KINILALA ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ang kontribusyon at sakripisyong isinasagawa ng mga frontline health workers para sa mga mamamayan at sa bansa, ngayong panahon ng pandemya ng COVID-19, nang pangunahan ang paglulunsad ng dalawang bagong Malasakit Centers sa bansa, kasabay nang pagdiriwang ng Health Workers’ Day.
“First off, I would like to greet ng isang makabuluhang Health Workers’ Day ang ating mga health workers. Mula sa amin ni Pangulong Rodrigo Duterte, maraming salamat sa inyong sakripisyo, lalo na sa panahong ito,” ani Go, sa kanyang video message, sa launching ng ika-107 Malasakit Center sa bansa, na matatagpuan sa Luis Hora Memorial Regional Hospital (LHMRH) sa Bauko, Mountain Province nitong Biyernes.
Hinikayat din ng senador ang mga health workers na manatiling nakapokus sa kanilang duty at tiniyak sa kanila ang walang kapagurang commitment ng pamahalaan na isulong ang kanilang kapakanan, sa gitna ng serbisyo at sakripisyong isinasagawa nila upang makapagligtas ng buhay ngayong may pandemya.
“Alam namin na hirap na kayo, hirap rin kami ni Pangulo pero kayo ang nagbibigay ng lakas sa amin para paigtingin pa namin ang aming pagseserbisyo upang malampasan natin ang pandemyang ito,” aniya. “Pakiusap namin, huwag ninyong pabayaan ang ating mga kababayan, lalo na ‘yung mga mahihirap, ‘yung walang matakbuhan at malapitan ngayong panahon ng pandemya.”
Pinasalamatan din naman niya ang mga health workers mula sa iba’t ibang panig ng bansa dahil sa pagtugon ng mga ito sa panawagan na magboluntaryo sa mga lugar na nangangailangan ng karagdagang medical personnel.
“Alam namin na kulang ang mga health workers kaya tayo nanawagan para magboluntaryo… at maraming mga taga-Cebu at Region VII ang tumugon sa ating panawagan. Talagang nakikita natin ang bayanihan spirit sa panahong ito,” aniya pa.
Tiniyak rin naman niya sa mga health workers na pinaiigting pa ng pamahalaan ang vaccine rollout upang mabigyan ng proteksiyon ang mga frontliners, at maiwasan na ang pagkakaroon ng malalang COVID-19 cases, upang masigurong maayos ang takbo ng health care system sa bansa.
Nabatid na ang LHMRH ang ikaapat na pagamutan sa Cordillera Administrative Region (CAR) na nagbukas ng sarili nitong Malasakit Center.
Bukod naman sa LHMRH, binuksan din ang ikalimang Malasakit Center sa CAR sa kasabay na araw sa Conner District Hospital sa Conner, Apayao.
Samantala, upang ipakita ang kanyang pagpapahalaga sa serbisyo ng LHMRH, namahagi ang mga personnel ni Go ng mga pagkain, food packs, vitamins, masks at face shields sa kabuuang 650 health workers at 136 pasyente, habang tinitiyak na istriktong naoobserbahan ang health at safety protocols.
May mga piling health workers din ang binigyan ng bagong pares ng sapatos o bisikleta para magamit sa pagpasok sa trabaho, habang ang iba naman ay nakatanggap ng computer tablets na magagamit ng kanilang mga anak sa blended learning activities ng mga ito. (Mylene Alfonso)
The post 2 Malasakit Centers, inilunsad sa Health Workers’ Day appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: