MULING umapela si Senator Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na maglatag ng mga alituntunin at pamamaraan sa National Vaccine Roadmap habang papalapit na ang vaccine rollout sa mga nasa A4 priority category .
“Natutuwa po tayo na patuloy ang pagbabakuna ng priority sectors sa ating bansa. Inuuna lang po natin ang healthworkers, senior citizens, at ‘yung may comorbidities. Pagkatapos nito ay babakunahan na natin ang essential sectors hanggang makarating sa indigents at iba pang miyembro ng lipunan,” sabi ni Go.
Sinabi ng senador na marami pang parating na bakuna sa bansa at dapat na maging handa ang pamahalaan, lalo sa pagtatakda ng mga alituntin at proseso kung papaano mababakunahan ang mas marami pang bilang ng mga Filipino.
Ayon kay Go, ang kasalukuyang pagbabakuna sa A1 hanggang A3 priority groups ay unang hakbang pa lamang at ang proseso ay posibleng maging kumplikado kapag umabot na ito sa iba pang sektor ng lipunan.
“Klaro naman po kung bakit prayoridad ang frontliners, senior citizens at ‘yung may comorbidities. Pero habang pababa tayo ng listahan at parami ng parami ang pwede nang mabakunahan, dapat nakalatag na rin ang mga mekanismo para masigurong maayos, episyente, at epektibo ang proseso at klaro rin kung bakit natin binabakunahan ang mga sektor na susunod sa priority list,” paliwanag ng mambabatas.
Suportado ni Go ang apela ng seafarers at Overseas Filipino Workers na ikonsidera ang requirements na kinakailangan upang sila ay makabalik na sa pagtatrabaho sa ibang bansa, kagaya ng bakuna na katanggap-tanggap sa bansang kanilang destinasyon at dokumento na patunay na sila ay nabakunahan na.
“Umapela po tayo na maisama sa A4 priority group ang seafarers at OFWs na kailangan na umalis papunta sa ibang bansa para makapagpatuloy ng trabaho. Nais nating mabakunahan na ang sektor na ito para po maibalik na ang kabuhayan nila at makatulong sa ekonomiya. May mga pamilya po silang binubuhay, tulungan natin sila para mas makatulong rin sila sa komunidad nila,” ani Go.
Sinabi ni Go na bukod sa pagbabakuna sa mga manggagawa na esensyal ang papel sa komunidad, dapat ding tiyakin ng gobyerno na ang overseas-bound workers ay makabalik sa kanilang trabaho sa ibayong dagat.
“Bukod sa pagsama sa kanila sa prayoridad, dapat masiguro rin na ‘yung bakuna na ituturok sa kanila ay acceptable sa bansang patutunguhan nila at may maipapakita silang pruweba,” ani Go.
Hiniling ni Go na ang seafarers at OFWs ay iprayoridad kapag ang doses mula sa Western countries, gaya ng Pfizer at Moderna, ay dumating na sa bansa.
“Sa ngayon, may ibinibigay na vaccination cards para doon sa mga nabakunahan na. Kailangan lang siguraduhin na acceptable ito na pruweba kahit saan man sila magpunta. Usap-usapan ngayon ang pagkakaroon ng vaccine passports. Dapat mapaghandaan ito nang mabuti,” paliwanag ni Go.
“Pag-aralan nating mabuti ‘yung pag-implementa ng vaccine passports. Kailangan may maipakita ang mga tao na katibayan na nabakunahan na sila, lalo na kung requirement ito sa ibang bansa at sa lugar ng kanilang pagtatrabahuhan. Pero hindi dapat ito gamiting rason para maging kampante. Mag-ingat pa rin tayo dahil nakakahawa pa rin ang COVID-19,” ayon sa senador.
Sinabi niya na hindi porke nabakunahan na ay hindi ibig sabihin na hindi kailangang sumunod sa health protocols.
Hanggang hindi aniya nararating ang herd immunity ay hindi pa ligtas at kinakailangang mag-ingat at magmalasakitan ang bawat isa. (PFT Team)
The post Pagbabakuna sa A4 priority category malapit na — Bong Go appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: