ANG nagawa ng bagong PNP Director General Guillermo T. Eleazar na pagpapatigil ng operasyon ng iligal na pasabong na lalong kilala sa tawag na tupada sa buong bansa ay hindi kailanman nagawa ng mga naunang nanungkulang pinakamataas na pinuno ng Pambansang Kapulisan.
Bago maupo sa kanyang pwesto bilang pinuno ng may 220,000 opisyales at miyembro ng Philippine National Police (PNP) si PDR Eleazar, ay kaliwa’t-kanan ang operasyon ng mga di lisensyadong sabungan sa halos lahat na sulok ng bansa.
Bagamat nasa gitna ng pandemya ang kapuluan, ay palasak naman ang operasyon nito sa Metro-Manila, ibat-ibang bahagi ng Kalakhang Luzon tulad ng mga Region 1, 2, 3 , 4-A, 5, pati na sa Visayas at Mindanao.
Bigo ang halos lahat na nanungkulang PNP Chief na sugpuin ang tila sakit na cancer na tupada.
Kung tutuusin naman ay napaka-simple at napaka-dali lamang sanang supilin ng operasyon ng tupada kung ginagawa ng mga pulis at iba pang awtoridad ang kanilang tungkulin.
Ang problema, hindi na nga tinutupad ng marami sa kanila ang kanilang mandato bilang awtoridad, ay pinagkikitaan pa ng marami din sa mga ito ang patupada.
Ginagawang gatasan ng ilang hepe ng kapulisan at iba pang nasa katungkulan ang operasyon ng ilang tupada operator na karamihan ay mga maiimpluwensyang personalidad sa mga siyudad, bayan at barangay.
Mula sa maliliit na tupadahan hanggang sa organisadong patupada ay kalat sa mga lungsod, kabayanan hanggang sa pinakaliblib na barangay ang operasyon nito.
Totoo naman ang ang iniisip ng marami, kung saan naroon ang tupadahan ay malamang naroroon din ang mga kunsintedor na government at police officials, “namamantikaan ang mga nguso” ng mga ito ng mga operator ng tupadahan.
Karamihan ay mga alkalde, hepe ng kapulisan, barangay chairmen at iba pang opisyales ng gobyerno ang promotor pa ng iligal na pasabong..
Kaya nga ang utos ni Eleazar sa kanyang kapulisan ay ipatigil ang patupada at kung hindi magagampanan ang kanilang tungkulin ay “malilintikan” ang mga ito.
Sunod-sunod ang kontrobersya bunsod ng operasyon ng tupadahan sa lalawigan ng Batangas at Metro- Manila kamakailan.
Kabilang dito ang pagkamatay ng isang opisyonado ng tupada na natusok ng kawayan ang tiyan habang tumatakas mula sa patupada nang salakayin ng mga pulis ang illigal cockpit den ng ilang barangay officials sa Brgy. Soro-Soro Ilaya, Batangas City.
Ang biktimang si Romulo Guerra ng naturang barangay ay di na umabot ng buhay sa Batangas Medical Center kung saan isinugod ito ng mga tauhan ni Batangas City Police Chief, P/Lt. Col. Gerry Laylo.
May 12 namang sugarol ang arestado sa raid ngunit ang mga barangay officials na protektor ng tupadahan ay di kabilang sa mga naaresto.
Marami pang mga tupadahan ang noon pa man ay nag-ooperate na sa lalawigan ng Batangas, ngunit sa paniniwalang naglalagay ang operator nito sa ilang lokal, barangay at kapulisan ay lalong naging talamak ang operasyon nito. Pinakabantog sa Batangas ang malakas na tupadahan na pinatatakbo ng isang alias Bedung sa bayan ng Taysan.
Bukod sa tupada, nagpapatakbo din ng jueteng si alias Bedung at isang alias Zalding Konti sa nasabi ring munisipalidad.
Ilan pang mga tupadahan ang dati na ring pinatatakbo sa mga siyudad ng Tanauan, Lipa at mga bayan ng Balayan, Calaca, Nasugbu, Tuy, Lian, Malvar at Padre Garcia.
Ang 18-anyos naman na Person with disability (PWD) na si Edwin Arnigo, ay napatay matapos na tangkain daw na mang-agaw ng baril ng isang pulis sa Valenzuela City kasunod sa raid ng tupadahan sa nasabing siyudad.
Nasakote naman ang isang barangay captain sa lalawigan ng Laguna nang salakayin ng pulisya ang isa ding tupadahan sa naturang probinsya.
Kaya tama lamang ang ginawang pagsibak ni Eleazar sa puwesto kay Batangas Provincial Director, P/Col. Rex Arvin T. Malimban. Si Malimban ay pinalitan sa pwesto kamakailan din lamang ni P/Col. Glicerio C. Cansilao.
Marami pang PNP Regional, Provincial directors pati na ang police chief ng mga ito ang kailangang pagsisibakin ni Gen. Eleazar sa pwesto para tuluyan nang malusaw ang tupadahan sa bansa.
Napuno na nga marahil si Gen. Eleazar, kay totally-stopped na ang tupada. Pabor na pabor tayo sa utos ng heneral.
Sana nga maipatupad ng mga pulis at barangay officials ang atas ni General Eleazar at di na paulit-ulit na mangyayari na ang ilang mga pulis at opisyales ng barangay ang siya pang nagiging “mata” ng mga tupada operator. Kalimitan pa nga ay kasosyo ang mga ito sa operasyon ng tupadahan.
Kapag ganito ang naging senaryo, tiyak na “Isusumbong namin kayo kay General Eleazar!”
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com
The post Tupada crackdown ni Eleazar! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: