ITO ang nalilitanya minsan ng isa kong kababata at naging kamag-aral sa elementarya na makaraan ang limang-dekadang taon sa pobreng pamumuhay ay pinalad na maging milyonaryo makaraang palarin ito na maging isa sa mga naging LOTTO WINNER.
Halos maglilimang taon na ang nakalilipas nang ito ay sinuwerteng manalo ng mahigit P60 milyon ay tila hinde ito nauubusan ng pera sa pananaw ng kaniyang mga kamag-anak at kaibigan.., na kung hinde mapautang o mapahiram ng datung ay maghihinampo pa sa kaniya.
“Akala siguro ng mga kamag-anak ko e hinde ako nauubusan ng pera e mahigit 4 na taon na ang nagdaan.., siyempre nagpundar din naman ako para sa pamilya ko at yung natitirang pera ko sa bangko e hinde ko naman basta kukunin kasi yung interest nun ang nagiging allowance naman namin buwan-buwan,” nalilitanya ng kababata ko kapag minsa’y nagkakakuwentuhan kami habang nagpipingkian ang aming mga baso sa harap ng mga pulutang espesyal tulad ng JAPANESE SUSHI at SASHIMI na isasawsaw sa kulay berdeng napakaanghang na WASABI o WASABE na pagkaing pampasarap sa pagbabalik-tanaw sa nagdaan naming mga buhay.
Ang kababata ko’t kalugar na papangalanan kong si FERDIE na anak ng isang mahirap na tulad ko ay kapuwa kami lumaki sa isang siyudad sa METRO MANILA.., yun nga lang nasa slum area kami at looban pa ang kinaroroonan lalo na sa lugar ni FERDIE na tutuntunin ang makikitid na iskinitang pinamumugaran ng ilang masasamang-loob at balwarte ng mga adik-pusher bago marating ang kanilang pamamahay. Nagluluto ng banana at kamote cue ang kaniyang mga magulang na isa rin ako sa mga umaangkat sa kanila para may mailako noon sa UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES (hinde ko na lamang babanggitin ang lugar). Kami ni FERDIE ay nahasa sa matalas na paningin at mabilis na takbuhan kapag may matatanaw na kaming mga UP POLICE PATROL upang hinde kami maaresto at makumpiska ang aming paninda na libreng mimeryendahin lamang ng mga kinaiinisan naming mga pulis noon.
Lumipas ang mga taon, nagkaroon na kami ng kani-kaniyang pamilya na kapag nagkakaroon ako ng bakanteng araw (na bihirang mangyari) mula sa pagtatrabaho sa masalimuot na mundo ng JOURNALISM ay tinutungo ko ang bahay ni FERDIE at sa maliit niyang balkonahe ay doon kami pupuwesto kaharap ang maliit na lamesang kinapapatungan ng boteng pampagana sa kuwentuhan habang ninanamnam ang lasa ng tsitsarong bulaklak, litsong manok at ilang stick ng barbecue na binili sa labasang iskinita na kinapupuwestuhan ng nag-iihaw o barbekyuhan.
“Masarap alalahanin yung nakaraang buhay natin meyt (meyt ang tawagan namin dahil dati kaming magkaklase sa eskuwelahan).., yun nga lang mahina kokote ko tapos naimpluwensiyahan pa ko sa isang kaklase natin noon na imbes pambayad sa tuition fee namin e ipinanglalakwatsa namin tulad sa panonood sa mga sinehan noon double picture pa, kaya tumigil na lang ako sa pag-aaral at pumasok sa construction at kung ano-ano pang mahihirap na trabaho,” pagbabalik-tanaw ni FERDIE habang kami ay magkapingkiang-baso kaharap ang ilang sosyal na pulutang hinde namin natikman noon sa aming kabataan.
Aniya, noong pauwi na siya matapos ang maghapong pagtatrabaho sa construction ay napadaan ito sa isang LOTTO OUTLET na parang may humihila sa kaniya para tumaya. Binilang nito ang kaniyang pera at presto may extra pa siyang P20 para pantaya at ang natira sa kaniyang bulsa ay saktong pamasahe niya para makauwi. Kinabukasan maaga itong bumili ng diyaryo at pagbalik sa bahay niya ay agad tiningnan ang winning 6-combination numbers na halos ikalake ng kaniyang mga mata sa tuwa.., pero pinigil nito ang sarili at umaktong normal lamang na hinde muna sinabe sa kaniyang pamilya.
