INANUNSYO ni Manila Mayor Isko Moreno na sinimulan na ng pamahalaang lungsod ang pamimigay ng cash assistance mula national government kaugnay ng implementasyon ng enhanced community quarantine (ECQ), kung saan may mahigpit na bilin ang alkalde na ipopost sa social media ang listahan ng beneficiaries para ipakita na parehas at walang gulangan sa listahan.
Ayon kay Moreno ay kinilala na ang may 380,000 pamilya na magiging recipients ng P4,000 bawat isa at inatasan na rin niya si Manila social welfare chief Re Fugoso na makipag-coordinate sa mga barangay para sa proseso ng distribusyon nito kasabay ng kanyang pasasalamat sa national government sa ipinagkaloob na financial assistance sa mga residente ng lungsod.
Sinabi ng alkalde na bago pa dumating ang pera ay nagsagawa na sila ng meeting kasama sina Vice Mayor Honey Lacuna, city treasurer Jaz Talegon at MSW chief Re Fugoso, bilang paghahanda sa mga hakbang na gagawin upang matiyak na maayos in ang distribusyon ng cash assistance sa mga beneficiaries.
Nabatid na ang pamahalaang lokal ng Maynila ay nakatanggap ng kabuuang halaga na P1,523,270,000 mula sa national government dakong 6:35 p.m. nung isang gabi at kaagad na naglabas ng executive order si Moreno base sa requirement na itinakda ng Department of the Interior and Local Government, Department of Social Welfare at Development and the Department of National Defense (DND), para sa agarang pamumudmod nito sa mga barangay.
Gaya ng napagkasunduan, ayon kay Moreno, si Fugoso ang makikipag- coordinate sa mga barangay na siya namang mag-aabiso sa mga beneficiaries na hindi na kailangang lumabas kung wala ang pangalan sa listahan.
Binigyang diin ni Moreno na kapag naging magulo ang bigayan ng cash aid ito ay ihihinto at dinagdag pa nito na: “Hindi kailangang mag-unahan. Pag wala sa lista, ‘wag muna pumila. Ititigil namin ‘yan pag nag-unahan kayo. Hihintayin namin kung kelan kayo magbe-behave.”
Ayon sa alkalde dahil sa napakadami ng recipients kailangang gawing sistematiko ang distribusyon, pero hindi sabay-sabay o biglaan lalo na nasa ilalim ng ECQ ang Maynila, ang pagdagsa ng tao ay mangangahulugan ng community transmission ng coronavirus.
“Ang amount per family is P4,000 at ipo-post ang beneficiaries araw-araw sa aking page para walang magka-tolonggesan,” sabi ni Moreno.
Ipinaliwanag ni Moreno na binigyan sila ng pagpipilian kung in kind o in cash ang ibibigay at pinili ng alkalde ang cash dahil nagbibigay ng mga pangangailangang pagkain ang lungsod sa kanilang residente sa ilalim ng food security program.
Bukod pa rito ay sinabi ng alkalde na ang bawat pamilya ay may kanya-kanyang pangangailangan kung kaya’y makabubuti na bigyan ito ng cash para mabili nila kung ano ang dapat nilang unahin. (ANDI GARCIA)
The post Pamimigay ng P4K na ayuda sinimulan na ni Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: