“ALAM kong galit kayo sa akin. Pero wala talaga akong magawa.” Ito ang salita ni Rodrigo Duterte sa kanyang lingguhang paglabas sa telebisyon noong Miyerkoles. Sa wakas nanggaling sa kanyang bibig na inutil siya upang harapin at sugpuin ang pandemya. Wala siyang magawa na matino upang tulungan ang milyong Filipino na naghihirap dahil sa kanyang kawalan kakayahan upang harapin ang pandemya.
***
NAKAKATAKOT si Duterte pagdating sa usapin ng pagkamkam ng China sa ating teritoryo sa West Philippine Sea. Mukhang tuluyan ng ibinenta ang Filipinas sa China. Noong Miyerkoles, dalawang bagay ang nilinaw: una, hindi niya paalisin ang mga saksakyang pandagat ng China sa WPS; at pangalawa, “malaki ang utang na loob natin sa China.” Dahil libre ang ibinigay na bakuna ng China, kailangan tanawin ito na “utang na loob.” Hindi na tayo papalag sa ginagawa ng China, ito ang malinaw na mensahe niya.
Baluktot ang lohika ni Duterte sa pag-aangkin ng China sa halos kabuuan ng South China Sea. Hindi niya kinikilala ang panalo ng Filipinas noong 2016 sa sakdal na iniharap ng Filipinas noong 2013 sa Permanent Arbitration Commission ng United Nations Conference of the Laws of the Seas (UNCLOS), ang pandaigdigang hukuman tungkol sa sigalot ng mga bansa sa usapin ng karagatan. Itinapon ng hukuman ang teoryang Nine-Dash Line na basehan ng China sa pag-angkin ng South China Sea at itinuring itong isang kathang isip lamang.
Maliban kay Duterte na kamping-kampi sa China, itinuring ng international community na bahagi ng international law ang desisyon ng UNCLOS Permanent Arbitration Commission. Ito ang batayan upang malayang maglakbay ang mga sasakyang pandagat ng iba’t-ibang bansa, kasama ang Estados Unidos, sa South China Sea. Ito ang karagatan kung saan mahigit $5.3 trilyon ng kalakal taon-taon ang dumadaan.
***
NOONG panahon ng gobyerno ni Cory Aquino, iisa ang panawagan: Repormahin ang Armed Forces of the Philippines (AFP). Uso ang kudeta at hindi matatag ang poder ni Cory Aquino. Maraming sundalo ang pinasok ng hangin ng pulitika ang ulo. Gusto sila ang mamuno gayung hindi sila marunong magpatakbo ng gobyerno.
Apat ang sangay ng AFP noong panahon ni Ferdinand Marcos at umabot ang ganito kay Cory Aquino: Army, Navy, Air Force, at PC-INP. Magkasama sa Philippine Constabulary- Integrated National Police ang mga constable at pulis na inalis ni Marcos sa kamay ng mga LGUs. Bahagi ito ng militarisasyon sa ilalim ng batas militar ni Marcos. Noong 1991, inalis ng Kongreso ang PC-INP sa AFP at inilagay sa isang organisasyon bilang Philippine National Police (PNP).
Sinunod ng gobyernong Cory Aquino ang probisyon ng Saligang Batas ng 1987. Ang PNP ang sagot sa probisyon ng Konstitusyon na magkaroon ng isang organisasyon ng mga pulis sa buong bansa at kailangan ito ay sibilyan ang karakter. Ngayon, magkahiwalay ang AFP at PNP. Sibilyan ang PNP at militar ang AFP.
Sa tatlong dekada, pumaimbulog ang PNP. Ngunit hindi ito ang pambansang organisasyon ng mga sibilyan na pulis. May mga pananaw na naging bahagi ang maraming mga pulis ng mundo ng mga kriminal. Naubos ang mga kriminal sa “underworld” at ang mga pulis ang humalili bilang underworld ngayon, ayon sa mga pag-aaral sa PNP.
