MULING binati ni Manila Mayor Isko Moreno ang nasa likod ng programa ng pamahalaang lungsod na mass vaccination sa patuloy na paggawa ng record sa dami ng mga indibidwal na nabakunahan sa loob lamang ng isang araw.
Ayon kay Moreno, ang bagong record na 21,824 ay naitala noong May 29. Ito ay sa kabila na ang bilang ng bakuna ay limitado lamang sa 1,300 doses kada isa sa 12 vaccination sites na sabay-sabay na nagbukas ng nabanggit na araw.
Tulad din ng ibang bayan at siyudad, ang Maynila ay nakaasa lang din sa ibibigay na bakuna ng national government.
Ayon sa alkalde, ay mas marami pa sanang mababakunahan ang pamahalaang lungsod kung may steady supply ng vaccines.
Ipinagkakapuri ni Moreno ang dedikasyon ng mga opisyal ng lungsod, gayundin ng mga kawani na direktang tumutulong sa mass vaccination program, partikular sina Vice Mayor Honey Lacuna, Manila Health Department sa pamumuno ni Dr. Arnold ‘Doks’ Pangan at ang Manila Disaser Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa ilalim ni Arnel Angeles, at iba pa.
Ayon pa kay Moreno, nagamay na ng vaccinating teams ang sistema ng pag babakuna kung kaya’t naging maayos at mabilis ang proseso nito.
Pinuri din ng alkalde ang mga kawani sa likod ng vaccination program na hindi nagrereklamo kahit magtrabaho ang mga ito ng diretsong 14 na oras sa tuwing may sapat na supply ng bakuna na ituturok sa mga interesado tuwing weekends at holidays.
Sa mga nasabing araw, ang 18 vaccination sites ay nagsisimula ng kanilang operasyon mula alas- 6 ng umaga hanggang alas- 8 ng gabi.
Kung minsan ay nagi-extend pa ang oras ng operasyon ng vaccination sites kapag marami pa ang nakapila.
Ang kabuuang bilang ng naibigay ng bakuna ng Maynila ay umabot na ng 246,601 hanggang May 28.
Ang Maynila ang siyang nanguna sa National Capital Region (NCR) bilang lungsod na may pinakamaraming nabakunahang indibidwal sa pinakamaiksing panahon at ito ay base sa NCR Overall Summary report ng Regional Vaccination Operations Center. (ANDI GARCIA)
The post Bagong record sa dami ng nabakunahan, ginawa uli ng Maynila — Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: