Facebook

Si Badjao at si Buloy!

“PAKNER in crime” kung tawagin sina alias Buloy at Badjao ng Batangas City. Sila ang kilalang kilabot na lider ng sindikatong buriki na nagkukuta sa Brgy. Wawa, ng naturang lungsod. Walang sinumang pinuno ng kapulisan ang nakasupil sa operasyon nina Badjao at Buloy.

Ang tinutukoy nating Badjao ay ang nagpapakilalang lider ng tribung Badjao, isang grupo ng etnikong Muslim na biktima ng lagim ng digmaan sa pagitan ng millitar at ng mga kapatid na sesisyonistang Muslim sa Mindanao.

Sa hangad naman na matakasan ang pinsala, kamatayan at upang mabuhay ng payapa ay nagsilikas mula sa Mindanao ang marami sa mga Badjao noong dekada 90’s, at ipinadpad ng kapalaran sa ibat-ibang bahagi ng CALABARZON, karamihan sa mga ito ay mapalad na makarating ng Batangas City.

Dalawang kamay naman ang mga itong tinanggap nang noon ay Batangas City Mayor, Eduardo Dimacuha. Sa pagnanais ng alkalde na mabigyan ng disenteng pamumuhay ang may 30-katao pa lamang na Badjao ay pinaglaanan ang mga ito ng alkalde ng isang pamayanan na ngayon ay kilala na sa tawag na “Badjaowan.”

Ang “Badjaowan” ay nasa Brgy.Wawa. Sa lugar na ito ngayon, nagkukuta ang grupo ng kilabot na sindikato ng magbuburiki na sina Buloy at Badjao.

Pero ang totoo, likas na mabababait at masunurin sa batas ang mga Badjao. Angking katangian ng mga kalalakihang Badjao ang kasanayan sa paninisid ng perlas, pamamana (spear fishing), pangangawil, at iba pang uri ng mapanganib na hanapbuhay sa karagatan.

Ngunit biglang nabago ang pananaw ng karamihan sa mga Badjao nang mula sa orihinal na bilang ng mga itong 30-katao ay mabilis na nadagdagan mga ito at ang dati ay masisipag din na mga Badjao ay natutong mamalimos sa mga lansangan na para sa marami sa kanila ay isa sa maalwan at mabilis na pagkakitaan.

Sa puntong yaon pumasok si alias Buloy, isa sa tatlong malalaking operator ng sindikato ng buriki na sangkot sa pagnanakaw ng produktong petrolyo tulad ng gasolina, krudo, oil product at kerosene sa Batangas City Bay.

Liban sa pagiging buriki operator isa ring gun runner at lider ng isang grupo ng killer for hire si Buloy. Isa sa sensational na kasong tinarabaho nina Buloy ay ang pagkakapatay kay Batangas Varsitarian, Batangas City Vice President, Reymar Cantos Caballero.

Si Caballero na tanyag din sa pangalan Jao, ay nanunungkulang hepe ng tanod ng Brgy. Wawa nang ito ay barilin ng malapitan ng dalawa sa tatlo-kataong mamamatay tao,habang iginagarahe nito ang kanyang motorsiklo sa kanilang tirahan sa nasabi ring barangay.

Dalawang katao ang naaresto nang noon ay tauhan ni Batangas City Police Chief, LtCol. Julius C. Anonuevo. Ngunit di nadakip ang mastermind. Naniniwala ang mga kaanak ng biktima at ang Asosasyon ng Batangas Varsitarian na si alias Buloy ang nasa likod ng pamamaslang kay Caballero. Suspetsa din nila na ang dalawang arestadong suspek ay parehong “fall guy” lamang.

Si Buloy din ang umengganyo sa kinikilalang pinuno ng mga Badjao na sumosyo sa kanya at pasukin ang pagtatakbo ng iligal na hanapbuhay sa karagatan. Kaya mula sa pagiging mababait at masunurin sa batas na Badjao ay naging mga miyembro ng buriki gang, mga magnanakaw ng petroleum product sa ilalim nina Buloy at ng kanilang lider ng tribu na si alias Boy Badjao.

Kaya marami sa dati ay maninisid lamang ng perlas, mamamana at ordinaryong mangingisdang mga Badjao ay kinalimutan ang mahirap nilang hanapbuhay at naging katuwang na nina Buloy at Boy Badjao sa pamimili ng nakaw na petroleum product sa crewman, opisyales at kapitan ng mga barkong ocean-going at domestic vessel na naka-angkorahe at nakadaong sa Batangas City Bay .

Suki din ng mga sakay ng motorized banca na mga Badjao ang mga tripulante ng mga nakadaong na barko sa Batangas City Pier, Brgy. Sta Clara, Bauan Pier, Keppel at AG&P private ports sa munisipalidad ng Bauan, Mabini Port at mga pribadong pantalan na nasasaklawan ng Batangas City Bay.

Bagyo talaga si Buloy sa mga awtoridad, katunayan may dalawang linggo pa lamang halos ang nakararaan ay ni-raid ng mga pulis ang bahay ni Buloy sanhi ng impormasyon na nag-iingat din ito ng mga di -lisensyadong baril.

Sinalakay ng mga pulis ang bahay ni alias Buloy sa Brgy. Sta Clara, Batangas City at nakumpiska sa bisa ng search warrat ang dalawang .45 pistol. Ngunit sa halip na si alias Buloy ang kasuhan ay isang tauhan nito lamang ang ipinagharap ng sakdal sa korte.

Batay sa ating police insiders, malaki ang posibilidad na ang nasamsam na baril kay Buloy ay ang mismong sandata na ginamit sa pagpatay kay Caballero.

Napag-initan nina Buloy at Badjao si Caballero nang sitahin ng huli at pagbawalan na padaanin sa Brgy. Road ng Wawa ang tanker truck na naghahakot ng nakaw na krudo na iniipon sa “Badjaowan.”

Dalawang beses kada isang linggo ay hinahakot ng tanker truck na pag-aari ng isang police colonel ang mga iniipon na nakaw na produktong petrolyo sa kuta ng sindikato sa “Badjaowan”.

Nanangamgamba si Caballero na mapaghinalaang kasapakat ito at ang mga kapwa nito barangay official sa labag sa batas na operasyon nina Buloy at Badjao kaya pinagbawalan nito na pumasok sa kanilang barangay ang mga tanker truck na naghahakot ng mga nakaw na produkto.

May isang linggo lamang matapos na sitahin ni Caballero ang grupo nina Buloy ay nilikida na ang pobreng tanod chief ng tatlong armado ng .45 na pistola na mga kalalakihan. Ganyan kaimpluwesnsya si alias Buloy sa tulong ng kanyang police colonel na protektor.

Kaya tuloy lang ang ligaya nina Buloy at Badjao sa kabila ng pandemyang kinakaharap ng mga mamamayan ng Batangas City. Tunay naman na “nasa tungki lamang ng ilong” ng kapulisan ang labag sa batas na operasyon na pinagkikitaan nina Buloy at “Badjao”.

***

Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com.

The post Si Badjao at si Buloy! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Si Badjao at si Buloy! Si Badjao at si Buloy! Reviewed by misfitgympal on Abril 04, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.