NAGPAHAYAG ng pag-asa si Senator Christopher “Bong” Go na magkakaroon din ng “liwanag sa dulo ng tunnel” lalo’t umaasa ang pamahalaan na makapagbabakuna ng 50 million katao laban sa COVID-19 sa Setyembre hanggang sa marating ang target na 70 million o herd immunity sa katapusan ng 2021.
“Bilisan natin ang ating vaccine rollout at ni isang dose ay hindi dapat masayang dahil talagang agawan ang supply ng bakuna. Paigtingin at pabilisin natin lalo ang pagbabakuna para ma-attain natin ‘yung herd immunity sa community bago matapos ang taon,” ang pakiusap ni Go sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno.
Sa panayam, iginiit ni Go ang kahalagahan ng pagmamantina pa rin ng disiplina at patuloy na pagsunod ng publiko sa health and safety protocols para mapigil ang pandemya habang nagpapatuloy ang pamahalaan sa vaccination campaign.
“Nakikita ko sa ibang bansa, gaya ng Israel at New Zealand, ay unti-unti nagiging zero cases na sila. Sa Israel, 81% na ang nababakunahan at nagtatanggal na sila ng mask. Ibig sabihin there is hope, there is light at the end of the tunnel,” ang sabi ni Go.
“Pero kung hindi tayo madidisiplina, maaaring tataas muli ang kaso. Look at what happened in India. Kahit nagbabakuna sila at manufacturer pa sila ng mga bakuna… tumaas pa rin ang kaso nila. Ibig sabihin, kailangan habang hindi pa natin na-attain ang herd immunity, ay huwag tayo magkumpyansa,” anang senador.
Si Go, chair ng Senate Committee on Health, ay umapela sa pamahalaan na gawin ang lahat ng makakaya sa pag-iimplementa ng rollout plan para matiyak ang ligtas, episyente at maayos na distribusyon at pamimigay ng bakuna.
“Dapat kahit saang sulok ng Pilipinas ay makakatanggap ng bakuna. Huwag po kayo mag-alala dahil parating na rin ang dagdag na doses. Sisiguraduhin nating walang maiiwan tungo sa ating muling pagbangon,” sabi ni Go.
Sinabi ng senador na regular siyang nakikipag-usap kay National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr. at Health Secretary Francisco Duque III na ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya para makabili o magkaroon pa ng karagdagang doses ang bansa.
“Nung dumating ang unang 500,000 doses (ng AstraZeneca) sa bansa, dahil alam naman natin na may expiration, nag-approve na ang Inter-Agency Task Force at pina-rollout agad para hindi maabutan ang expiration date,” paliwanag ni Go.
“Matatandaan natin mayro’n tayong kasunduan sa bansang India. Dahil lumaki ang cases nila, napurnada ang usapan… dahil kailangan rin nilang unahin ang kanilang nationals … but despite the challenges, sunod-sunod ang pagdating ng mga bakuna sa atin. Noong May 7, dumating ang two million doses ng AstraZeneca,” idinagdag niya.
Sa kasalukuyan, sinabi ng mambabatas na mayroon nang higit 3,000 vaccination centers sa bansa at 6.5 million ng 7.5 milyong reserbang doses COVID-19 vaccines ng gobyerno ang nai-deploy sa iba’t ibang lugar.
“Pinaghirapan ito ng gobyerno… Kaya dapat bilisan na. Ang ating local government units at pribadong sektor ay gusto rin tumulong. Sa akin naman, dapat makarating ito sa dulo, sa bawat sulok ng Pilipinas,” anang senador.
Kaya naman ang pakiusap niya sa mga namamahala ng vaccination sa iba’t ibang lugar ay wala dapat palakasan, walang VIP at mas lalong wala dapat pulitika sa pagbabakuna.
“Gusto ko pong bigyan ng pasasalamat ang mga local chief executives natin na sinusunod ang priority list na ating ipinapatupad. Ngunit, may nakakarating pa rin sa atin na mga balita na mayroon pang ilang nakakalusot,” ani Go. (PFT Team)
The post Bong Go: 70 million target mabakunahan sa katapusan ng 2021 appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: