Facebook

Sen. Go: Pagbabakuna mahalaga para sa mga essential workers upang makapagligtas ng buhay at kabuhayan

MULING umapela si Senador Christopher “Bong” Go sa national government na higit pang patatagin ang mga kinakailangang mga patnubay at pamamaraan sa National Vaccine Roadmap ngayong inaasahan nang aabot na ang vaccine rollout sa A4 priority category sa mga susunod na buwan.

“Natutuwa po tayo na patuloy ang pagbabakuna ng priority sectors sa ating bansa. Inuuna lang po natin ang health workers, senior citizens, at ‘yung may comorbidities. Pagkatapos nito ay babakunahan na natin ang essential sectors hanggang makarating sa indigents at iba pang miyembro ng lipunan,” ayon kay Go.

Sinabi ni Go na ngayong inaasahan ng bansa ang pagdating ng mas marami pang bakuna sa mga susunod na buwan, dapat na maging handa ang pamahalaan sa detalyadong mga guidelines at procedures kung paano babakunahan ang mas malaking bahagi ng populasyon.

Aniya, ang kasalukuyang pagbabakuna sa A1 to A3 priority groups ay unang hakbang pa lamang at posibleng maging mas kumplikado ang proseso sa sandaling makaabot na ang rollout ng bakuna sa iba pang sektor ng lipunan.

“Klaro naman po kung bakit prayoridad ang frontliners, senior citizens at ‘yung may comorbidities. Pero habang pababa tayo ng listahan at parami ng parami ang pwede nang mabakunahan, dapat nakalatag na rin ang mga mekanismo para masigurong maayos, episyente, at epektibo ang proseso at klaro rin kung bakit natin binabakunahan ang mga sektor na susunod sa priority list,” paliwanag ni Go.

Suportado rin niya ang apela ng mga seafarers at iba pang Overseas Filipino Workers (OFWs) na isama sila sa mga prayoridad na unang mabigyan ng bakuna dahil requirements ito upang makapagtrabaho silang muli sa ibayong dagat.

“Umapela po tayo na maisama sa A4 priority group ang seafarers at OFWs na kailangan na umalis papunta sa ibang bansa para makapagpatuloy ng trabaho. Nais nating mabakunahan na ang sektor na ito para po maibalik na ang kabuhayan nila at makatulong sa ekonomiya. May mga pamilya po silang binubuhay, tulungan natin sila para mas makatulong rin sila sa komunidad nila,” apela pa ni Go, na siya ring Chair ng Senate Committee on Health.

“Bukod sa pagsama sa kanila sa prayoridad, dapat masiguro rin na ‘yung bakuna na ituturok sa kanila ay acceptable sa bansang patutunguhan nila at may maipapakita silang pruweba,” ayon pa kay Go, sabay giit na sa pamamagitan ng pababakuna, hindi lamang ang kanilang buhay ang protektado kundi maging ang kanilang kabuhayan.

Iminungkahi rin ni Go na ang mga seafarers at mga OFWs ang gawing prayoridad sa sandaling dumating na sa bansa ang mga bakuna mula sa Western countries, gaya ng Pfizer at Moderna, dahil ilang bansa kung saan ide-deploy ang mga seafarers ay may preference pagdating sa bakuna.

Bukod dito, dapat rin aniyang mabigyan ang mga ito ng katanggap-tanggap na proof of vaccination para sa mga naturang manggagawa, dahil madalas silang tumawid sa mga international boarders at maaaring kailanganing magpakita ng ebidensiyang sila ay nabakunahan na laban sa COVID-19.

“Sa ngayon, may ibinibigay na vaccination cards para doon sa mga nabakunahan na. Kailangan lang siguraduhin na acceptable ito na pruweba kahit saan man sila magpunta. Usap-usapan ngayon ang pagkakaroon ng vaccine passports. Dapat mapaghandaan ito ng mabuti,” ani Go.

Samantala, muli rin nagpaalala si Go na ang probisyon sa vaccine passports ay hindi dapat maging rason para maging kampante na ang mga taong nabakunahan na.

Paalala niya, ang bakuna ay nagpapababa lamang ng panganib na mahawahan ng COVID-19 at hindi nagpapatigil ng transmission nito.

“Pag-aralan nating mabuti ‘yung pag-implementa ng vaccine passports. Kailangan may maipakita ang mga tao na katibayan na nabakunahan na sila, lalo na kung requirement ito sa ibang bansa at sa lugar ng kanilang pagtatrabahuhan. Pero hindi dapat ito gamiting rason para maging kampante. Mag-ingat pa rin tayo dahil nakakahawa pa rin ang COVID-19,” aniya pa.

Sa ilalim ng Section 12 ng Republic Act 11525, ang Department of Health ay inatasang mag-isyu ng vaccine card sa lahat ng taong nabakunahan na.

“Porke’t nabakunahan ka na, hindi naman ibig sabihin na hindi kailangan sumunod sa health protocols. Hanggang hindi pa nararating ang herd immunity, hindi pa po ligtas. Mag-ingat pa rin dapat at magmalasakit tayo sa mga kababayan natin na posibleng mahawahan ng sakit,” dagdag ng senador. (Mylene Alfonso)

The post Sen. Go: Pagbabakuna mahalaga para sa mga essential workers upang makapagligtas ng buhay at kabuhayan appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Sen. Go: Pagbabakuna mahalaga para sa mga essential workers upang makapagligtas ng buhay at kabuhayan Sen. Go: Pagbabakuna mahalaga para sa mga essential workers upang makapagligtas ng buhay at kabuhayan Reviewed by misfitgympal on Abril 24, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.