Facebook

Bong Go: Agawan ang supply sa bakuna, ‘wag sayangin

PARA matiyak na magiging maayos ang implementasyon ng COVID-19 vaccines, iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na pabilisin ang pagbabakuna habang naghahanda ang pamahalaan sa mas malawak na pagpapatupad nito sa pinakamalaking populasyon ng bansa.

“Bilisan natin ang ating vaccine rollout. Huwag na sana tayo umabot sa punto na mae-expire ito dahil nandiriyan na ‘yung mga bakuna. Dapat nakaplano ito nang maigi, na wala pong masasayang, dahil talagang agawan ang supply ng bakuna. Paigtingin at bilisan natin ang pagbabakuna para ma-attain natin ‘yung herd immunity sa community,” ayon kay Go.

Sinabi ni Go na nagmamadali rin ang pamahalaan lalo’t ang bakuna ay may limitadong shelf life at may bagong nagbabantang variants ng virus na posibleng makabawas ng effectiveness nito.

“Siguraduhin dapat na maayos ang storage, walang masisira at walang masasayang na bakuna dahil pinaghirapan po natin ito,” idiniin ng senador.

“Sa mga kasamahan ko sa gobyerno, bilisan natin ang rollout, i-deploy na dapat sa iba’t ibang parte ng bansa, at siguraduhing ni isang bakuna ay walang masayang at magamit sa tama at wasto ayon sa ating ipinapatupad na vaccine program upang maproteksyunan ang buhay ng bawat Pilipino,” idinagdag niya.

Sinabi ni Go na marami pang parating na bakuna sa mga susunod na buwan kaya kung anuman ang mayroon tayo ngayon, magamit na dapat para maturukan ang mga natitirang frontliners, vulnerable at essential sectors lalo na sa critical areas kung saan mataas pa ang bilang ng kaso.

“Pagkatapos nito, dapat makarating ang bakuna sa kahit saang sulok ng bansa lalo na sa mga lugar kung saan hindi pa nga nila nasusulyapan kung ano ang bakunang ito. Siguraduhin nating walang maiiwan tungo sa ating muling pagbangon,” ani Go.

Muli siyang nakiusap sa mga namamahala ng vaccination sa iba’t ibang lugar na wala dapat palakasan, wala dapat pa-VIP at mas lalong wala dapat pulitika sa pagbabakuna.

“Kung sino ang dapat mauna, iyon dapat ang maturukan agad,” iginiit ng mambabatas.

“Para naman doon sa parte ng priority sectors, bagamat hindi namin kayo mapipilit, nakikiusap ako na magtiwala po kayo sa bakuna dahil kapakanan ninyo ang inuuna namin. Kapag panahon niyo na para magpabakuna, huwag na kayo mag-alinlangan pa, magpabakuna na agad kayo.

“Libre naman ang bakuna at importante ito para malayo kayo sa peligro. Ang bakuna ang poprotekta sa buhay ninyo laban sa COVID-19 na nakamamatay. Ito ang susi o solusyon para unti-unti na tayong makabalik sa ating normal na pamumuhay,” ayon kay Go. (PFT Team)

The post Bong Go: Agawan ang supply sa bakuna, ‘wag sayangin appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bong Go: Agawan ang supply sa bakuna, ‘wag sayangin Bong Go: Agawan ang supply sa bakuna, ‘wag sayangin Reviewed by misfitgympal on Mayo 14, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.