Mag-isa at kasuwal na hinanap nito ang PHILIPPINE CHARITY SWEEPSTAKE OFFICE (PCSO) para makuha ang kaniyang napanalunan. Habang pinipirmahan nito ang iba’t ibang mga form o dokumento ay kinukuwentuhan naman siya ng kaniyang kaharap na PCSO OFFICER tungkol sa mga naging LOTTO WINNER na ilang buwan lamang ay balik-pobre uli ang marami dahil nalulong sa mga bisyong pagka-casino at pambababae.
“Ambait nung opisyal na umasiste sa kin sa PCSO meyt, isang ID lang ang dala ko e kailangan pala 2 ID card ang dala mo para sa pag-oopen account sa banko pero sabi sa banko e to follow na lang ang ibang requirement ko at yung mahigit P600,000 cash ay ibinigay sa kin para may magamit na raw ako. Ganun pala yun meyt, yung halagang yun e kasya sa mga bulsa ko na akala ko noong una e maraming-marami yung ganung pera pero sa mga bulsa lang ng suot kong mga damit e kasya na at kasuwal lang akong naglakad papalabas ng PCSO,” pagkukuwento ni FERDIE.
Aniya, nagdaan pa ang ilang araw na simple lamang at walang ipinagbago sa kilos ni FERDIE na hinde nalaman ng kaniyang mga kalugar ang suwerteng kaniyang nakamit hanggang sa nakalipat ito kasama ang kaniyang pamilya sa bagong lugar na kanila nang naging permanenteng bahay.
“Meyt, isang beses lang ang pagkakataon para sa suwerte at yun ay hinde ko sinayang. Kahit papaano ay nag-invest ako ng mga bahay-paupahan at ang mga kamag-anakan ko ay natutulungan ko sila, mga pamangkin na ako na ang sumasagot sa pag-aaral nila..,, yun nga lang minsan e medyo nakakahinanakit kasi para bang sa tingin sa kin e hinde nauubusan ng pera na kapag lumapit sa akin ay dapat mapahiram o mapautang agad.., inuunawa ko na lang meyt ang ganung sitwasyon at minsan nga e naiisip ko na mahirap din pala minsan kapag ikaw ang nanalo sa lotto.., ganun pa man e masaya at nagpapasalamat ako kasi binigyan ako ni Lord ng swerte at hinde ko sasayangin to. Hanggat maaari e ayaw ko na magbalik pa uli sa dating hirap ng buhay natin meyt kaya pagyayamanin ko itong swerte,” pahayag ni FREDDIE.
.
Sa ganitong mga pagkakataon na paminsan-minsang dinadayo ko itong aking kababata ay nanghihinayang ako sa ibang mga tao na nabigyan ng suwerte ay inuna ang yabang sa pagseselebra sa kanilang lugar na halos buong ka-barangay ay pinaiinom at binubusog sa pulutan.., o natuto sa sugal sa pagka-casino.., o pambababae na ikinawawasak ng pamilya o kaya ay pinatay ng mga magnanakaw na kanilang kalugar o kaya naman ay pinatay ng kamag-anak na hinde napautang o napahiram ng pera .., o kaya naman ay wala pang kalahating-taon ay balik-pobre uli ang taong minsa’y napagkalooban ng swerte na hinde nagawang pagyamanin ang napanalunan sa magandang pamamaraan.
Parang sa awitin ni FREDDIE AGULIAR “Buhay Nga Naman ng Tao” na ang nilitanya ay “Bakit nga ba ganito, ang tao’y walang kasiyahan” na dapat e matutunan nating makontento sa kung ano man ang ipagkaloob sa atin ng tadhana.
Mga ka-ARYA, isa lamang ito sa iba’t ibang kuwento ng mga taong nabigyan ng swerte sa buhay hinde lamang sa pamamagitan ng LOTTO GAMES kundi maging sa iba pang pagpupunyagi sa larangan ng propesyon na yumabong ang kanilang pangkabuhayan ay nananatiling mapagpakumbabang-loob, upang hinde matulad sa sinapit ng mga nasilaw sa salapi at naging mata-pobre sa pagnanasang tingalain sila sa sosyedad.., pero sa isang iglap ay pagkabagsak sa pedestal at presto… buhay-pobre uli na anumang pagsisisi ay hinde na maibabalik pang muli ang suwerteng sinayang!
***
Kung may reaksiyon lalo na sa mga nakakanti ng ating kolum ay maaari po kayong mag-email sa corpuzirwin074@gmail.com o magtext sa 09085841303 para sa inyo pong mga panig.
The post Mahirap din pala ang maging lotto winner! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: