Facebook

“Intel at discretionary funds, dapat bawasan o alisin na”

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Sinabi ni Jesus…`Pagsumikapan ninyong pagharian kayo ng Diyos, at tuparin ang Kaniyang mga utos, at ibibigay sa inyo ang lahat ng kailangan niyo’…” (Mateo 6:33, Ang Tanging Daan Bibliya).

***

INTELLIGENCE AT DISCRETIONARY FUNDS NG GOBYERNO, DAPAT BAWASAN, O ALISIN, AT GAMITIN NA LAMANG SA COMMUNITY PANTRIES: Dapat bawasan, o di kaya ay tuluyan ng alisin na muna, ang mga bilyon-bilyong pisong intelligence at discretionary funds ng maraming mga ahensiya at mga pinuno ng pamahalaan, kasama na ang militar at kapulisan. Sa halip, gamitin na lamang ang mga pondong ito, sa agarang pagtatayo ng iba pang mga community pantries o sa ibang proyekto para sa tao, sa buong bansa.

Sa layuning ito, kailangan na ding higpitan ng iba’t ibang mga tanggapan ng gobyerno ang paggastos nila ng pera ng bayan, upang kundi man maalis na din ng tuluyan, ay mabawasan man lamang, ang korapsiyon sa mga pondo ng pamahalaan. Ito ang ipinapanukala ng mga dalubhasa sa ekonomiya sa kanilang pakikipag-usap sa Kakampi Mo Ang Batas, noong umaga ng Huwebes, Abril 22, 2021.

Kung sa pamamagitan ng kahit na maliliit na pondo lamang ay nakakapagtayo na ng community pantries ang ilang mga tao o grupo, at epektibo na nilang natutugunan ang pangangailan sa pagkain kahit na sa isang araw lamang ng mga Pilipinong naghihirap o nadiskaril ang trabaho at kabuhayan dahil sa covid 19, tiyak magiging mas makakatulong ang mga pondong malilikom mula sa pagbabawas o pag-aalis na nga ng mga intelligence at discretionary funds ng gobyerno, ayon din sa mga dalubhasa.

Sinabi nila na ang paggamit ng mga intelligence at discretionary funds ng gobyerno upang maipambili ng bigas, gulay, o iba pang batayang pagkain sa araw-araw ng mga maliliit na Pilipino, ay makakatulong ng malaki upang mapigilan ang korapsiyon, at upang maibalik ang tiwaia ng marami sa gobyerno. Ito ay dahil sa mga produkto gagamitin ang pondo, hindi sa kung ano-anong proyektong di nakikita ng sambayanan.

***

KORAPSIYON SA PAGGAMIT NG MGA INTELLIGENCE AT DISCRETIONARY FUNDS MABABAWASAN, KUNG GAGAMITIN PARA SA MGA TAO: Agad namang umani ang panukalang ito ng suporta mula sa iba pang mga netizens, na tinawagan ng Kakampi Mo Ang Batas (KMAB) para sa isang informal survey sa isyu. Sa mga netizens na tumugon sa tawag ng KMAB, nubenta’y nueve porsiyento ang nagsabing sumasang-ayon sila sa panukalang bawasan o alisin na muna ang mga intelligence at discretionary funds ng pamahalaan, lalo na at nakikita namang hindi nagagamit ang mga ito sa pinagla-anan sa kanila.

Bunga ito ng mga pagbabawal mula sa mga protocols o quarantine restrictions ng Covid 19. Mas makakabuting magamit ang mga pondong ito, na nagmula din naman sa buwis ng mga pilipino, sa mga proyektong direktang pinakikinabangan agad ng mga tao, gaya ng community pantries. Mas maganda ito kaysa sa ginagamit ang mga pondo ng mga opisyales na hindi ang interest o kapakanan ng taumbayan ang nasa kanilang isipan.

Sa isyu naman ng pagbabawas o di kaya ay pagtigil ng korapsiyon o tiwaling paggamit ng pondo ng gobyerno ng ilang mga corrupt officials, hindi naman maitatatwa na nananatili ang korapsiyon, noon at hanggang ngayon. Sa paningin ng mga dalubhasa, ang pagpapatuloy ng korapsiyon at katiwalian sa gobyerno ay madalas ng pinatototohanan ng Pangulong Duterte mismo, sa kaniyang maraming pagpapahayag sa publiko.

Sa isang ulat naman ng mga international agencies na nagmamasid sa mga katiwalian sa gobyernong pilipino, sinasabing halos 50% ang napupunta lamang sa bulsa ng mga tiwaling opisyales, at sa bulsa ng kanilang mga kasabwat na mga tiwali ding contractors. Kung hihigpitan ang paggamit ng pondo ng gobyerno at itututok ang mga ito sa mga proyektong kita agad ang resulta gaya ng community pantries, mababawasan ang maibubulsa ng mga tiwali, sabi din ng mga netizens.

***

TULONG NG GOBYERNO SA MGA MAY ONLINE BUSINESSES SA NGAYON, IPINANUKALA: Muli ding ipinanukala na naman ng mga netizens ang pagiging mas malikhain ng gobyernong Duterte sa paghahanap ng iba pang mga proyektong may direktang pakinabang ang mas nakakaraming mga Pilipino, sa mga kalunsuran at sa mga lalawigan, at kanayunan, sa harap ng pandemyz.

Bagamat may mga kahalintulad ng pagkilos ang ilang sektor ng pulisya at militar at ng iba pang mga ahensiya ng pamahalaan lalo na sa community pantries, marami pang ibang mga pagkilos at solusyon ang pupuwedeng gawin ng mga nasa gobyerno, ayon sa mga netizens. Ang isang pinupunto nila ay ang malawakang pagsusulong ng urban gardening sa mga nasa tahanan sa ngayon, na pupuwedeng maumpisahan sa pamamagitan lamang ng napakaliit na pondo ng gobyerno.

Maaari ding pag-aralan ng gobyernong Duterte ang pagtatalaga ng isang grupong kinabibilangan ng mga dalubhasa mula sa gobyerno at sa pribadong sektor. Paghahanap at pagpatupad ng mga immediate o short term programs and solutions ang layon sa grupong ito, gaya ng paggawa ng mga paper bags o ibang supplies, at pagtulong o suporta sa mga mayroon ng mga online businesses, upang sila at ang kanilang mga produkto ay makilala at maeng-ganyo ang kanilang mga ka-barangay o kapitbahay na sa kanila na sila bumili.

Pupuwede ding ikonekta ang mga online businesses na ito sa mga supermarkets upang doon maipagbili ang kanilang mga produkto. Kailangan lang ng bukas na isip ng mga taong gobyerno, dagdag pa ng netizens.

***

REAKSIYON? TANONG? Telepono: 0947 553 48 55. Email: batasmauricio@yahoo.com.

The post “Intel at discretionary funds, dapat bawasan o alisin na” appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
“Intel at discretionary funds, dapat bawasan o alisin na” “Intel at discretionary funds, dapat bawasan o alisin na” Reviewed by misfitgympal on Abril 26, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.