Facebook

Destabilisasyon

HINDI pinagtulungan si Rodrigo Duterte. Walang puwang ang teyoryang sabwatan (conspiracy theory). Katangahan at kawalang kakayahan (incompetence) ang problema. Gumawa ng sariling destabilisasyon si Duterte. Sarili niya ang maysala.

Walang bakuna upang maharap at masugpo ang pandemya. Maliban sa mga donasyon sa ilalim ng Covax facility ng World Health Organization (WHO) at mga binili ng mga LGUs at pribadong kumpanya, walang nabili ang gobyerno ni Duterte. Walang ginawa si vaccine czar Carlito Galvez Jr. kundi mangako na darating ang mga milyong doses ng bakuna na iba’t-ibang kumpanya sa mga bansa sa Kanluran.

Kinuha ng 10% ng mga bansa sa buong mundo (mga 20 mauunlad na bansa tulad ng Estados Unidos, Britanya, bansang-kasapi sa European Union, Hapon, at iba pa) ang 90% ng produkyon ng bakuna. Wala halos itinira para sa mga bansang mahihirap. Batid ng ilang bansang hindi mauunlad ang mangyayari, kaya hindi sila nag-atubili na makipag-usap sa mga gumagawa ng bakuna upang magkaroon ng supply.

Ito ang ginawa ng Indonesia. Noong Hunyo, 2020 pa lamang, nakipag-usap ang Indonesia sa mga kumpanya ng bakuna kahit wala pang produkyon. Nagbayad ng downpayment na umaabot sa 30% hanggang 50% ng kabuuang halaga. Nang dumating ang bakuna, madali nilang nailatag ang kanilang bakunang bayan. Ngayon, halos 15 milyon Indonesian ang nabigyan ng bakuna. Tuloy-tuloy ang kanilang bakunang bayan.

Sa Filipinas, nahuli ang bakunang bayan. Umabot sa 800,000 ang nabigyan ng bakuna. Tanging Sinovac, ang bakunang galing sa China, at AstraZeneca ng Britanya ang dumating. Walang Pfizer (nakakuha ang Singapore), Moderna, J&J, at Sputnik na dumating sa Filipinas kahit na maraming pangako si Galvez na nakikkipag-usap siya sa kanilang mga kumpanya, malapit ng matapos ang negosasyon, at nangako na babaha sa taon na ito ang mga bakuna.

Sa totoo, walang anumang kontrata na naisara ang gobyerno ni Duterte. Hindi nila prayoridad na bentahan tayo. Umaasa lamang ang gobyerno ni Duterte sa donasyon at mga binili ng mga LGU at pribadong sektor. Samantala, tumindi ang hagupit ng pandemya. Lumampas sa mahigit 10,000 kada araw ang tinatamaan ng Covid-19.

Nagmukhang isang paslit si Duterte. Hindi alam ang gagawin sa gitna ng pabagsak na sistema ng kalusugan ng bansa. Sa huling pagharap ni Duterte sa telebisyon, inamin niya na isang malaking kabiguan ang kampanya sa pandemya (kung mayroon). Nanatiling walang mass testing, walang contact tracing, at walang bakunang bayan.

Hindi dito natatapos ang usapang bakunang bayan. Bukod sa walang kontrata na naisara, hindi nagkaroon ng maayos na imbakan ng mga bakuna. Hndi nailatag ang sistema upang madala ang mga bakuna sa iba’t ibang panig na Filipinas. Walang maayos na pag-iimbakan at pagdadalhan ng mga inangkat na bakuna.

Sa maikli, hindi pinaghandaan ng gobyerno ni Duterte ang bakunang bayan. Hindi naiayos ng Department of Health ang sistema. Mukhang hindi tinutulungan si Francisco Duque III, ang kalihim, ng sariling burukrasya. Iniwan siya ng mga kasama sa gitna ng pandemya.

Destabilisasyon? Totoong nanganganib ang gobyerno ni Duterte sa galit ng sambayanan. Ngunit hindi tama na isipin na siya ay pinagtulungan. Ang totoo, sinaktan ni Duterte ang sarili. Masahol pa siya sa mga nagpapanitensiya sa Semana Santa. Wala siyang dapat sisihin kundi ang sarili. Kitang-kita ang kawalang kakayahan.

