PINURI ni Senator Christopher “Bong” Go si Pangulong Rodrigo Duterte sa paglalabas ng Administrative Order No. 39 na nagbibigay ng one-time financial assistance na P20,000 sa Employees’ Compensation (EC) pensioners para sa permanent partial o total disability and survivorship, kapwa sa pribado at pampublikong sektor.
Ayon kay Go, malaki ang naging negatibong epekto ng pandemya sa mga kababayan nating may kapansanan, lalo na sa mga pensiyonadong apektado ang pamumuhay dahil sa community quarantine restrictions.
“Nararapat lamang natin silang suportahan at bigyan ng alternatibong mapagkukunan ng panggastos para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Kaya naman nagpapasalamat at kinokomendahan natin si Pangulong Duterte sa pag-issue n’ya ng AO na ito,” ani Go.
Inilabas ng Pangulo ang AO matapos aprubahan ng Employees’ Compensation Commission ang proposal na magbigay ito ng assistance dahil sa financial hardships na epekto ng pandemya sa pensioners.
Mandato ng ECC na ipatupad ang Employees’ Compensation Program na magbibigay ng package ng benepisyo sa pampubliko at pribadong sektor at sa kanilang dependents basta work-connected sickness, injury, disability o death.
Maaari ring i-upgrade ng ECC ang benepisyo ngunit kinakailangang dumaan muna sa approval ng Pangulo.
Sa ilalim ng AO, ang ECC ay awtorisadong magbigay ng one-time financial assistance na P20,000 sa EC pensioners para sa permanent partial disability, permanent total disability at survivorship.
Ang nasabing halaga ay kukuhanin sa reserba ng EC State Insurance Fund na pinamamahalaan ng Social Security System at Government Services Insurance System sa ilalim ng EC Program.
Inaatasan din ng AO ang ECC, SSS at GSIS na maglabas ng implementing rules and regulations upang epektibo itong maipatupad.
“Sa panahong ito ng pandemya, dapat lamang paigtingin ng gobyerno ang suporta nito sa mga PWDs dahil isa sila sa mga pinakaapektado ng mga social and economic impacts ng COVID-19,” idiniin ni Go.
“Huwag po nating papabayaan ang mga kababayan nating PWDs. Tuparin natin ang ating pangako sa kanila na walang Pilipinong mapag-iiwanan sa landas tungo sa pag-ahon ng bansa mula sa COVID-19,” pahabol ng senador. (PFT Team)
The post ‘One-time ayuda’ na P20K sa may kapansanan, pensyonado pinuri ni Bong Go appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: