SUNUD-SUNOD na binabatikos ni Senador Panfilo Lacson ang korapsyon sa Department of Agriculture (DA).
Sabi ni Lacson, napakatindi ng korapsyon sa DA na maging ang pagkain ng mga pangkaraniwang tao ay mawawala dahil mga walang kaluluwang korap sa nasabing ahensiya.
Pokaragat na ‘yan!
Ang korapsyon sa DA na binabatirya ni Lacson ay ang “tongpats” sa mga produktong inangkat mula sa iba’t ibang bansa kung saan hindi lang karne ng baboy, kundi maging isda ay pinasok na rin ng mga korap sa DA.
Ang tongpats ay binaligtad na salita ng patong na ang kahulugan ay dagdag na kita na makukuha ng mga korap.
Ayon kay Lacson, mayroong “sindikato” sa DA na P6 bilyon ang nakakabig na kita sa importasyon ng karne ng baboy sa loob ng isang taon.
Pokaragat na ‘yan!
Mahigit isang bilyon naman sa pag-angkat ng mga isda ang nakukulimbat ng mga korap, pahayag ni Lacson.
Idiniin ni Lacson na napakatalamak na ng korapsyon sa DA kung saan kawawa ang pamahalaan dahil nababawasan ang kita nito, kawawa ang mga maliliit na negosyante dahil sa sobrang dami ng karne at isda ang ipinapasok sa bansa at kawawa rin ang mga pangkaraniwang tao dahil napakataas ng presyo ng binibili nilang mga produktong galing sa ibang bansa.
Sa unang tingin kahanga-hanga si Lacson sa ginagawa niyang ito dahil mukhang napakatapang niyang banggain ang sindikato sa DA at korap na mga opisyal at kawani na nakikinabang nang husto sa naturang sindikato .
Ngunit, kung susuriing mabuti ay walang kuwenta itong ginagawa ni Lacson, sapagkat hindi naman niya tinutumbok ang eksaktong pangalan ng mga korap sa DA.
Kung si Secretary William Dar ang puntirya ni Lacson, sabihin niya ng diretso na korap si Dar.
Kung hindi naman si Dar, banggitin ni Lacson ang mga korap na binabanggit niya.
Tumbukin niya ang utak at mga tauhan ng sindikato upang lumabas na pag-iingay sa Senado ang ginagawa ng mambabatas na ito.
Magiging kahanga-hanga si Senador Panfilo Lacson sa ibinunyag niyang sindikato sa DA at korap na mga opisyal at kawani na nakikinabang sa nasabing sindikato kung tutukuyin ng naturang senador ang kanilang mga pangalan.
Kaya, ang hamon ko kay Senador Panfilo Lacson ay tumbukin niya ang mga korap sa DA.
Kung walang mailalabas si Lacson na mga pangalan ay mabuti pang manahimik na lang siya kaysa mag-abang nang mag-abang ang mamamayan sa senador.
The post Tumbukin ni Lacson ang mga korap sa DA appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: