Facebook

Komunidad ng Badjao pugad ng buriki!

HINDI lang iisa, hindi rin dadalawa kundi tatlo o higit pa ang bilang ng mga outlet ng bentahan ng mga nakaw na produktong petrolyo sa Batangas City. Ang siste nito , ang mga sentro ng bentahan ng mga nakaw na produktong petrolyo ay pinatatakbo ng mga katutubong Badjao at sinasabing “nasa tungki lamang ng ilong ng mga awtoridad” ang operasyon nito sa Batangas City.

Tinukoy sa SIKRETA ang tatlo sa maraming pwesto ng bagsakan ng mga pinaiihing nakaw na petroleum at oil product na matatagpuan sa Badjaowan Community sa Brgy. Wawa, Batangas City.

Ano ba naman ang pinaggagagawa ng PNP Maritime Group, Philippine Coastguard at maging ng pulisyang lokal? Paging PNP Region 4-A director,P/BG Felipe Natividad!

Ang mga “fence” na Badjao o yaong mga buyer ng nakaw na petroleum product ay kinilala ng ating police insider na sina alias Omie, isang alias Jao at Kap Sony.

Si alias Kap Sony ay nagpapakilalang lider ng grupo ng mga orihinal na tribung Badjao na naunang nanirahan sa Brgy. Wawa noong dekada 80’s matapos na lumikas ang mga ito sa bangis ng digmaan sa pagitan ng militar at ng sesyonistang Muslim.

Dahil sa awa at likas na pagiging matulungin ng namayapang Mayor Eduardo B. Dimacuha ay napagkalooban nito ang grupo ng dati ay humigit-kumulang lamang noon sa may 30-kataong Badjao ng kanilang komunidad sa isang hiwalay na lugar ng Brgy. Wawa.

Masisipag at masunurin sa batas ang mga original na Badjao tribe. Payak lamang ang pamumuhay ng mga ito at kumikita sa makalumang sistema ng pangingisda sa pamamagitan ng pamamana (spear fishing) at paninisid ng perlas.

Ngunit nang lumaon at dumami na ang mga ito ay natutuo na ang mga kababaihan at kabataang Badjao na mamalimos sa mga lansangan at nang lumaon ay naging suliranin at pabigat na sa pamahalaan.

Ang ilan pa sa kabataang Badjao ay nalululong sa masamang bisyo, may ilan na natutong maging mangangalakal ng laman sa pakikipagsapakatan sa mga lokal prostitution den operator.

Ang ilang Badjao na nagmamay-ari ng maliliit na motor boat ang naghahatid ng mga “pagirpir” o prostitute sa mga ocean-going na barkong naka-ankorahe sa Batangas City Bay at maging sa mga nakadaong sa pantalan.

At ang pinaka-grabe sa lahat ay natututo ang maraming Badjao na magpasangkapan sa isa sa pinakamalaking sindikato na kung tawagin ay “buriki” na pinatatakbo ng isang alias Buloy.

May tatlong malalaking bagsakan ng pinaiihing petroleum product tulad ng krudo, gasolina, gas, at oil product sa Batangas City. Ang mga ito ay matatagpuan sa Brgy. Danglayan, Brgy. Sta Rita Aplaya at Brgy. Wawa.

Ang mga naturang produkto ay ninanakaw ng mga kapitan ng barko, opisyales nito at kanyang mga crewman sa mga sinasakyan ng mga itong ocean at domestic vessel at ibebenta sa mga buriki financier, isa na nga rito ay si alias Buloy.

Kung ang mga buriki operator sa Brgy. Danglayan at Brgy. Sta Rita ay sa barges nag-iimbak ng mga nabibiling nakaw na petrolyo, si Buloy ay sa mga bahay at tindahan naman ng mga kakutsaba nitong ng mga Badjao nagtatago ng mga nabibili nitong mga nakaw na petroleum product.

Ang mga tindahan at bahay nga nina alias Omie, Jao at Kap Sony ang ilang lamang sa maraming taguan ng mga nabibili nina Buloy na mga nakaw na petrolyo.

Wala namang kamalay-malay ang mga may-ari at management ng domestic at ocean-going ship na iginigisa na pala sila ng kanilang mga kapitan, opisyales at crew member ng kanilang barko.

Sa dami ng mga suking magnanakaw na marino nina Buloy ay tone-toneladang krudo, gasolina at oil product ang naiipon ng mga ito sa kanilang imbakan at doon ay ibenebenta naman ang mga nakaw na produkto nina alias Omie, Jao at Kap Sony sa mga motor boat, trucking at sawmill operator.

Nagbebenta din ang mga ito sa mga passenger jeep at tricycle driver at ilang lokal na gasoline station owners ng nakaw na petrolyo.

Ang iba pang produkto ay hinahakot naman ng tanker truck na pag-aari ng sindikato dalawang beses kada isang linggo mula sa burikian para ibenta sa ibat-ibang gasoline station sa labas ng lalawigan ng Batangas.

Nagbebenta din sa Badjaowan ng mga bote-bote, galon-galon at naka-container na petroleum product kahit wala namang lehitimong petroleum depot sa naturang lugar.

Kapag aksidenteng sumabog ang mga imbakan ng nakaw na petroleum product sa Badjaowan tiyak na hindi lamang ang mga miyembro ng nasabing tribu ang mauutas. Siguradong magbubuwis din ng maraming buhay ang mga residente ng Brgy. Wawa at ang kanugnog nitong mga barangay ng Cuta, Malitam, Libjo at Pallocan. Posible pang madamay din ang mga nakatira sa Batangas City Proper.

Mantakin ninyong problema ang idinudulot nito sa ating mga kababayan lalo’t hindi naman tinitinag ang operasyon ng mga iligalistang ito ng ating kapulisan?

Batangas City Police Chief, LtCol. Gerry Laylo , sana naman ay huwag nang lumawig pa ang operasyon ng mga burikian at outlet ng mga nakaw na produktong petrolyo sa Batangas City, talagang nakakatakot na!

***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com

The post Komunidad ng Badjao pugad ng buriki! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Komunidad ng Badjao pugad ng buriki! Komunidad ng Badjao pugad ng buriki! Reviewed by misfitgympal on Abril 24, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.