Facebook

Starhorse Shipping, ginigipit ni Masbate Gov. Kho?

HOT topic ngayon ang dalawang controversial resolution ng Sangguniang Bayan ng San Pascual na ayon sa ating sources ay ipinasa dahil umano sa pang-uudyok nina Mayor Maxim Lazaro at Masbate Governor Antonio Kho.

Sa resolusyon, hinihiling ng Sanggunian sa Maritime Industry Authority (MARINA) na kanselahin nito ang missionary route license ng Starhorse Shipping Lines Inc. (SSLI) na nakabase sa Lucena City, Quezon.

Ayon sa Sanggunian, mula noong Marso hanggang Hunyo 2020 at noong Disyembre ay hindi na bumiyahe ang RORO vessel ng SSLI, ito ay sa kabila na alam na alam ng vice mayor at ng mga konsehal na sinuspinde ng gobyerno ang operasyon ng mga barkong pampasahero dahil sa ipinaiiral na ECQ noong panahong iyon.

Dahil ECQ nga noon, obligado sila, sabi ni Ms. Merian Reyes, owner-CEO of Starhorse, na itigil ang operasyon ng kanyang RORO vessel, pero nang magsisimula na silang mag-operate uli, ano ang ginawa ni Gov. Kho?

Lahat ng Masbate ports to RORO vessels ay iniutos ni Gov. Kho na mag-operate uli, maliban raw sa pantalan ng San Pascual na ruta ng mga barko ni Ms. Reyes.

Kaya ito ginawa ng gobernador, ayon sa mga ulat, ay dahil sina Kho at Lazaro ay kakumpetensiya umano ng Starhouse sa rutang San Pascual.

Kapwa raw may mga barko sina Lazaro at Kho na bumibiyahe sa ruta ng Starhouse ng SSLI!
***
Ano ba itong missionary route license na ibinibigay ng MARINA at ng Department of Transportation (DOTr)?

Ito ay isang missionary route license exclusivity of service sa isang ruta o biyahe sa malalayong lugar na madalas ay dumadanas ng malaking lugi ang isang shipping company dahil sa malayo at mapanganib na pagbibiyahe sa dagat.

Isa sa dahilan kaya pansamantalang sinuspinde ng SSLI ang ruta dahil ang RORO ship nito, ang Virgen Penafrancia VI ay pinasabugan ng isang rifle grenade noong February, 2020.

Kinailangan na kumpunihin ang nawasak na Virgen Penafrancia VI at kung sino ang may kagagawan ng misteryosong pagpapasabog ay hindi pa rin matukoy ng pulisya.

Bago raw nangyari ang pagsabog, ilang lalaki ang humingi ng “lagay” o protection money kay Ms. Reyes na ito ay mariin niyang tinanggihan.
***
Teka, ayon sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Practices Act of 1960, ipinagbabawal sa mga public official tulad nina Gov. Kho at Mayor Lazaro ang magpatakbo ng negosyo sa kanilang nasasakupang lokalidad.

May batas din tayo na inoobliga ang mga tulad nina Kho at Lazaro na mag-divest ng kapital at posisyon sa kanilang negosyo habang nasa serbisyo publiko.

Sa aking opinyon, maliwanag na ito ay tinatawag na conflict of interest at unfair competition, kasi direktang kalaban nina Lazaro at Kho sa negosyong RORO vessels si Ms. Reyes.

Maliwanag na makikita ito nang hindi pabuksan ni Kho ang pantalan ng San Pascual na ruta ng SSLI, kasi sila ay mayroon ding barkong bumibiyahe sa San Pascual.

Dagdag dito, inudyukan umano nina Lazaro at Kho ang Sangguniang Bayan ng San Pascual na magpasa ng resolusyon na hinihiling sa MARINA na bawiin ang lisensiya ng SSLI sa rutang San Pascual.

Kung pagbibigyan ng MARINA ang resolusyon ng Sanggunian, masosolo ng mga shipping vessels nina Kho at Lazaro ang rutang San Pascual at tuluyan nang magsasara ang SSLI.

Dahil sarado ang biyaheng San Pascual sa utos umano ni Gov. Kho, hindi makakabiyahe ang matitibay na barkong RORO ng SSLI.

Malungkot na resulta nito, mapipilitan ang kawawang Bikolano na gumamit ng bangka at batel para maglakbay sa panganib dahil sa malalakas at malalaking alon sa Masbate Strait.

Sana ay hindi malagay sa panganib ang buhay, kaligtasan at mga ari-arian ng mga Bikolanong constituents nina Gov. Kho at Mayor Lazaro!

Teka po, ayon sa RA 3019, may parusang mula sa 6 hanggang 15 taon ang parusang pagkabilanggo, dagdag ang perpetual disqualification at iba pang danyos sa isang public official na mapatutunayang nagkasala ng graft ang corrupt practices.

Ayon sa ating sources, may naiipong galit ang maraming botante ng Masbate sa ginawang resolusyon ng Sanggunian ng San Pascual, at ito ay magiging malaking isyu na haharapin nina Kho at Lazaro sa darating na 2022 local elections.

Sa paniniwala nila, ginigipit umano ni Gov. Kho at kaalyadong si Mayor Lazaro ang Starhorse na kakumpetensiya sa negosyo.

Wala pang opisyal na paliwanag sina Kho at Lazaro sa hot topic na ito at sa bantang paghaharap ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Practices Act ng ilang grupo ng mamamayan sa Masbate at Camarines Sur.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisma@yahoo.com.

The post Starhorse Shipping, ginigipit ni Masbate Gov. Kho? appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Starhorse Shipping, ginigipit ni Masbate Gov. Kho? Starhorse Shipping, ginigipit ni Masbate Gov. Kho? Reviewed by misfitgympal on Abril 04, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.