***

PAANO ito? Binigyan ang Filipinas ng China ng mga donasyon bakuna ngunit ayaw umalis ang mga sasakyan pandagat sa exclusive economic zone (EEZ). Habang nagpapadala ng bakuna ang gobyerno ni Xi Jin ping, inokupa ng maritime militia ng China ang mga munting isla sa West Philippine Sea. Sabi ni Rene Bondal, isang batikang manananggol ng bayan, kapag binigyan ng pangalang Intsik ang isang isla, masisigurong ookupahan nila ito.

Nagpahayag si Delfin Lorenzana, kalihim ng Tanggulang Bansa, na marapat umalis ang mga sasakyang pandagat nakahimpil sa EEZ ng Filipinas sapagkat “maayo ng ang panahon.” Nagtengang kawali lamang ang mga Intsik. Hindi pinansin Si Lorenzana. Nagmukha silang tanga. Nagkibit-balikat lamang si Duterte sapgakat kampi siya sa mga Intsik. Itinuturing siyang taksil ng sambayanang Filipino.

Pinuri ni Bise Presidente Leni Robredo ang paninindigan ni Lorenzana at tinawag itong “source of comfort” (timbulan ng kaginhawaan). Malinaw na marapat umalis ang puwersa ng China sa ating EEZ, ani Leni kahit kinontra niya si Press Secretary Harry Roque na nagsabing “non-issue” ang paghihimpil ng mga sasakyang pandagat sa West Philippine Sea.

* **

Tinawanan ni Bise Presidente Leni Robredo ang undersecretary ng Department of their Interior and Local Governments na bumatikos sa kanya tungkol sa usapin ng lugaw na naging viral so social media. ”Sa gitna ng pandemya, lugaw is essential ang pinag-uusapan,” ani Leni kanyang lingguhang programa :”Biserbisyong Leni” sa dzXL. Kasama niya si radio host Ely Saludar sa programa.

Hindi binanggit ng Bise Presidente ang pangalan ng DILG undersecretary. Hindi siya gumamit ng anumang maanghang na salita laban sa kanya. Sinabi ni Leni na nauunawaan niya ang pagkakaroon ng mga political appointment sa iba’ibang sangay ng pamahalaan, ngunit “sana pumili ang liderato ng may kakayahan.”

Sinabi niya na marami siyang kilala na nagtratrabaho sa DILG ngunit “mahuhusay sila” na gumanap sa kani-kanilang tungkulin. Naging kontrobersyal ang DILG undecretary ng pumasok siya sa talakayan tungkol sa isyung “lugaw is essential” kahit hindi siya tinatanong. Ngunit wala siyang sinabing matino maliban sa batikusin ang Pangalawang Pangulo.

Nakatikim ng masasakit na pagtuligsa si DILG Usec. Epimaco Densing 11 sa mga netizen. Kapansin pansin anila, ang biglang mapapel ni Densing sa nakalipas na mga huling araw. Pati ang opisina niya ay nadamay. Tinawag ito ni Ares Gutierrez, isang netizen na Department of Interior and LUGAW Goverment.

***

TUNGKOL sa pandemya, nanatili ang kawalan ng tiwala ng mga mamamayan sa bakuna. Hindi lamang ito ang problema, ayon sa Bise Presidente. Maraming mamamayan ang ayaw sumailalim sa swab test, ayon sa Bise Presidente. Natatakot sila na kapag nagpositibo, ilalagay sila sa mga isolation center na malayo sa kani-kanilang pamilya at kanilang mga hanapbuhay, anya.

Dito nag-uumpisa ang mga hawaan. Dahil hindi sila sumailalim ng swab test, patuloy silang nakikihalubilo sa kanilang pamilya, kamag-anak, kaibigan, at kakilala. Palaging nag-uumpisa ang pagkahawa-hawa kapag hindi nila alam na positibo sila, ayon sa Pangalawang Pangulo.

***

PATULOY na kumakalat ang mga puwersa na walang ginawa kundi manghingi ng abuloy sa mga mababait at matulunging netizen. Kontra sila kay Duterte ngunit hindi namin maintindihan kung bakit humihingi sila ng kontribusyon. Hindi malinaw kung saan ginugugol ang mga koleksyon. Manatili tayong mapagmatyag sa mga ganitong tao.

***

Email:bootsfra@yahoo.com

The post Destabilisasyon appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Destabilisasyon Destabilisasyon Reviewed by misfitgympal on Abril 04, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.