Sa talakayan kamakailan ni Sonny Trillanes at 200 alumni ng Ateneo University, prangkang inamin ni Trillanes na 90% ng mga pulis ang hindi nakakaalam sa gawain bilang pulis. Hindi sila marunong magsiyasat ng mga krimen. Mas alam nila na tumayo bilang bodyguard ng mga kilalang tao tulad ng mga pulitiko. Hindi maunlad ang kanyang kakayahan at kaisipan sa pagganap ng mga tungkulin ng isang pulis, aniya.
Nagtataka si Trillanes na mas alam ng mga pulis ang mga raket sa kanilang lugar. Sumisigla ang usapan kapag raket na ang tinatalakay, aniya. May mga pahiwatig ang dating mambabatas na ito ang naging mundo ng maraming pulis. Ayon sa mga social scientist, pangkaraniwan na raket ng mga pulis ang pagpapatakbo ng mga ilegal na sugal tulad ng jueteng at tupada (sabong). Mukhang bahagi ng mundo ng krimen ang maraming pulis.
Binanggit ni Sonny Trillanes ang kaso ni Arthur Lascanas, ang bumaligtad na opisyal ng PNP sa Davao City. Noong una, pumapatay ang grupo ni Lascanas ng hindi pinaplano. Nang natutuhan nila ang pagpatay, tumanggap kalaunan ang kanyang grupo ng mga kontrata sa pagpatay. Pumasok na sila sa “contract for killing,” aniya.
Kasama sa kanyang mungkahi ng reporma sa PNP ang pagbabalik ng oryentasyon ng mga pulis sa kanilang orihinal na mandando sa ilalim ng batas ng guamawa ng PNP – pagpapatupad ng batas, pananatili ng katahimikan at katatagan sa komunidad, at pagpapalakas sa kakayahan sa gawain ng mga pulis tulad ng pagsisiyasat. Kailangan maialis ang utak kriminal ng mga pulis.
Sapagkat maraming pulis ang kasama sa madugo ngunit bigong digmaan kontra ilegal na droga, ipinapanukala ni Sonny Trillanes ang masusing pagsisiyasat sa kanilang pagkakasangkot sa mga operasyon kung saan may mga nangamatay. Dapat malaman ang lalim ng pagkakasangkot sa mga patayan. Kailangan pag-aralan ang kultura ng “nanlaban” na nauwi sa maramihang patayan sa mga hinihinalang kasangkot sa digmaan kontra droga, aniya.
Ito ang paraan ni Sonny Trillanes upang tuldukan ang pagkakabulid ng mga pulis sa gawaing kriminal. Ang itinalagang tagapagtanggol na katarungan ang dadalhin mismo sa hustisya. Hindi maaari na basta isasantabi ang nangyaring patayan sa ilalim ng administrasyong Duterte. Hustisya sa mga pinatay at reporma sa PNP ang dapat sundin.
Hindi sa PNP nagtatapos ang reporma, ani Sonny Trillanes. Kailangan repormahin ang AFP. Hindi puede paghiwalayin ang dalawang sangay ng mga tagapagpatupad ng batas. Kailangan ang reporma sa AFP upang may kakayahan na harapin ang mga kalaban mula sa ibang bansa.
***
MASAHOL pa sa payaso si Solicitor General Jose Calida sa kanyang pagharap sa oral argument sa Korte Suprema. Pagkatapos niyang paulanan ng iba’t-ibang paratang at tawagin na “komunista” si Neri Colmenares at ibang cause-oriented group, umupo siya. Iniwan ang pangangatwiran sa kanyang mga alalay na mananaggol sa Office of the Solicitor General ang pagsagot sa mga tanong ng mga mahistrado. Hindi siya sumagot ng mga tanong.
Masyadong bilib sa sarili si Jose Calida. Alam ng marami sa komunidad ng mga abogado na hindi magaling sa batas si Jose Calida. Alam nila na naglalakad lamang ng kaso si Calida. Fixer, sa maikling salita. Taga-ayos, sa Tagalog.
***
BABAHA ng bakuna sa Hunyo, ayon kay Carlito Galvez. Darating sa Hunyo ang Moderna – 194,000 doses; Sinovac – 4.5 million doses; Sputnik V – 2 million; at AstraZeneca (private sector) – 1.3 million doses; COVAX (Pfizer) – 2,355,210 doses. Tingnan natin.
***
Email:bootsfra@yahoo.com
The post Repormahin ang PNP appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: