Facebook

Sablay na naman ang diskarte ng Kongreso

“MUKHANG over-acting at maling-mali talaga ang ginawang pagtapyas ng Kongreso sa maintenance fund ng Department of Public Works and Highways (DPWH) samantalang ang milyones na kuwartang nakalaan sa tinaguriang ‘pork barrel’ ng mga mambabatas ay nananatiling di natitinag at nadaragdagan pa!”

Ito ang hinaing ng ilang sektor partikular na ng mga pamilya ng libu-libong constructions workers na napilitang i-lay off o tanggalan ng hanapbuhay at pagkakakitaan ng DPWH dahil sa wala ng ipapasuweldo sa mga ito.

Marahil ay hindi gaanong napag-aralan ng House of Representatives ang aksyong ito sa budget cut ng maintenance fund ng naturang sangay ng pamahalaan.

Sa biglang tingin kasi, ‘noble move’ ito ng ating mga mambabatas ngunit kung sadya at masinop na susumahin at pag-aaralan ay malaking perwisyo ang dala nito sa nakakaraming sektor ng lipunan kumpara sa perang matitipid ng pamahalaan.

Una, apektado ng malaki ang mga proyekto ng DPWH pagdating sa repair at maintenance ng mga pangunahing lansangan sa buong Metro Manila.

“Sa repair and maintence aspect pa lamang po ‘yan, wala pa ang tungkol sa improvements ng mga infras na vital at napaka-importante rin po.

Road users po, mga motorista at ang publiko ang nalalagay sa alanganin at peligro ang buhay kung hindi maisasaayos ang ating mga kalsada na sa araw-araw ay ginagamit ng daang libong sasakyan mostly heavy vehicles na gamit sa pagtransport ng mga produktong komersiyal na ang pinagmumulan ay sa pier sa Maynila patungo sa iba’t ibang destinasyon sa Kalakhang Maynila at iba pang panig ng Luzon.

Imbes na makatipid ng malaki kung may maintenance works na gagawin sa mga pangunahing kalsadang ito upang mamintine ang road worthiness , gugugol at lalamon ng mas malaking pondo kung ganap na mawawasak ang mga ito dahil sa “wear and tear effect” sanhi ng kawalang pondo sa maintenance works.

Mga kalsadang gaya ng EDSA, Roxas Boulevard, Ninoy Aquino Avenue (formerly Sucat), Quezon Avenue, Commonwealth at mga kahalintulad na lansangan na pawang main arteries at kumukunekta sa iba’t ibang lungsod at bayan ng Metro Manila at suburbs.

Malaking perwisyo at abala rin ito sa travel time kung sira-sira at lubak-lubak na ang mga pangunahing kalsadang ito sa ekonomiya at kalakalan.

Ang delay sa movements ng mga ibinibiyaheng kalakal o yaong tinatawag na essential commercial goods ay milyong piso ang katumbas na kalugihan sa ekonomiya on a day to day basis.

Wala pa dito ang impact sa mga araw-araw na bumibiyaheng mga obrero natin kung ang mga ito ay mababalam sa kanilang pagpunta sa kanilang mga trabaho dulot ng trapiko at poor road conditions.

Matatapon sa basurahan ang efforts ng gobyerno para mapaluwag ang EDSA sa matinding trapiko dahil nga sa posibleng magdeteriorate ang mga pangunahing lansangan natin dahil sa kakulangan sa maintenance fund na tinapyas ng Kongreso.

Ang isa pang concern ay ang kalidad ng gagawing repair sakali ngang mapagkasya ang kakarampot na pondo ng DPWH.

Magsasakripisyo panigurado ang kalidad ng repair works dahil sa kakulangan sa perang ipambibili ng kakailanganing materyales.

Ang ‘papogi move’ na ito ng ating mga kongresista dahil sa mage-eleksyon na naman ay sadyang sablay at palpak kung sisilipin ng masinop at maigi dahil mas maraming dala itong perwisyo kesa kapakinabangan sa mamamayang Pilipino.

***

PARA SA INYONG KOMENTO,REAKSYON AT SUHESTIYON,MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP NO.0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com

The post Sablay na naman ang diskarte ng Kongreso appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Sablay na naman ang diskarte ng Kongreso Sablay na naman ang diskarte ng Kongreso Reviewed by misfitgympal on Abril 26, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.