Facebook

Pamana ni Mayor Eddie Dimacuha

NAPAKALAYO na ang narating ng batikang abogado na unang nakilala ng inyong lingkod noong dekada 70’s. Bagong kapapasa pa lamang sa BAR exam si Atty. Eduardo B. Dimacuha nang una itong makadaupang palad ng inyong lingkod.

Isa pa lamang criminology student sa isang kolehiyo sa Maynila ang inyong lingkod nang maisama ng isang tiyuhin na matalik na kaibigan ni Ka Eddie sa kanyang bupete sa Rizal Avenue Street, Batangas City Proper.

Sa unang sulyap pa lamang ay nahinuha na ng inyong lingkod na malayo ang mararating ng may maaliwalas na personalidad, maginoo at malumanay kung magsalita na si Ka Eddie. Agad nating hinangaan ang kabutihang loob ni Ka Eddie nang magbigay ito ng katiyakan na, “kapag mayroon kayong kailangan o problema ay huwag kayong mag-aatubili na magsadya sa akin”.

Para sa isang bagong kakilala ay malaking bagay ang pagpapahalaga at mainit na pagtanggap na iniukol ni Ka Eddie sa inyong lingkod, lalo pa nga ang pagbibigay nito ng katiyakan na nakahanda itong tumulong sa kanyang kapasidad sa sandali ng pangangailangan.

Isa ng piskal si Atty. Dimacuha nang muli nating nakaharap sa kanyang tanggapan samantalang ang inyong lingkod naman ay isang operatiba at imbestigador ng Quezon City Police Investigation Division noong dekada 80’s.

Ang halos ay may dalawang oras ding pakikipagkwentuhan sa kanya ay nagtapos sa pagtiyak at pag-aamuki nitong tulong sa inyong lingkod sa sandali ng pangangailangan. Naging simula yaon ng malimit naming pakikipag-ugnayan sa isat-isa bilang magkaibigan. Hudyat din yaon ng hindi na mabilang na pagtulong na nagawa nito sa mga kamag-anakan at kaibigan.

Halos lingid sa kaalaman ng lahat, isa rin si Atty. Eddie B. Dimacuha na umalalay sa inyong lingkod nang maharap sa isang “engkwentro” habang gumaganap sa tawag ng tungkulin sa Muñoz Market, Quezon City noong 1982. Marahil kung wala ang serbisyong ligal ng isa sa aking tiyuhin abogado , ang namayapang Atty. Isidoro Aclan at ni Atty. Eddie Dimacuha ay malamang na naghihimas pa ang inyong lingkod ng rehas sa New Bilibid Prison( NBP).

Salamat at nanaig ang hustisya sa panahong ang naghahari ay ang impluwensya ng diktaduryang rehiyimeng Marcos dahil sa matalinong depensa ng ating mga manananggol. Bagamat isang government lawyer noon si Atty. Dimacuha ay tumulong ito bilang consultant ng ating mga abogado, kayat napapaniwala pabor sa ating panig ang mga hukom na lumitis sa inyong lingkod kaugnay sa kasong pagpatay sa isang lasing at bandidong PC-Metrocom official na kamag-anak pa ng nasirang diktador.

Lumitaw ang katotohang ang ating kaso ay isang lehitimong self -defense at ang usapin ay isang naayon sa batas at service related incident. Nanaig pa rin ang rule of law laban sa panggigipit sa inyong lingkod ng mga alipores ni Marcos sa panahon ng batas militar.

Kaya naman simula nang pumalaot sa pulitika si Ka Eddie ay naging masugid niyang tagasuporta ang inyong lingkod pati na ang ating pamilya.

Si Ka Eddie ang itinuturing na pinakamatagal na nanilbihang alkalde ng Lungsod ng Batangas.

Una itong naluklok na city mayor noong 1988 hanggang 1998. Muli nitong pinamunuan ang siyudad noong 2001-2010 at 2013-2016.

Kung ating lilingunin ang kasaysaysan ,ay makikita ang malaking kaibahan ng Batangas City ngayon sa siyudad ng Batangas noon. Itinuturing pa lamang na 1st Class municipality ang lungsod noong 1941 at kinikilala namang “Municipal President” ang isang mayor.

Tinatayang may may mahigit na sa 20 mga alkalde ang nanungkulang lokal na ehekutibo simula noong bago magkaroon ng Ikalawang Digmaan Pandaigdig, bago pa man naluklok si Ka Eddie bilang city mayor simula noong 1988.

Sa ilalim ng panunungkulan ni Mayor Eddie ay naitayo ang ilang malalaking power plant na nagsusupply ng elektrisidad sa Luzon Grid. Naipagawa ang modernong Batangas City Port Phase 2 na nagsisilbing alternate port ng Port of Manila. Ang Batangas City Port din ang naging daungan ng mga ocean-going na mga barkong nagmumula sa ibat-ibang panig ng daigdig.

Ang mga higanteng mall at malalaking negosyo na dati ay sa Kamaynilaan lamang natatagpuan ay nagsipagbukas din ng kanilang kalakal sa Batangas City, lumago din ang marami pang mga negosyo sa nasabing siyudad.

Hindi rin malilimutan ang programa ni Mayor Eddie na EBD ( Eto Batangueño Disiplinado), “Isang Puno, Isang Patpat, Isang buhay ang Katapat” na naging behikulo tungo sa pinakamalinis na siyudad ang nasabing lungsod sa looban ng kanyang termino. Isa rin ang Batangas City sa nangunguna bilang income tax earner batay sa datus ng Comission on Audit ( COA).

Naging top performer din ang mga tanggapan ng pamamahalaang lungsod sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Eddie tulad ng Civil Registrar’s Office at City Coordinating Council.

Bagamat noong 2016 ay namahinga na ito sa pulitika at isinalin sa kanyang anak na si Beverly Rose ang pamamahala ng lungsod, ay patuloy pa ring ginabayan nito ang kanyang anak para makuha ang tiwala ng halos lahat na barangay captains at iba pang mga opisyales ng 105 na barangay ng siyudad.

Hindi kinagat ng mga kalaban sa pulitika ni Mayor Eddie ang mga paninira at negatibong isyung ibinabato sa alkalde sa panahon ng panunungkulan nito na siyang naging batayan para lalong suportahan ng taga-Batangas City ang pamumuno ni Beverly Rose.

Ang alaala ni Mayor Eddie Dimacuha ay hindi na kayang burahin sa isip at puso ng mga mamamayang Batangueno. Talagang malayo na ang natahak ni Mayor Eddie tungo sa pagpapaunlad ng Batangas City. Ang kanyang mga nagawa ang iiwananang alaala sa kanyang mga mamamayan sa kanyang paglisan patungo sa buhay na walang hanggan…

***

Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com.

The post Pamana ni Mayor Eddie Dimacuha appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Pamana ni Mayor Eddie Dimacuha Pamana ni Mayor Eddie Dimacuha Reviewed by misfitgympal on Abril 04, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.