
SINSERONG pinasalamatan ni Senador Christopher ‘Bong’ Go, na siya ring chair ng Senate Committee on Health, ang ikalawang batch ng medical frontliners mula sa Visayas, na nagboluntaryong mai-deploy sa mga pagamutan at health care facilities sa National Capital Region (NCR) upang tumulong sa paglaban sa COVID-19 pandemic.
Nauna rito, noong Biyernes, Abril 16, isang ceremonial send-off ang idinaos sa Cebu City para sa may 30 nurses mula sa Central Visayas. Ang 20 sa kanila ay itatalaga sa National Center for Mental Health (NCMH) sa Mandaluyong City habang ang iba pa ide-deploy naman sa Las Pin~as General Hospital at Satellite Trauma Center.
Noong Abril 8, isang send-off na rin ang isinagawa sa unang batch naman ng mga volunteers na binubuo ng 50 medical frontliners, mula sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City at Department of Health – Central Visayas.
“Last week, dumating na sa Maynila ang unang batch ng health workers mula sa Visayas, at ngayon may panibagong batch na naman na kayong ipapadala para tumulong sa mga kababayan natin sa NCR Plus areas. Maraming salamat sa inyong patuloy na pagmamalasakit sa ating kapwa Pilipino,” ani Go, sa isang video message.
“Bawat isa naman sa atin ay may ginagampanang papel sa laban kontra COVID-19. Hindi ito laban ng gobyerno lamang, kung hindi laban ito ng sambayanang Pilipino at ng buong mundo,” dagdag pa niya.
Matatandaang dahil sa lumalaking pangangailangan para sa medical human resources, una nang umapela ang Senador sa mga health workers sa non-critical areas na tumulong sa medical frontliners na nagsisilbi sa critical areas.
Naglunsad din siya ng inisyatiba, sa pakikipag-kolaborasyon sa Office of the Presidential Assistant to the Visayas (OPAV), DOH regional offices, local government units, hospitals na may Malasakit Centers, at Project Balik Buhay member-private hospitals, na mag-mobilize ng volunteer medical frontliners para tumulong sa sitwasyong pangkalusugan.
Pagkakalooban ang bawat volunteer ng karagdagang 20% premium sa kanilang basic salary para sa emergency hiring, base sa Bayanihan 2 funds, at hiwalay na insentibo mula sa OPAV, bukod pa sa karagdagang allowance mula sa provincial government ng Cebu at ng Cebu City government.
Ang lahat naman ng COVID-19 testing at transportation expenses sa NCR ay sasagutin din ng DOH, habang ang pagamutan naman kung saan sila maitatalaga ang siyang sasagot sa kanilang pagkain, akomodasyon at transport costs.
Sa kanyang mensahe, tiniyak namang muli ng senador na ang mga medical frontliners ay mananatiling pangunahing prayoridad ng pamahalaan sa kanilang vaccination drive.
Mahigpit din ang payo ng senador sa mga medical frontliners na magpabakuna sa sandaling magkaroon ng pagkakataon upang mabigyan sila ng proteksiyon laban sa virus.
“Hindi madali ang trabaho ninyo dahil mabagsik at agresibo ang kalaban natin ngayon. Hindi natin alam kung nasaan itong COVID-19 dahil hindi natin ito nakikita. Sinisikap natin na mauuna ang mga frontliners sa bakuna dahil kayo dapat ang bigyan ng proteksyon sa giyerang ito dahil kayo ang nasa unahan, kayo ang mga frontliners,” ani Go.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagtutulungan ng lahat ng sektor at nanawagan pa ng kooperasyon upang matagumpay na malampasan ng bansa ang hamong ito na dulot ng krisis.
“Natutuwa ako na makita na nananatiling buhay ang diwa ng bayanihan sa kabila ng sunod-sunod na pagsubok na dumating sa bansa … In these trying times, a whole-of-nation approach is needed to fully overcome this pandemic. I am sure that, with everybody’s cooperation and support, we will be triumphant,” pagtatapos pa ng senador. (Mylene Alfonso)
The post Frontliners na galing ng Visayas, pinasalamatan ni Sen.Go appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: