan, bukod sa di masupil ng pulisya ang operasyon ng jueteng cum Small Town Lottery (STL) na pinatatakbo ng isang Zalding Konti at Bedung ay nag-ooperate din doon ang tupadahan na aakalain ay ligal ang operasyon.
Ang tupadahan na minamantine din ni alias Bedung sa Brgy. Pinagbayanan sa bayan ng Taysan ay malapit sa boundary ng Brgy. Tulos ng bayan ng Rosario.
Lintek din naman sa astig ang operator ng nasabing tupadahan, pagkat bukod sa araw-araw ay nakaka-limampung sultada doon ay malakasan din ang tayaan sa saklaan, color games at cara cruz na nasa tabi lamang ng ipinagawang ruweda ng tupadahan.
May mga imbitasyon ding ipinakakalat si Bedung para sa schedule ng malalaking paderby tulad ng nakatakdang pintakasi o derby ngayong March 7, 2021 na karamihan pa sa mga imbitadong cocker at breeder ay mga aktibo at retiradong miyembro ng PNP, militar, lokal na barangay officials.
Hayagan ding inalipusta nina Bedung ang kasagraduhan sa panahon ng pangingilin ng semana santa sapagkat tuloy pa rin ang operasyon ng kanilang labag sa batas na pasabong, ayon naman sa reklamong ipinarating sa SIKRETA ng relihiyosong grupo ng Taysan.
Imposibleng hindi alam nina Taysan Mayor Grande Gutierrez, Taysan Vice Mayor Marianito Perez at ng kanilang mga municipal kagawad ang operasyon ng tupadahan ni Bedung?
Ang tagal na din palang pinatatakbo ni alias Bedung ang nabanggit na illigal cockpit at iba pang pasugalan doon ngunit bakit parang inutil si Mayor Guiterrez? Totoo kayang namamantikaan sila ni Bedung kaya tameme lamang at di inaaksyunan ang nasabing tupadahan?
Samantala ang iba pang malalaking operasyon ng untouchable na tupadahan ay matatagpuan sa mga bayan ng Padre Garcia, Ibaan, pawang nasa 4th District ng Batangas, mga munisipalidad ng Balayan, Tuy, Lian at Nasugbu na sakop naman ng 1st District ng nasabi ding probinsya.
Dapat siguro na sibakin na ni Batangas PNP Provincial Director, P/Col. Rex Arvin Malimban ang kanyang hepe ng S2 ( Intelligence and Investigation Branch) at mga operatiba dahil sa kawalan din ng mga ito ng aksyon laban kay Bedung at iba pang tupada operator sa Batangas.
Kung tutuusin ay isang sampal ang operasyon ni Bedung sa liderato ng Batangas PNP sa kabuuan.
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com.
HANGA KAY KA EDDIE
Sir Cris, Dapat pala itong kaibigan nyong namayapang si Ka Eddie ang naging pangulo ng bansa, tiyak na umangat ang Pinas kesa ibang mga bansa. Kung nagawa nya sa BATANGAS CITY na mapalago ang kabuhayan at mapaganda ito , magagawa rin niya ito sa bansa. Baka dito lang mangyari ang sinasabi na kung walang korap, walang mahirap, dahil magandang pagkatao at pagiging matulungin ni Ka Eddie. Kung katulad nya ang naging pangulo ng Pililpinas, sus baka una pa tayo sa Vietnam na nakalagpas sa COVID na walang nagutom at luhaan.Katulad ni Ka Eddie ang hanapin natin.Grabe ang pagiging matulungin nya kaya napaka-swerte ng taga-Batangas City sa panahon ng kanyang panunungkulan, mapalad po talaga kayo sa pagkakaroon ng matapat at mapagmalasakit na mayor. Sa kanya pong pagpanaw ay sana’y may mga katulad pa niya na lumilitaw. Labis po ang aking paghanga sa kanya.Paki-parating po ng aking pakikiramay sa pamilya ng inyong kaibigang Mayor Eduardo B. Dimacuha… (Juan po ng Maynila).
The post Derby tupada sa Taysan! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: